Marcos family

[ANALYSIS] Babangon muli? Mga Marcos ang nagpadapa sa ekonomiya at bansa

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Babangon muli? Mga Marcos ang nagpadapa sa ekonomiya at bansa

Alejandro Edoria

Kung hindi sana nangyari ang Batas Militar, malamang mas maunlad pa ang Pilipinas ngayon

Kung iisipin, ironic at mapanlinlang ’yung campaign slogans ni Ferdinand Marcos Jr na “Babangon Muli” o “Bangon Bayan Muli.”

Ito’y dahil ang mga Marcos mismo ang nagpadapa sa ating bayan noong Batas Militar.

Sinira ng rehimen ni Ferdinand Marcos ang ating demokrasya. Nilason niya ang mga institusyong tulad ng Kongreso at mga korte na dapat ay tagapagbantay sa mga kamalian at pang-aabuso ng pangulo, pulis, militar, at ibang bahagi ng ehekutibo.

Inararo rin ng diktadura ang mga karapatang pantao ng mga Pilipino, at pumatay sa ’di bababa sa 3,257 katao, nag-torture ng 34,000, at nagpakulong sa mahigit 70,000.

Ngunit sa artikulong ito, gusto kong mag-focus sa pagwasak ng rehimeng Marcos sa ekonomiya ng bansa. Kung hindi sana nangyari ang Batas Militar, malamang mas maunlad pa sana ang Pilipinas ngayon.

Narito ang ilang mga katotohanang huwag na huwag nating makalilimutan:

1) Noong Batas Militar, nangyari ang pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng Pilipinas mula World War II.

Noong 1984 at 1985, bumagsak ang kabuuang produksiyon ng ating bansa – na sinusukat ng GDP o gross domestic product – nang 14%. Ito ang pinakamalalang pagdapa ng ating ekonomiya mula noong matapos ang World War II.

At kahit na bumagsak din ang ekonomiya natin nang 9.6% noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic, hindi nito hinigitan ang pagbagsak ng ekonomiya sa huling mga taon ng diktadura ni Marcos.

2) Mahigit 2 dekada ang inabot bago tayo nakabangon.

Noong 1982, ang hati ng bawat Pilipino sa kabuuang kita ng bansa ay nagkakahalaga ng mahigit P94,000. Pero noong sumapit ang krisis, bumagsak iyon at hindi natin nabawi hanggang 2003 o matapos ang 21 taon.

Ibig sabihin, ang bawat Pilipino noong 2003 ay kasingyaman lang ng bawat Pilipino noong 1982, o mahigit dalawang dekada ang nakaraan. Tinatawag itong “lost decades of development” ng Pilipinas.

3) Naging “sick man of Asia” tayo.

Noong dekada ’50, pinakamayaman tayo sa rehiyong ASEAN, ayon sa datos. Pero noong dekada ’60, sa unang termino pa lamang ng diktador na si Marcos, napag-iwanan na tayo ng Malaysia. Ilang taon pa ang lumipas at napag-iwanan naman tayo ng Thailand at muli ng Malaysia.

Sa madaling sabi, nangulelat ang Pilipinas. Sa bagal ng pag-unlad ng Pilipinas noong Batas Militar, kumpara sa mga karatig-bansa, tinagurian tayong “sick man of Asia.”

4) Bumagsak ang halaga ng piso.

Abot-abot ang presyo ng mga bilihin noong Batas Militar.

Noong 1970, sa sobrang taas ng mga presyo, kumaunti ang kayang bilhin ng piso. Nagdulot ito ng kahirapan at gutom at kaliwa’t kanang protesta na ginamit ni Marcos na isang dahilan sa pagdeklara niya ng Batas Militar noong 1972.

Noong 1984 naman, naitala ng bansa ang 50% na inflation rate o sukat ng pagtaas ng mga presyo. Ito ang pinakamataas na inflation rate sa ating kasaysayan.

Humina rin ang piso kontra dolyar noong diktadura. Pagpasok ni Marcos sa puwesto noong Disyembre 1965, nasa P3.9 ang kaya dolyar. Ngunit noong napatalsik ang mga Marcos sa puwesto noong Pebrero 1986, bumagsak na ang exchange rate sa P19.5 kada dolyar.

5) Maraming nawalan ng trabaho.

Sa pagbagsak ng ekonomiya noong dekada ’80, napakaraming nawalan ng trabaho. Mula sa 6.3% na unemployment rate noong 1972, dumoble ito sa 12.6% pagdating ng 1985, sa huling taon sa puwesto ng diktador.

’Yung mga masuwerteng may trabaho pa rin, kulang naman ang kinikita. Noong 1984, umabot sa halos 33% ang underemployment rate. Ibig sabihin, isa sa tatlong may trabaho ang kulang ang kinita o gusto pang makakuha ng ibang trabaho.

6) Napilitang mag-abroad ang maraming Pilipino.

Dahil sa kawalan ng maayos na trabaho dito sa bansa, napilitan ang maraming Pilipino na mangibang-bayan. Mula 1975 hanggang 1983, ang porsiyento ng mga Pilipinong OFW sa ating populasyon ay lumaki nang lagpas siyam na beses.

Dulot din ito ng “labor export policy” ni Marcos. Dahil sa mali-maling polisiya, mabilis naubos ang dolyar ng gobyerno noong Batas Militar, at ang padala o remittances ng OFWs ay ginatasan ni Marcos bilang source ng dolyar. Kaya naman itinulak niya ang maraming tao na mag-abroad. Ang problema, maraming pamilyang nagkawatak-watak dahil sa OFW phenomenon na ito.

7) Tumaas ang kahirapan at ang gutom.

Hindi napigilan ng Nutribun (isang proyekto ng mga Amerikano) at iba pang programa ang matinding gutom. Noong 1982, isa sa kada tatlong pamilyang Pilipino ang ’di nakakakain ng minimum recommended calories kada araw, at nasa 1.6 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom araw-araw.

Naranasan din ng Negros Island ang sobrang tinding kagutuman o famine noong 1985, sa kasagsagan ng ating krisis pang-ekonomiya. Sa katunayan, isa sa limang bata sa Negros ang “seriously malnourished,” kabilang si Joel Abong na buto’t balat noong nakuhaan ng litrato noong 1985. Minulat ng kanyang litrato ang maraming tao sa loob at labas ng bansa hinggil sa lala ng krisis at maling pamamalakad ng rehimeng Marcos.

8) Nabaon sa utang ang bansa.

Isa sa pangunahing dahilan ng krisis pang-ekonomiya noong Batas Militar ang gabundok na utang ng rehimeng Marcos.

Buti sana kung nagastos nang mabuti, ngunit alam nating winaldas iyon para sa magagarbong proyektong imprastraktura, sa pautang para sa mga negosyo ng mga kamag-anak at kaibigan (cronies), sa shopping ni Imelda ng mga alahas at building sa New York, sa pagpapaaral kina Bongbong at Imee sa ibang bansa (pero hindi naman natapos), atbp.

Mula 1972 hanggang 1985, ang utang panlabas ng bansa ay lumobo nang tumataginting na $23.52 bilyon. (BASAHIN: Marcos debt: Ano ang katotohanan?)

Kasabay nito, tinatayang nasa $22.3 bilyon ang kapital na lumabas sa bansa dahil sa kawalan ng kompiyansa ng mga mamumuhunan sa atin. Pinalala nito ang krisis pang-ekonomiya noong dekada ’80.

9) Nabangkarote ang Central Bank.

Maging ang Central Bank ay ginatasan ng rehimeng Marcos. Inutusan ni Marcos ang Central Bank na magpautang sa mga kaduda-dudang negosyo ng cronies, na sa kalauna’y ibinulsa lang ang perang natanggap.

Tuloy, naipon ang mga utang na hindi mabayaran, at umabot ang mga lugi o losses ng Central Bank sa P300 bilyon. Parang imposible iyon, dahil Central Bank mismo ang tanging may kapangyarihang mag-imprenta ng pera. Ngunit nangyari talaga ito.

Dahil sa sumamang reputasyon ng Central Bank, kinailangan itong i-rebrand hanggang sa nabuo ang bagong institusyon noon 1993: ang Bangko Sentral ng Pilipinas.

10) Bilyon-bilyong dolyar ang ninakaw sa kaban ng bayan.

Panghuli, habang lugmok sa krisis at kahirapan ang Pilipinas, tinatayang nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang ninakaw ng mga Marcos mula sa taumbayan.

Mula noong 1986, mahigit P174 bilyon na sa nakaw na yaman na ito ang nabawi na ng Presidential Commission on Good Government. Ngunit hanggang ngayon ay may hinahabol pa silang P126 bilyon sa iba’t ibang kaso.

By the way, si Marcos pa rin ang may hawak ng Guinness World Record for the “Greatest Robbery of a Government.”

Marami pang detalye hinggil sa ekonomiya ng Pilipinas noong Batas Militar; maaaring basahin ang iba ko pang mga artikulo tungkol dito.

Sana lang, sa Mayo, huwag basta-basta magpadala ang taumbayan sa mga mahalimuyak na pangako ng “muling pagbangon” o mapukaw ng remix ng kantang “Bagong Lipunan.” Imbes na “magbabago ang lahat tungo sa pag-unlad,” tulad ng nasa lyrics ng kanta, nagbago ang lahat tungo sa pagkasira ng ating bansa. At huwag kalimutan kung anong dinastiya ang responsible para roon. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.