Budget Watch

[ANALYSIS] ‘Whiff of corruption’? Umaalingasaw na ang Pharmally

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] ‘Whiff of corruption’? Umaalingasaw na ang Pharmally

DR Castuciano

May kalulugaran sa impiyerno ang mga lider na nagagawa pang pagkitaan ang pandemyang ito – lalo na’t gobyerno rin mismo ang dahilan kung bakit napakarami nang nagkasakit at namatay

Kahindik-hindik ang mga rebelasyon mula sa Senate hearings hinggil sa Pharmally Pharmaceutical, na ’di umano’y nagbenta ng overpriced personal protective equipment (PPE) sa gobyerno.

Sa dinami-dami ng hearings, isa sa mga pinakapumukaw ng aking pansin ang isang infographic na nagpapakita ng tumataginting na 42,344.24% ROI (o return on investment) ng Pharmally. 

Mula kasi sa maliit na kapital na P625,000 noong 2019, tumubo ang Pharmally ng P265 milyon noong 2020 – o sa loob lamang ng isang taon ng kanilang operasyon.

Walastik. Sobrang laking red flag nito. Mismong ang tax expert at accountant na si Mon Abrea (na nag-compute ng numero) ang nagsabing “hindi normal” iyon.

10 red flag

Sandamakmak pa ang ibang red flags na lumutang. Balikan natin ang juicy details.

Una, naungkat na ang Pharmally ay nakakuha ng ’di bababa sa P10 bilyong mga kontrata sa gitna ng pandemya – P7.9 bilyon noong 2020 at dagdag na P2.3 bilyon ngayong 2021 – para sa pag-supply ng PPE sets, face shields, at RT-PCR tests. 

Ikalawa, pinili ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ang Pharmally kahit na walang pruweba na ang kompanya’y may sapat na pera, karanasan, at kakayahang makipag-transaksiyon sa gobyerno (dahil nagsimula lang ang kompanya noong 2019, at kakarampot lang ang kapital na P625,000). 

Tingnan mo na lang ’yung unang kontratang nakuha nila: P54 milyon para sa 2.4 milyong surgical masks. Iyon pa lang, paano na nila na-supply?  

Ikatlo, pinili ng gobyerno ang Pharmally kahit wala itong kakayahang gumawa ng PPE. Lumalabas na ahente lang pala ang Pharmally at nagbenta sa gobyerno ng supplies na nagmula sa suppliers sa Tsina.

Ikaapat, umamin ang direktor ng Pharmally na naging “financier” at “guarantor” ng kompanya si Michael Yang, isang negosyanteng Tsino na kaibigan at dating “economic adviser” ni Pangulong Duterte

Ani Yang, maliit lang ang kanyang papel: ipinakilala lang niya ang Pharmally sa iba’t ibang supplier ng PPE sa Tsina. Pero nalantad sa Senate hearings na nag-alok siyang pautangin ang Pharmally at naging guarantor din ng kompanya. Ibig sabihin, si Yang ang nagsigurong magbabayad ang Pharmally sa suppliers matapos makuha ng Pharmally ang bilyon-bilyong bayad mula sa ating gobyerno. 

Nitong Agosto 30 lang, dinepensahan ni Duterte si Yang at tinawag siyang “pagador” (sa Ingles, “paymaster” o “financial sponsor”) ng mga Tsinong negosyante sa bansa.

Ikalima, lumalabas na wanted pala ang ilang opisyal ng Pharmally (at isang business associate ni Michael Yang) sa Taiwan dahil sa mga krimeng pinansyal tulad ng securities fraud, embezzlement, at stock manipulation. Tanong ni Senador Risa Hontiveros, “Bakit tayo nakikipag-negosyo sa mga taong may warrant of arrest pa nga sa ibang bansa?”

Ikaanim, weird (at minsa’y absurd na) ang mga detalye ng transaksiyon ng PS-DBM sa Pharmally. Bukod sa walang tao o opisina sa address na isinaad ng Pharmally sa kanilang records ng Securities and Exchange Commission, noong Marso 25, 2020 ay nakapag-deliver daw agad sila ng 500,000 face masks sa warehouse ng PS-DBM wala pang tatlong oras mula noong magpadala ng inquiry email ang PS-DBM (at kahit na wala pang official purchase order ang PS-DBM noon). 

Sa bilis, “parang Grab delivery lang,” ani Senador Richard Gordon.

Ikapito, ang pinuno (executive director) ng PS-DBM noong panahong iyon ay si Lloyd Christopher Lao, isa sa tinaguriang “Davao boys” at dating alalay ni Senador Bong Go. Bilang dating undersecretary sa opisina ni Go noong 2017, nasangkot din si Lao sa kontrobersiyal na P15.5-bilyong Navy frigates deal. Noong 2020 naman, nag-apply din si Lao bilang overall deputy ombudsman (sabi ng iba, upang proteksiyonan ang kanyang mga amo sa asunto). 

Ikawalo, kamakailan ay pinagtakhan ng Commission on Audit (COA) kung bakit inilipat ng Department of Health ang P41-bilyong pondo nito sa PS-DBM para sa pagbili ng PPE, kahit wala ang karampatang memorandum of agreement o MOA sa pagitan ng dalawang ahensiya.

Ikasiyam, sa katapusan ng 2020 ay sandamukal na face masks at shields (na nagkakahalagang P95.46 milyon) ang nakatengga lang sa warehouse ng PS-DBM at ayaw bilhin ng mga ahensiya ng gobyerno dahil napakamahal. 

Ikasampu, ayon sa Palasyo, hindi raw mga personalidad ang naging basehan ng transaksiyon sa Pharmally, kundi “presyo” at “kalidad.” Subalit may ibang lokal na manufacturers pala na kayang gumawa ng PPE, at sa mas murang halaga. 

Marami pang ibang detalye. Pero sana matanim sa isipan nating lahat ang kaliwa’t kanang anomalya ng Pharmally transactions ng gobyerno. ’Wag nating palagpasin ito.

Talo ang local manufacturers

Si Lloyd Lao mismo ang nagsabing maaaring naging mahal ang pagbili sa face masks at shields dahil sa kanyang kapabayaan bilang pinuno ng PS-DBM noon.

Pero naging mabilis umano ang transaksiyon sa Pharmally dahil sa matinding pangangailangan ng gobyerno para sa medical supplies noong simula ng pandemya. Binanggit din ang Bayanihan 1 law na aniya’y nagluwag sa procurement rules upang mapabilis ang paggastos ng gobyerno.

Oo, kailangan natin ng medical supplies. Pero pagdating sa face shields, hanggang ngayon ay ni walang siyentipikong basehan ang paggamit nito upang labanan ang airborne na virus na sanhi ng COVID-19. Sa katunayan, ayon sa isang wind engineer, maaaring makalala lang ang paggamit ng face shields.

Oo, kailangang gumastos ang gobyerno nang mabilis (at ng malalaking halaga) upang iligtas ang ekonomiya. Pero kailanman ay ’di ito dahilan upang waldasin ng gobyerno ang bilyon-bilyong pera ng taumbayan sa mga napakama-anomalyang transaksiyon. Ayon sa COA mismo, may mga regulasyon pa ring dapat sundin sa emergency procurement.

May matalino sanang paraan para sabay na matugunan ang pandemya at ang matamlay na ekonomiya: puwede sanang nagbuhos ng pera ang gobyerno sa mga lokal na PPE manufacturers. In fact, may mga pabrikang nag-adjust na ng kanilang operasyon upang makalikha ng maraming PPE.

Kung ang local manufacturers na iyon ang pinili ng gobyerno, eh di natulungan pa sana ang ating lokal na industriya at mga manggagawa. 

Sa kabila ng oportunidad na ito, Pharmally pa rin ang pinaboran ng gobyerno. At ang bulto ng pera ay napunta sa suppliers sa Tsina, imbes na sa mga Pilipino. (BASAHIN: How the Duterte gov’t shut out local PPE producers during a pandemic)

Ngayon, nawalan na ng gana ang ilang local PPE manufacturers, at iniisip nang mag-supply na lang sa ibang bansa. 

Pinagkitaang pandemya

Noong 2016, ani Duterte bago umupo sa puwesto, ’di niya palalagpasin ang kahit kaunting amoy o “whiff” ng korupsiyon. 

Pero kahit umaalingasaw na ang mga transaksiyon ng PS-DBM at Pharmally, bakit todo pa rin ang depensa ni Duterte sa mga nasangkot dito? May point pa bang itanong ito?

Sabi nga, ang bawat krisis ay may kaakibat na oportunidad. Pero may kalulugaran sa impiyerno ang mga lider na nagagawa pang pagkitaan ang pandemyang ito – lalo na’t gobyerno rin mismo ang dahilan kung bakit napakarami nang nagkasakit at namatay. (BASAHIN: Epidemya ng pagka-inutil)

Kaya ba ayaw sugpuin agad ng gobyerno ang pandemya? – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.