Philippine economy

[ANALYSIS] Agwat ng mahirap at mayaman, liliit kaya sa panahon ni Marcos?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Agwat ng mahirap at mayaman, liliit kaya sa panahon ni Marcos?
Sobrang laking pagsubok ang pagpapababa ng inequality ng Pilipinas sa mga susunod na taon at dekada. Pero ’di naman ito imposible.

Inilunsad kamakailan ng World Bank ang isang bagong report hinggil sa kahirapan at agwat ng mahihirap at mayayaman sa Pilipinas.

Maraming mga numero, graphs, at teknikal na mga salita. Hayaan ninyong ibahagi ko rito ang ilan sa highlights ng pag-aaral.

Sa totoo lang, matagal na nating alam ang lagay ng kahirapan at ’di pagkapantay-pantay o inequality sa Pilipinas. Ngunit may mga bagong insights din gamit ang bagong datos at analysis na sadyang nabago dahil sa pandemya.

Una, ’di maikakailang malaki ang pagbaba ng antas ng kahirapan mula 1985 (kasagsagan ng krisis pang-ekonomiya noong Batas Militar) hanggang 2018 (kung kailan nakuha ang latest na datos hinggil sa kahirapan bago ang COVID-19).

Kung noong Batas Militar ay halos kalahati ng populasyon (at lagpas kalahati ng mga pamilya) ang maituturing na mahirap, pagdating ng 2018 ay isa sa anim na tao na lang ang mahirap.

Idinulot daw ito ng pabilis nang pabilis na paglaki ng produksiyon ng ating ekonomiya. Para sa marami, ’di nila ramdam ang epekto ng mga balita tulad ng, “Ang GDP ay lumago ng 6%.” Ngunit tuwing mabilis na lumalaki ang ekonomiya ay somehow lumalaki rin ang kita ng maraming Pilipino. At sa loob ng mga dekada, susi iyon sa pagbangon ng marami sa atin mula sa kahirapan.

Ipinapakita rin ng datos ng World Bank na, sa totoo lang, mas malaki ang benepisyo ng mahihirap sa paglaki ng ekonomiya, kumpara sa mayayaman. Kumbaga mas naging “pro-poor” na ang growth ng bansa, at ’di na kasing “pro-rich.”

Ngunit marahil mas importanteng dahilan sa pagbaba ng kahirapan ay ang kasabay na pagbabagong-anyo ng ekonomiya, mula sa pagiging agrikultural (nakaasa sa pagsasaka at pangingisda) hanggang sa pagiging “service-oriented” (nakaasa sa serbisyo tulad ng kalakal o trade, transportasyon, atbp.).

Pamilyar din tayo sa transformation na ito ng ekonomiya. Halimbawa, kakaunti na lang ngayon sa kabataan ang mga interesadong magsaka o manatili sa mga lalawigan, at gustong magtrabaho sa mga siyudad kung saan mas maraming trabaho at mas mataas ang sahod.

Inequality pa rin

Gayunpaman, nagbabala ang World Bank na nananatiling mataas ang inequality o agwat ng mahirap sa mayaman sa Pilipinas. Ito’y sa kabila ng mabilis na pagbaba ng kahirapan.

Ayon sa isang sukat ng inequality (na ang tawag ay “Gini coefficient”), sa 63 na bansa sa mundo, pang-15 tayo na may pinakamataas na inequality. Samantala, Thailand lang ang bansa sa rehiyon na mas malala ang inequality kaysa sa atin.

Noong 2019 naman, kontrolado ng pinakamayamang 1% ng mga Pilipino ang 17% ng kita ng bansa, habang 14% lang ang kontrolado ng mahirap na 50% ng mga Pilipino. Isa pa, bahagya lang ang inangat ng hati ng mahirap na 50% sa mga nakalipas na dekada (Figure 1).

Figure 1. Source: World Inequality Database

Bagama’t medyo bumaba ang hati ng pinakamayamang 1% ng mga Pilipino sa kabuuang kita ng bansa, mas mataas pa rin ito sa mga karatig-bansa tulad ng Malaysia at Indonesia.

Damang-dama ang inequality ng Pilipinas sa mga lugar na tulad ng Makati o BGC sa Taguig, kung saan katabi ng mga nagtataasang skyscrapers ang mga bubong na yero ng informal settlers.

Inisa-isa ng World Bank ang mga dahilan ng ’di masugpo-sugpong inequality sa bansa, na nagsisimula sa sinapupunan pa lang (kapag kulang sa check-ups bago at matapos ipanganak ang baby), at sa murang edad ng mga bata (kapag kulang sila sa bakuna, walang access sa malinis na tubig, kubeta, at kulang sa nutrisyon).

Isang malaking ugat din ng inequality ang magkalayong karanasan ng mga bata pagdating sa edukasyon.

Edukasyon ang itinuturing na susi sa pag-angat mula sa kahirapan. Ngunit paano ito makakamit ng mahihirap kung gutom ang mga bata, walang pang-gastos sa paaralan, at malimit na absent o ni hindi nag-e-enroll?

Para sa mga enrolled, paano sila matututo kung walang sapat na espasyo sa bahay para sa paggawa ng homework, o gabay mula sa kanilang mga magulang?

’Di na kagulat-gulat na naunang ibinalita ng World Bank na 9 sa 10 sa mga batang edad 10 ang ’di nakababasa ng mga dapat ay nababasa na nila sa ganoong edad. Ito ’yung tinatawag na “learning poverty,” at isa tayo sa may pinakamalalang learning poverty sa Asya.

At siyempre, pinalala lang ng COVID-19 ang inequality sa edukasyon. Ito ’yung sinasabi ko noon na “K-shaped” recovery: mas makasasabay sa online learning ang mga batang may computer at internet connection sa bahay, kumpara sa mga batang wala noon. (BASAHIN: Why the PH economy’s recovery will be K-shaped)

By the way, tayo rin ang bansang pinakamatagal na nagsara ng mga paaralan. At sa mahigit dalawang taon na iyon, maraming estudyante ang ’di natuto nang wasto, at sa ngayon ay kailangang maghabol ng lessons ang mga estudyante at guro.

Ayon sa World Bank, isa rin sa pinakamahalagang sanhi ng matagalang inequality ay ang ’di pagkapantay-pantay ng benepisyo mula sa pag-aaral ng college sa Pilipinas.

Oo, puwede kang umasa na mas malaki ang kikitain mo sa trabaho kapag ika’y nakatapos ng college. Ngunit ang balik na iyon ay pinakamalaki para sa mga mayayamang estudyante, at pinakamaliit para sa mahihirap na estudyante.

Maaari kasing ina-amplify o pinalalaki ng college education ang mga advantages na mayroon ang mayayaman (tulad ng resources, networks, etc.). Puwede ring ’di kagandahan ang mga kolehiyo kung saan nag-e-enroll ang mahihirap, kaya maliit din ang nakukuha nilang balik mula sa pag-aaral ng college.

Figure 2. Returns o balik sa pag-aaral ng college para sa iba’t ibang income quantile (mas mataas na quantile, mas mayaman). Source: World Bank 2022.
Paano na?

Sobrang laking pagsubok ang pagpapababa ng inequality ng Pilipinas sa mga susunod na taon at dekada. Pero ’di naman ito imposible. Ayon sa World Bank, maraming puwedeng gawin ang gobyerno upang tulungan ang mahihirap na makaahon.

Halimbawa, noong simula ng pandemya, gumulong naman ang ayuda para sa mga mahihirap na pamilya. Ngunit ayon sa World Bank ay ’di naging sapat iyon para ibalik ang nawalang kita ng maraming pamilya. Kailangan ding gawing mas “targeted” ang ayuda para masigurong napupunta iyon sa mahihirap, hindi sa mga taong ’di masyadong nangangailangan noon.

Maganda rin daw na magpatupad ang gobyerno ng “unemployment insurance” program kung saan makatatanggap ng ilang buwang sahod ang mga mawawalan ng trabaho. (May ganito nang panukala ang ilang kongresista.)

Dapat din daw tutukan ang edukasyon upang mabawasan agad ang nawalang pagkatuto (“learning losses”) dulot ng pandemya. (Sa ganitong aspeto, makatutulong kaya ang confidential funds na hiningi ni Vice President Sara Duterte para sa Department of Education?)

Panghuli, dapat daw tutukan ang inflation o masyadong mabilis na pagtaas ng mga presyo ngayong 2022, dahil banta ito sa laban kontra kahirapan.

Marami pang ibang rekomendasyon sa report. Pero kapansin-pansin na wala sa rekomendasyon ang pagpapataw ng mas malalaking buwis sa mayayaman, tulad ng mga ipinapanukalang “wealth tax,” o mas progresibong pagbubuwis na makamasa at hindi pabor sa mayayaman.

Ang tanong, makikinig kaya ang gobyerno sa report na ito? Babasahin kaya ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagmula sa elitistang dynasty at nakikinabang mismo sa inequality?

May pag-asa kayang lumiit ang inequality sa Pilipinas kung ang pangulo mismo ay ’di nagbabayad ng buwis sa mayayaman, tulad ng mahigit P200 bilyong estate taxes na deka-dekada na nilang iniiwasan? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.