public transportation

[Episodes] Pasahero: Ang masalimuot na mundo ng pamamasahe sa Metro Manila

Adelle Chua

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Episodes] Pasahero: Ang masalimuot na mundo ng pamamasahe sa Metro Manila
'Ilang beses nang nasabi: dito sa Metro Manila, isa kang mandirigma kung namamasahe ka. Pero hindi naman kailangan ng digmaan.'

Maaga akong namulat sa masalimuot na mundo ng pamamasahe sa Metro Manila.

Kinder pa lang kasi, nagko-commute na ako. Para makarating sa eskuwelahan sa Caloocan mula sa bahay namin sa Valenzuela, kailangan sumakay ng tricycle pa McArthur Hi-way mula sa looban, pagkatapos jeep hanggang sa 11th Avenue sa Grace Park, kaunting lakad, saka tricycle na naman patungong eskuwela sa may 12th Avenue. May tagahatid ako noon, syempre, at nung lumaki pa, may school service nang naghahatid-sundo. Pero kapag naiiwan ng service dahil sa patung-patong na school activities, o mga kompetisyon sa labas ng eskuwelahan, napipilitan pa rin akong mamasahe. Minsan, parang balewala ang pagkapanalo sa contest dahil sa sobrang hirap umuwi, sabay takot na mapagalitan ni Lola dahil ginabi na, kahit anong paliwanag ko pa.

Nag-iba ang ruta noong kolehiyo, mas humaba, kahit na parang hindi ko alintana. Naaalala kong P6 ang aircon bus mula sa amin hanggang Quezon Ave. Wala pa ang mga sanga-sangang flyover, overpass, at underpass sa intersection nito sa EDSA. Ang meron lang, napakaraming stoplight. Kailangan mabilis ka lumakad dahil pag naabutan ka ng red light, matagal bago umikot uli at maging berde, at ito ang diperensya ng pagiging nasa oras o pagiging late. P2.25 naman ang jeep mula Hi-Top hanggang UP Campus, pagkatapos, sa tapat ng Vinzons Hall, pipila ka pa-Katipunan. P1.50 ang bayad noon, at kung mahiyain ka’t ayaw mong sumigaw ng “para,” pwede mong hilahin ang tali sa kisame ng sasakyan. Papasok sa Ateneo, mahabang lakad. Pag minalas ka’t umuulan, matitilamsikan ka ng tubig o putik pagdaan ng mga kotse papasok ng campus.

Must Read

[OPINYON] Walang ‘wang wang,’ walang kotse, atbp.

[OPINYON] Walang ‘wang wang,’ walang kotse, atbp.

Nagsimula akong magtrabaho noong wala pang MRT. Ang ginagawa ko, aagahan ko ng alis para makakuha ng aircon bus na higit dalawang oras ang byahe hanggang Makati. Kapag swerte ka, malamig ang aircon, maayos ang katabi mo, at pwedeng umidlip – higpitan mo nga lang ang yakap sa bag mo.

Pinaka-delikado naman ay noong nag-oopisina ako sa Port Area. Ayos lang sana ang paglilipat-lipat mula sa tricycle, jeep, LRT, at jeep uli dahil hapon naman ang pasok sa dyaryo – maaga pa para sa rush hour. Pero sa gabi, dahil pagod ang utak, pinipili kong sumakay ng isang derechong jeep hanggang amin. At dahil lagpas alas-8 or alas-9 ang tapos ng trabaho, lalong kailangang maging maingat at mapagmasid. Nasaksihan kong hablutan ng hikaw ang katapat ko, ang maliitin ng pulubi dahil sa P2 lang ang limos ko, ang makasabay ng isang lalaking duguan at halos gumapang papasok ng jeep, at makitang paluin ng tubo sa ulo ang tsuper ng mga siga sa Blumentritt.

Nitong mga nakaraang taon bago mag pandemya at mag-work from home, nagkaroon din naman ng iba pang paraan para makarating sa paroroonan. Una, Grab, pagkatapos Uber, tapos Grab na lang uli. Pwede pa nga yung may iba kang mga kasabay para sa mas mababang presyo. Tapos nagkaroon din ng P2P na saktong-sakto sa mga destinasyon ko. Mas mahal, pero may halaga rin naman ang kaunting ginhawa at pagkapayapa ng isip. Pwede naman magtipid sa ibang bagay.

Sa ilang dekada ko ng pamamasahe, naranasan ko nang maghintay nang tatlong oras sa Avenida Rizal, patakbo-takbo pa kakahabol ng jeep, lumusong sa hanggang-baywang na tubig baha kapag umapaw ang Tullahan River, madukutan, mahipuan, mangudngod ang mukha sa karagatan ng tao sa tren, tumayo sa pilang abot hanggang EDSA mula sa itaas ng MRT, tumayo sa siksikang bus na mahina ang aircon at halos di ka na makahinga, magpalipat-lipat ng jeep dahil may lalaking nakatitig at sumusunod, makipagtalo sa mga walang modo at gahamang taxi driver, lumakad ng 2.5 kilometro sa Macrthur Hi-way mula Monumento dahil walang galawan ang trapik, at walong buwang buntis ako noon – at maiyak na lang sa pagkahabag sa sarili. Nag-aral naman ako nang mabuti, sabi ko, masipag naman ako magtrabaho, mabuti naman akong tao…bakit ganito?

Must Read

[OPINION] Our commute is eating up our human rights, and we’re too tired to care

[OPINION] Our commute is eating up our human rights, and we’re too tired to care

**

Ngayon, marami nang nagbago. Ang lapit na ng tinitirhan ko sa unibersidad na pinagtatrabahuhan ko. Pwede ngang lakarin kapag face-to-face na ang klase. Kapag may lakad kaming pamilya o magkakaibigan, may kakayanan na rin naman mag-Grab kada labas.

Pero minsan, kapag malakas ang kulog, kidlat, at ulan, ang unang pumapasok sa isip ko, lalo na kung komportable akong nagtatrabaho mula sa home office ko, paano ang mga namamasahe? Damang-dama ko pa rin ang hirap at pagod, na parang ako pa rin ang nakakaranas nito.

Sa totoo lang din, kahit naman walang ulan at baha, kawawa pa rin ang mga ordinaryong pasahero dito sa atin. Ngayong muling pagbubukas ng ekonomiya, marami nang kailangang pumasok nang pisikal sa kanilang mga trabaho, pero parang hindi naman kinakaya ng kasalukuyang bilang ng mga sasakyan. Mahal din ang presyo ng gasolina kaya’t kahit yung dating nagmamaneho o sumasakay ng Grab, pinipiling mag-pampublikong sakay din.

At hinda ba kaawa-awa ang mga walang masakyan noong nagkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng provincial bus operators at ng gobyerno tungkol sa kailan pwede at hindi pwede kumuha ng pasahero sa EDSA? Kung kailangan mo naman sumakay ng carousel bus, walang ibang paraan kundi mamanhik-manaog ka sa mga overpass – at yung iba ay hindi makatao ang tarik. Paano na lang ang may-edad, ang mahina o may dinaramdam, ang buntis o may dalang bata?

Hindi nga ba’t napulaan pa tayo sa Twitter ng isang banyaga? Sinabi ng Dutch diplomat na si Dirk Janssen, “there is no better way to make it clear to pedestrians that they don’t matter,” kasama ng larawan ng elevated foot bridge sa Kamuning.

Isa lamang ang pampublikong transportasyon sa maraming suliranin na kailangang bunuin ng bagong administrasyon. Makikita naman sa mga polisiya, direktiba, at mga proyekto kung kaninong interes ba ang namamayani. Napakahirap na nga ng buhay, ano ba naman iyong pag-isipan kung paano mapapadali, kahit kaunti, ang araw-araw ng nagsusumikap lang naman maghanapbuhay. Ano ba naman iyong mag-anunsyo ng malinaw at pinag-isipang hakbang para sa ikagiginhawa ng mga taong walang ibang paraan para makapasok sa trabaho.

Ilang beses nang nasabi: dito sa Metro Manila, isa kang mandirigma kung namamasahe ka. Pero hindi naman kailangan ng digmaan. Hindi nga ba, ang sukatan ng makatarungang lipunan ay hindi kung ilang mayayaman at makapangyarihan ang nakakuha ng bagong sasakyan, kung hindi ilan sa kanila ang kakayaning maging pasahero sa pampublikong sistema – at hindi para lamang sa photo op o PR stint?

Must Watch

WATCH: Daily struggle of every ‘mandirigma’ commuter in Metro Manila

WATCH: Daily struggle of every ‘mandirigma’ commuter in Metro Manila

Sa patuloy na paglawak ng puwang ng mahirap at maykaya dito sa atin, parang isang hiling o panalangin na lang ito. Pero humiling pa rin tayo…at magmatyag sa kilos ng mga nasa poder. Pairalin sana ang tunay na malasakit sa pangkalahatang kapakanan ng marami, at huwag lang bilangin ang materyal nilang kontribusyon sa ekonomiya.

Matibay ang mga Pilipino. Magsisikap, magtitiis, sasabak sa kahit ano. Pero kung hindi sila pinanghihinaan ng lakas at ng loob sa pakikipagsapalaran sa labas, gaano pa kaya aangat ang kalidad ng kanilang buhay, at gaano pa kaya lalaki ang kanilang ambag sa pagbuo ng ating bayan? – Rappler.com

Adelle Chua is Assistant Professor of Journalism at the UP College of Mass Communication. She was an opinion writer and editor for Manila Standard for 15 years. Her past and current work can be found on www.adellechua.com.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!