2022 Philippine Elections

[OPINYON] Swing voter

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] Swing voter
'Ang pag-aaral, mga ginigiliw kong lolo't lola, ay higit pa sa kabuhayang kayang ibigay ng diploma. Higit pa ito sa posisyon o titulo. Higit sa paghango sa kahirapan ng pamilya.'

“The reason grandchildren and grandparents get along so well is that they have a common enemy.” – Sam Levenson

Gaya ng nakagawian ko kapag sumasali ako sa essay-writing contest noong pre-Wikipedia high school, magsisimula ako sa isang epigraph to impress upon the judges na, huh, well-read ang nagsulat. Pipigain ko ang utak ko para matandaan ang iilang aklat, magasin, at komiks na nabasa ko. Nire-recycle ko pa ang iba lalo ang much maligned quotation from The Little Prince. O kaya galing sa Noli o El Fili. Tapos iko-quote ko ang awtor o ang tauhan na nagsabi pati kung saan ito galing na aklat sabay paliwanag at paglapat sa konteksto ng piyesang isinusulat ko. Ilang beses akong nanalo. May isang essay-writing contest pa nga na ang premyo ay payong.

Iba na ngayon. Hindi man ito junior high school essay-writing contest piece, though in a way contest piece din naman to gain reader’s attention, may pangmalakasang epigraph pa rin mula sa website na “150 Grandparents Quotes to Warm Your Heart and Remind You of Who Loves You the Most.” Hinanap ko rin sa internet kung sino itong si Sam Levenson na isa palang American humorist. Humorist din gaya ni Isko. Hindi ko na alam kung kailan sinabi ni Levenson o kung saan niya isinulat ang epigraph na ginamit ko. 

Bakit kasi tungkol sa mga lolo’t lola ang paksa ko? Kasi ganito. Na-convert ng dalawang anak ko na suportahan at iboto ng kanilang lola (hindi na nila inabutan ang kanilang lolo) ang minimithi nilang kandidato sa pagkapangulo. Si Leni. Minimithing kandidato dahil parehong hindi pa nakakaboto ang dalawang anak ko. Kaya kinampanya nila ang kanilang lola. 

Hindi naman kami magkaaway ng biyenan ko. Hindi ko rin naman masabing magkasundong-magkasundo. Kaya hindi eksakto ang epigraph maliban sa ilang pagkakataong outvoted ako sa mga desisyon sa bahay, kung ano ang uulamin o memeryendahin halimbawa. Madalas, asawa ko, mga anak ko, at biyenan ko ang magkakasundo. Dapat lang. Pero hindi sila magkakasundo sa susuportahang pangulo.

Must Read

Dear Filipino voter: Can your choice for the next president handle these crises?

Dear Filipino voter: Can your choice for the next president handle these crises?

Buo na sa loob naming mag-asawa ang iboboto. Ang biyenan ko, leaning towards someone na mabunganga lately. Kaya kinampanya siya ng kaniyang mga apo. Noong una, mariin ang pagtanggi ng lola. Tipong sasabihan na huwag makialam dahil pangmatanda ang eleksyon. Pero habang tumatagal, habang nabibigyan ng malalambing na katuwiran ng mga apo, lumambot.

Napapayag nila ang kanilang lola after much prodding. Hahainan ng argumento ng mga bata kung bakit mabuting iboto ang kanilang kandidato at hindi ang napupusuang iboto ng kanilang lola. Naglundo ang lahat nang gamitin ng kandidato ni lola ang usapin ng kasarian noong isang araw, mula nang mag-ingay tungkol sa ilusyon ng pagpapaatras daw sa kaniya. Bumaligtad ang isang boto. Napakasaya ng mga anak ko.

Kaya naman nagpasya akong gawing paksa ng isusulat ko ang mga lola at lolo, na makikinig sa kanilang mga apo. Lalo na ngayong panahong ang bawat swing voter ay mahalaga. Upang magtunog matalino, narito ang kahulugan ng swing voter buhat sa isang, palagay ko naman, mapagkakatiwalaang source: “a pivotal (and perhaps dwindling) group of voters who are indifferent between either party to a first approximation and are therefore considered persuadable.” Ibig sabihin, sa puntong ito ng kampanyahan, may mahihikayat pa ang mga kandidato na bumoto sa kanila lalo’t hindi pa kumbinsido ang botante. 

Naniniwala akong iba ang swing voter sa tinatawag na undecided. Ang operative term para sa swing voter ay iyong maaari pang mahikayat. Persuadable sa Ingles. Sila ang mga botanteng oo nga’t may pinapaboran pero hindi malalim ang paniniwala sa kandidato. May duda pa. Mahihikayat pa ng malalapit sa kanila lalo’t ang ilang kandidato sa panahong itong homestretch ng kampanyahan ay may tendency na mag-self-destruct sanhi ng desperasyon.

Must Read

[Newsstand] Enough time for ‘Ro-mentum’

[Newsstand] Enough time for ‘Ro-mentum’

Kung matindi ang mithiin na ipanalo ang isang sinusuportahang kandidato, kailangang hanapin ang swing voters. Kausapin, pakiusapan, hainan ng makabuluhang katuwiran. Paliwanagan. Kung may makukuha, gamitin ang karanasan upang makuha pa ang iba. Kaya sa pamamagitan ng espasyong ito, gusto kong kausapin ang mga lola’t lolo.

Isang bukas na liham sa mga lolo’t lola

Ginigiliw kong mga lolo at lola,

Hello po.

Hindi ba’t naghangad kayo ng mabuting edukasyon, mabuting asal, mabuting pagkatao, mabuting buhay para sa inyong mga anak at apo? 

Alam kong may ganito rin kayong katuwirang madalas kong naririnig sa mga may edad: “Mag-aral kang mabuti, tapos mag-apply ka d’yan sa kompanyang ‘yan dahil maayos ang trato sa empleyado at malaki magpasweldo.” O kaya, “Mag-aral ka para ikaw ang magpatuloy ng negosyo natin.” O, “Mag-aral ka para maiahon mo ang pamilya mo sa hirap. Mag-aral kang mabuti para hindi mo kami makatulad.”

Hinangad ng marami sa inyo ang magpaaral kasabay ng pagpapalaki nang may taglay na kabutihan sa inyong mga apo. Nag-aral mabuti at nagpakabuti ang mga apo ninyo. Hindi man agaran ang paghango sa kahirapan dahil sa pambihirang oportunidad (natututuhan din sa pag-aaral ang pag-unawa kung bakit bibihira ang mabuting oportunidad, pramis), alam naman ng karamihan sa kanila kung ano ang gagawin. Alam kung paano susuriin ang sitwasyon. Alam nila kung ano mga suliranin. Kaya may pagkakataong kinukumbinsi kayong bumoto sa gusto nilang kandidato. 

You see, lolo’t lola, hindi lang gasgas na rhetorics ng kandidato itong paghango sa kahirapan. Ang paghango sa kahirapan ay collective effort upang maging maayos ang paggasta sa kinolektang buwis natin; upang masegurong hindi nanakawin ang ating buwis na gagamitin sa paghango sa kahirapan ng marami sa atin. Kaya pipili tayo ng mabubuting pinuno. Iyong walang kasaysayan ng pagnanakaw at katiwalian. Iyong hindi nanloloko. Iyong hindi sinungaling. Dahil kung pipili tayo ng manloloko, paano pa natin malalaman kung ano ang totoo?

Pinagnilayan pong mabuti ng inyong apo ang kaniyang iboboto. Ginamit ang pinag-aralan, na pambihira sa bayan natin, sa totoo lang. May iba kasing ang hangad lang ay diploma, magtapos, iba ito sa totoong may pinag-aralan.

May pananagutan po sa kapwa ang may pinag-aralan. Kaya nga po, hindi ba, insulto sa iba ang masabihang “para kang walang pinag-aralan?” 

Ang pag-aaral, mga ginigiliw kong lolo’t lola, ay higit pa sa kabuhayang kayang ibigay ng diploma. Higit pa ito sa posisyon o titulo. Higit sa paghango sa kahirapan ng pamilya. Hinangad ninyo sa inyong mga anak at apo ang makapag-aral. Hinangad ninyo sa kanila ang magkaroon ng maayos na pamumuhay. Ngayong nakapagdesisyon na sila kung sino ang kandidatong makakatulong sa pagsasaayos ng bayan na ito, sa pagbibigay ng oportunidad sa maraming kapos-palad nating kababayan, pwede po bang paniwalaan ninyo sila? 

Gumagalang,
Joselito

– Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.