Department of Justice

[EDITORYAL] Si De Lima, si Remulla, at ang landas tungo sa hustisya

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORYAL] Si De Lima, si Remulla, at ang landas tungo sa hustisya

NICO VILLARETE

Malinaw na hindi bibitiwan ng Pangulo si Justice Secretary Remulla. Kung gagampanan niya ang tungkulin, may pag-asang lumaya si De Lima at marebisa ang mga minanang kaso ng drug war killings.

Nang maaresto ang anak ni Justice Secretary Boying Remulla dahil sa umano’y pagtataglay nito ng high-grade marijuana, ito ang pahayag ni dating senador Leila de Lima

“Katulad ng bawat isa, ipinagpapalagay na inosente si Juanito Jose Remulla [III] hanggang mapatunayan siyang maysala, anak man siya ng Kalihim ng Katarungan o hindi,” sabi niya sa Ingles. “Bawat taong nasasakdal ay nararapat mabigyan ng patas na paglilitis, anuman ang katayuan nila sa buhay.”

Iba ito – napakalayo – sa nagngingitngit na sentimyento ng marami sa kanyang mga tagasuportang tumutuligsa sa hindi makatarungang pagkakakulong niya sa nakaraang halos anim na taon. 

Sa muling pagpapaigting ng panawagan para sa paglaya ni De Lima, ipinaghambing nila ang dalawang kaso. Gawa-gawa lang ang bintang na kasapakat sa bentahan ng droga si De Lima nang ito’y justice secretary pa, kaya dapat ay palayain siya. Samantala, sigurado silang guilty ang matandang anak ni Remulla, kaya siya raw ang dapat mabulok sa selda. 

Hindi maisasantabi ang hinanakit ng mahihirap na pamilyang ang kaanak na drug suspects o napagbintangang anak ay tinokhang na lang ng mga pulis. Sa drug war ng nakaraang administrasyon ni Rodrigo Duterte, na sinuportahan ng noon ay kongresistang si Remulla, itinuring na kalabisan ang pagbibigay ng due process sa maralita. 

Hindi rin maiaalis sa mga tagamasid at kritiko na manawagan para sa pagbibitiw ng ama ng suspek; malinaw ang conflict of interest, anila, at dapat magpakita man lang sana ng delikadesa. 

Ngunit sa pahayag ni De Lima, hindi lamang niya pinangibabaw ang damdaming mabuti at matuwid. Ipinamalas din niya – isang abogado, dating pinuno ng Commission on Human Rights, justice secretary, at senador – ang malawak na pananaw at malalim na pag-unawa sa konsepto ng hustisya at paggalang sa karapatan ng kapwa. Hindi ito pagpiga ng dugo mula sa kaaway, hindi pagtutuos ng mata sa mata at ngipin sa ngipin.

Para kay De Lima, malinaw kung sino ang kaaway: ang mapanupil na nagdaang rehimen, at hindi ang kasisimula pa lamang na pamahalaan na nangangako ng pagbabago sa pangangasiwa ng katarungan. Sa kanyang pahayag, dalawang beses niyang pinatungkulan ang “nakaraang administrasyon” – para bang sinasabing, kung nais itama ang kalakaran, narito ang hindi ninyo dapat tularan. 

Sa panahon ni Duterte, kinondena natin ang pagpatay sa mahihirap na suspek na inaaresto sa mga raid. Ngayon, minamasama natin na hindi natokhang ang anak ng miyembro ng Gabinete. Sa panahon ni Duterte, nagpoprotesta tayo sa paglabag ng law enforcers sa karapatan ng mga suspek at pagpapakalat nila ng mugshots. Ngayon, kinagagalitan natin ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kung bakit hindi ibinuyangyang ang mukha ng anak ni Remulla sa mugshots na ibinigay sa media. 

Sa isang banda, may batayan ang mga kababayan na pumupuna sa “double standard”; sa kabilang banda, hakbang na paurong ang paulit-ulit na pagbanggit nila sa kaparaanang dating kinamumuhian sa nagdaang mapang-abusong administrasyon. (Pinagtatawanan siguro tayo ng matandang taga-Davao habang niyayakap natin ngayon ang mga dating isinusuka natin tungkol sa kanya.) 

Paalala ni Carlos Conde, na researcher ng Human Rights Watch sa Pilipinas: “Ang pantay na turing ay hindi nangangahulugang ipapataw natin ang mga di kanais-nais na pamantayan sa mga pribilehiyadong indibiduwal, katulad ng anak ng justice secretary. Ang ibig sabihin nito ay huwag nating gamitin ang ganito sa sinuman, lalo na sa mga walang katulad na katayuan…. Hindi natin maitataas ang pamantayan kung sa isang banda ay dinidiinan natin itong pababa.” 

Kaya si De Lima, hindi nakiawit sa koro ng mga nanunuya sa pahayag ni Remulla na hangad niyang matagpuan ng kanyang anak ang “landas tungo sa katubusan.” Hindi siya nakihalakhak sa sinasabing “karma,” at hindi siya humabi ng mga sapantaha tungkol sa pangako ng kalihim na ito’y “hindi mamamagitan ni mang-iimpluwensiya sa problema” ng anak, at “rerespetuhin” nito ang “sistema ng hustisya.”

Mulat sa realidad si De Lima. Malinaw na hindi bibitiwan ni Pangulong Bongbong Marcos si Justice Secretary Remulla – “walang basehan,” aniya, ang panawagang pagbitiwin sa puwesto ang kalihim. Ito ang kalihim na nagsabing hindi nito haharangin ang pagbasura ng korte sa mga kaso ni De Lima kung nagsisiurong na ang mga testigo. At ito ang pangulong nag-abisong magtiwala lang na mahusay na tumatakbo ang proseso. Ang tanging magagawa ni De Lima ay ang patuloy na umasa at magtiwala. 

Nababasa rin ito ng political opposition. Sinabi ni Albay Representative Edcel Lagman, na pangulo ng Liberal Party, “walang dahilan na mag-resign” si Remulla “kung hindi naman siya makikialam” sa kaso ng anak. Si Senate Minority Leader Koko Pimentel, naniniwalang “sinsero” ang pangako ng kalihim.

Kung may maibubunga ang pananatili ni Remulla sa puwesto, ito ay ang panagutin siya sa kanyang pangakong “magiging tapat sa sinumpaang tungkulin,” at “igagalang ang sistema ng katarungan.” Kung tutuparin niya ito, hindi dapat manatili si De Lima sa kalaboso, at may pag-asang rebisahin ang mga kaso ng pagpatay sa drug war na minana ng bagong administrasyon.

“Nagkakaroon lamang ng halaga ang anumang sistema ng hustisya ayon sa tiwalang inilalagak natin dito,” paalala ni De Lima. “Secretary Remulla, para sa kapakanan ng iyong anak, sa kapakanan ko, at sa libo-libong napatay na itinatangis pa ng kanilang mga pamilya, muli mong pagtagumpayin ang katarungan sa ating bayan.” – Rappler.com

1 comment

Sort by
  1. ET

    Former Sen. Delima is indeed a very kind person. Hope that she will get her redemption before, or at least at the same time, the “son” gets his, too. (Note: This is a true and real present test of the Philippine Justice System. Watching out for developments of this incident.)

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!