Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Si Bongbong Marcos ang nag-iisang senador na hindi tumanggap ng PDAF

HINDI TOTOO: Si Bongbong Marcos ang nag-iisang senador na hindi tumanggap ng PDAF
May PDAF si Marcos habang senador siya noong 2010 hanggang 2013, ayon sa datos mula sa Department of Budget and Management
Buod
  • Ang sabi-sabi: Si dating senador Bongbong Marcos ang nag-iisang senador na hindi tumanggap ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noon.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: May alokasyong PDAF si Marcos habang senador siya noong 2010 hanggang 2013, ayon sa datos mula sa Department of Budget and Management.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Mayroon nang 112,309 views at 1,323 na komento ang bidyong naglalaman ng sabi-sabing ito nang isulat ang fact check. Makikita rin ang pahayag sa maraming Facebook posts. 
Mga detalye

Sinabi ng isang bidyo mula sa YouTube channel na “KAPATID AVINIDZ” na in-upload noong Setyembre 27 na si dating senador Bongbong Marcos lang daw ang nag-iisang senador na hindi tumanggap ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

“Si Bongbong Marcos lang ang senador na hindi tumanggap ng PDAF money noon. Diyan pa lang makikita mo na na hindi siya bayarang tao na kayang bayaran ang prinsipyo,” sabi ng bidyo.

Ang PDAF ay mas kilala sa tawag na “pork barrel” para sa mga mambabatas.

Mayroon nang 112,309 views at 1,323 na komento ang bidyong naglalaman ng sabi-sabing ito nang isulat ang fact check. Nalaman din gamit ang CrowdTangle na mababasa ang katulad na pahayag sa maraming Facebook posts. 

Hindi totoo ang sabi-sabing ito. 

Ayon sa imbestigasyon ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong 2013, kabilang si Marcos sa mga senador na nakatanggap ng alokasyong ito mula 2010 hanggang 2013.

Sa artikulong “Same, same bad pork: ‘Chop-chop’ contracts, duplicate projects, etc.” noong Oktubre 8, 2013, inilista ng PCIJ ang pangalan ni Marcos at ang mga halaga ng alokasyong PDAF sa kanya habang senador siya:

Makikita rin ang parehong datos sa isang dokumento mula sa The Ateneo Assembly, isang organisasyong pampolitikal sa Ateneo de Manila University.

Mula sa DBM ang datos na ginamit ng PCIJ at The Ateneo Assembly.

Inilista rin ng PCIJ ang ilang halimbawa ng mga proyektong pinuntahan ng alokasyong PDAF ni Marcos sa naunang report na nabanggit, at sa ulat nitong “Blessed LGUs” noong Oktubre 10, 2013.

Sa kasalukuyan, hindi na gumagana ang link na may impormasyon tungkol sa mga alokasyong PDAF para sa mga mambabatas. Ayon sa sagot ng DBM sa isang electronic freedom of information request noong 2018, tinanggal muna nila ang website dahil may ilang impormasyon tungkol sa PDAF na “under litigation” pa rin. 

Sa PDAF, ang mga mambabatas ang pumipili kung saan mapupunta ang alokasyon nila. Noong Nobyembre 19, 2013, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang PDAF.

Naging matunog ang usapin tungkol sa PDAF noong huling dekada sa kaso ni Janet Lim Napoles, ang hinihinalang utak sa tinatawag na “pork barrel scam” kung saan nadawit ang ilang mga pulitiko.

Noong Miyerkules, Oktubre 6, pormal nang naghain ng kandidatura sa pagkapresidente si Marcos para sa halalan sa 2022.

Ilang beses nang na-fact-check ng Rappler ang YouTube channel na “KAPATID AVINIDZ”:

– Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.