Marcos Fact Checks

MANIPULADONG LARAWAN: Inendoso si Bongbong Marcos sa Burj Khalifa

Rappler
MANIPULADONG LARAWAN: Inendoso si Bongbong Marcos sa Burj Khalifa
Minanipula ang larawan ng Burj Khalifa na ini-upload noong Hunyo 13, 2019, kung saan nagkulay bandila ng Filipinas ang nasabing gusali upang makiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng bansa. Wala roon ang mukha ni Marcos Jr.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Inilawan ang Burj Khalifa, isang bantog na gusali sa Dubai, ng mukha ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga kulay ng watawat ng Filipinas bilang pag-endoso sa kaniyang kandidatura sa pagkapangulo.
  • Marka: MANIPULADONG LARAWAN
  • Ang katotohanan: Minanipula ang ginamit na litrato ng Burj Khalifa mula sa orihinal na ini-upload sa Facebook noong Hunyo 13, 2019, kung saan nagkulay bandila ng Filipinas ang gusali upang makiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng bansa. Wala roon ang mukha ni Marcos Jr.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakakalap ang post nitong manipuladong larawan ng 9,000 na reaksiyon, 25 na komento, at 5,000 na shares bago ito nawala.
Mga detalye

Kumalat ang isang post sa Facebook noong Nobyembre 8, 2021, na nagpapakita ng larawan ng Burj Khalifa, ang pinakamataas na gusali sa buong mundo na matatagpuan sa Dubai, na inilawan ng mukha ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga kulay ng watawat ng Filipinas bilang pag-eendoso raw sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo.

“Pano ba Yan… Burj khalifa na nag endorsed,” ani caption sa nasabing post.

Nang isulat ang fact check na ito, nakakalap ang post ng humigit-kumulang 9,000 na reaksiyon, 25 na komento, at 5,000 na shares, bago ito nawala.

Manipulado ang larawang ito.

Hindi ibinida ng Burj Khalifa ang mukha ng anak ng diktador. Sa tulong ng reverse image search ng Google, napag-alamang ang orihinal na litrato ng naturang gusali na ginamit sa minanipulang larawan ay kuha pa noong 2019.

Noong Hunyo 13, 2019, ini-upload ng Filipino Institute, isang institusyong pang-edukasyon sa United Arab Emirates (UAE), ang larawan na nagpapakitang nagkulay bandila ng Filipinas ang Burj Khalifa upang makiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng bansa.

“In celebration of the 121st Philippine Independence Day, let us all rejoice in the spirit of freedom and unity,” ani Filipino Institute sa kanilang post.

(Bilang paggunita sa ika-121 na Araw ng Kalayaan ng Filipinas, tayo ay magdiwang sa diwa ng kalayaan at pagkakaisa.)

Sa araw ding iyon, makikitang nag-post ng bidyo ng nasabing light display ang opisyal na Instagram account ng Burj Khalifa.

https://www.instagram.com/p/Bynv3HSnFzI/

Ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Hunyo 20, 2019, ang pagpapailaw ng Burj Khalifa tampok ang mga kulay ng watawat ng Filipinas sa kauna-unahang pagkakataon ay inisyatiba ng Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ng Dubai at Emaar Properties, ang nagtayo at nagmamay-ari ng gusali.

Nang muling isinagawa ang kamangha-manghang pagpapailaw na ito noong 2020 sa parehong okasyon, makikita sa larawan na inilabas sa Instagram ng Burj Khalifa na wala pa rin dito ang mukha ni Marcos.

Sa halip na pag-eendoso ng sinumang kandidato, isa sa mga sinasabing layunin ng pagpapailaw na ito ay ang magbigay ng inspirasyon at pagkilala sa libo-libong Filipino na nagtatrabaho sa UAE, ani Paul Raymund Cortes, Consul General sa Dubai.

Ayon sa pinakahuling datos ng DFA noong 2014, tinatayang mayroong 541,593 na Filipino ang nananatili at nagtatrabaho sa UAE.

Marami nang naisulat na fact check article ang Rappler patungkol sa mga Marcos. – Mark Vincent Tolibao/Rappler.com

Si Mark Vincent Tolibao ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.