SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Buod
- Ang sabi-sabi: Ayon sa isang quote card na kumalat sa TikTok, sinabi raw ni Bise Presidente Leni Robredo na binayaran lang ang mga sumali sa caravan ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
- Marka: HINDI TOTOO
- Ang katotohanan: Edited ang quote card. Walang anumang tala sa mga opisyal na pahayagan o beripikadong social media account ang nagpapatunay na sinabi ito ni Robredo.
- Bakit kailangang i-fact-check: Ipinadala sa email ng Rappler ang sabi-sabing ito upang ma-fact-check. Nang isulat ang fact check, mayroon nang 1,524 likes, 1,437 na komento, at 74 shares ang bidyo sa TikTok.
Mga detalye
Ayon sa isang quote card na kumalat sa TikTok, sinabi raw ni Bise Presidente Leni Robredo na binayaran lang ang mga sumali sa caravan ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Lumabas ang quote card sa TikTok account na @brenjtiktokers noong Disyembre 13.
Ipinapakita sa bidyo ang litrato ni Robredo at ang pahayag sa tabi nito. Ayon dito, sinabi raw ni Robredo: “Inabuso na ni bongbong iyong mga pilipino. Tingnan mo iyong caravan nya, lagi siyang nagbabayad. Para may dumalo lang, isang malaking imposible iyong carava nya kung walang bayad iyon…”
Kasama sa quote card ang logo at mga social media account ng website na Politiko.
Ipinadala sa email ng Rappler ang sabi-sabing ito upang ma-fact-check. Nang isulat ang fact check, mayroon nang 1,524 likes, 1,437 na komento, at 74 shares ang bidyo sa TikTok.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.
Edited ang quote card. Bagamat ginaya ng bidyo sa TikTok ang istilo ng mga quote card ng Politiko, wala sa opisyal na account ng Politiko ang nasabing quote card. Hindi ito inilabas ng website nitong Disyembre.
Wala ring anumang tala sa mga opisyal na pahayagan o beripikadong social media account ang nagpapatunay na sinabi ito ni Robredo. Hindi ito lumalabas gamit ang reverse image search o sa simpleng search sa browser.
Lumabas ang pekeng quote card matapos magsagawa ng caravan noong Disyembre 8 ang kampo ni Marcos at ang katambal niyang Davao mayor at ngayo’y kandidato bilang bise presidente na si Sara Duterte. Maraming sumama sa caravan na ito na nagdulot ng mabigat na trapiko sa Quezon City. Humingi naman ng tawad at pag-unawa ang kampo ni Marcos sa pagdulot nito ng pagsikip sa daloy ng trapiko.
Nagkaroon din ng mga caravan sa iba’t-ibang lugar sa bansa ang mga tagasuporta ni Robredo. Matatandaang naging biktima pa siya ng maling balita matapos sabihin ng isang reporter na hindi raw maibigay ang ipinangakong bayad sa mga sumama sa caravan ni Robredo sa Northern Samar. Agad nilinaw ni DZRH station manager Cesar Chavez na mali ang naging report nilang ito, humingi ng tawad, at sinuspinde ang nasabing reporter.
– Pauline Macaraeg/Rappler.com
Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.