Marcos Fact Checks

FACT CHECK: Imposible ang 1 bilyong toneladang ginto, 1 milyong toneladang platinum ni Marcos

FACT CHECK: Imposible ang 1 bilyong toneladang ginto, 1 milyong toneladang platinum ni Marcos
Nasa libong tonelada lamang ang kabuuang bilang ng mga naminang ginto at platinum sa mundo sa tanang kasaysayan, malayo sa sinasabing bilang na mayroon ang pamilyang Marcos

Sabi-sabi: Ang mga bank account ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos na nakakalat sa iba’t ibang bangko sa mundo ay mayroon daw isang bilyong metrikong toneladang ginto at isang milyong metrikong toneladang platinum. 

Sinabi sa video: “Sa mga hindi po nakakaalam ay itong mga account kung pagsasama-samahin ang lahat ng ito ay matatawag itong infinity account o infinite dollars account. Naglalaman ng 1,181,336,675 metric tons ng mga ginto at kasama na rito ang 1 million metric tons ng platinum, at 1 million metric tons ng iba’t ibang kulay ng mga diyamante.”

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Walang katapusan ang pagpapakalat ng sabi-sabi hinggil sa nakalululang bilang ng umano’y yaman ng pamilyang Marcos na matagal naman nang napatunayang imposible. 

Ang katotohanan: Imposibleng magkaroon ng bagay na wala naman talaga. Ayon sa tala, nasa 205,238 toneladang ginto pa lang ang namimina sa tanang kasaysayan. Saan nila kinuha ang diperensiyang 1,181,31,437 metrikong toneladang ginto? Sa hangin kaya?

Hindi rin posible ang milyong toneladang platinum dahil ayon sa US Geological Survey, nasa 14,200 metrikong tonelada lamang ang kabuuang bilang ng naminang bakal na kabilang sa platinum-group element (PGEs) mula 1900 hanggang 2011. Nasa 40% lamang ng nasabing bilang ang para sa platinum, dahil kabilang rin sa nasabing grupo ng mga bakal ang palladium, rhodium, omnium, rutherium, iridium, at osmium.

Nasa ibaba ang mga naunang fact checks ng Rappler hinggil sa nakalululang yaman umano ng pamilyang Marcos:

–Ailla Dela Cruz/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.