Election fact checks

HINDI TOTOO: Si Robredo ang may pakana sa petisyong kanselahin ang COC ni Marcos

Rappler
HINDI TOTOO: Si Robredo ang may pakana sa petisyong kanselahin ang COC ni Marcos
Ang naghain ng petisyon ay mga pinuno ng civic groups na hindi konektado sa opisina ni Robredo. Karamihan sa kanila ay mga biktima ng Batas Militar ni Ferdinand Marcos, ama ng kandidato.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Mga alagad daw ni Bise Presidente Leni Robredo ang naghain ng petisyon sa Commision on Elections (Comelec) upang kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang naghain sa Comelec ng petisyon ay ang mga pinuno ng civic groups na Task Force Detainees of the Philippines, PH Alliance of Human Rights Advocates, Balay Rehabilitation Center, Kapatid, Families of Victims of Involuntary Disappearance, at Medical Action Group. Hindi sila konektado sa Office of the Vice President. Karamihan sa kanila ay mga biktima ng Batas Militar ng diktadurya ni Ferdinand Marcos, ama ng kandidato.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit, 20,000 reaksiyon, 5,100 komento, at 11,000 shares ang post.
Mga detalye

Isang post noong Miyerkules, Nobyembre 3, sa Facebook page na “Glenn Chong” ang nagsabing mga kampon daw ni Bise Presidente Leni Robredo ang naghain ng petisyon upang kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sabi ng Facebook post, “MALAYO PA ANG HALALAN PERO THIS EARLY DESPERADO NA ANG KALABAN… Ang paghain ng petisyon ng mga kampon ni Fake Nanay upang kanselahin ang COC ni BBM ay isang black propaganda lamang.”

May kasamang litrato ni Robredo ang nasabing post. Nang isulat ang fact check na ito, mayroon na itong mahigit, 20,000 reaksiyon, 5,100 komento, at 11,000 shares sa Facebook.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Hindi konektado sa opisina ni Robredo ang mga naghain ng petisyon laban kay Marcos. Karamihan sa kanila ay mga biktima ng Batas Militar noong panahon ni pangulong Ferdinand Marcos, ama ng kandidato.

Ang mga naghain ng petisyon noong Nobyembre 2 ay mga lider ng mga non-government at non-profit na organisasyong Task Force Detainees of the Philippines, PH Alliance of Human Rights Advocates, Balay Rehabilitation Center, Kapatid, Families of Victims of Involuntary Disappearance, at Medical Action Group.

Ipinaglalaban at pinoprotektahan ng mga organisasyong ito ang karapatang pantao ng mga Filipino. 

Must Read

Civic leaders seek to block Bongbong Marcos’ candidacy for president

Civic leaders seek to block Bongbong Marcos’ candidacy for president

Ang Task Force Detainees of the Philippines ay tumutulong na magkamit ng hustisya para sa mga pang-aabuso sa kanila noong panahon ng Batas Militar. Ang grupong ito ay nabuo noong 1974.

Ang PH Alliance of Human Rights Advocates ay itinatag naman noong 1986 pagkatapos ng Batas Militar. Naglalayon itong ipaglaban ang isang makatarungan, demokratiko, at mapayapang Filipinas sa pamamagitan ng pagtatanggol sa karapatang pantao.

Ang Kapatid, Families of Victims of Involuntary Disappearance, at Medical Action Group ay pawang mga itinatag din noong panahon ng Batas Militar upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga Filipino.

Ang Kapatid ay binuo noong 1978 at sumusuporta sa mga pamilya at kaibigan ng mga bilanggong politikal sa Filipinas, samantalang ang Families of Victims of Involuntary Disappearance naman ay binubuo ng mga pamilya, kaibigan, at kakilala ng mga biktima ng enforced disappearances. Ang Medical Action Group ay grupo ng mga health professional na itinatag noong 1982.

Ang Balay Rehabilitation Center ay tumutulong magbigay ng psychosocial relief at rehabilitasyon para sa mga nakaligtas sa mga paglabag sa karapatang pantao, gaya ng tortyur at organisadong karahasan. Tinutulungan din nito ang mga nawalan ng tirahan dahil sa armadong labanan.

Itinanggi na rin ni Robredo na siya ang nasa likod ng petisyon. Ikinatuwiran niya na kung siya ang totoong nasa likod nito, dapat daw ay noong 2016 pa niya ito ginawa. Sinabi rin niya na hindi na kailangang maghain pa ng petisyon dahil natalo na niya si Marcos noong 2016 kahit na hindi sila gumawa ng mga ganitong klaseng hakbang. – Owenh Toledo/Rappler.com

Si Owenh Toledo ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.