2022 Philippine Elections

#WeDecide: Atin ang halalan, bawiin ang bayan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#WeDecide: Atin ang halalan, bawiin ang bayan
Pagkatapos ng mahabang panahon – 36 na taon matapos nating patalsikin ang maniniil na nagpagupo sa ating bayan – may tunay na pagkakataon ang bawat Pilipinong itama ang patutunguhan ng bansa sa pamamagitan ng kanyang boto

May dalawa tayong kahilingan sa bawat botanteng Filipino ngayong Mayo 9, 2022: Magpasiyang magpakita sa presinto. Kunin ang balota na buo na ang isip sa kandidatong iboboto. 

Kapabayaan bilang mamamayan at pagtataksil sa bayan kung wawaldasin natin ang kalayaan sanang igiit ang napupusuan, o kaya’y magduda sa mga pinagpipiliaan – o, mas malala, ang makampanteng wala na lang ihalal.  

Dahil walang magiging katanggap-tanggap na dahilan kung mayroon sa ating magsasabing hindi nila alam kung ano ang nakataya sa kasalukuyang laban. 

Tayo ang pagal na medical frontliner, na pinagkaitan ng hazard pay habang ginagatasan ng mga kasabwat ng Palasyo ang mga kontrata sa pandemya para bumili ng magagarang sasakyan. Tayo iyong nakatira sa liblib na baryo na hindi pa natuturukan kahit isang dosis ng bakuna kontra-COVID-19 mahigit isang taon matapos bahain ng vaccine ang mga rehiyong pinili ng national task force. Tayo ang pasyenteng may kanser na nag-aalalang itaboy ng isang kapos sa gamit na ospital ng bayan kapag nalunod na naman ang mga doktor sa panibagong bugso ng coronavirus. 

Tayo ang gurong dumudukot sa sariling bulsa para mag-imprenta ng module at learning aide o bumili ng load ng internet sa telepono para tulungan ang litong-lito nang estudyanteng nagsisikap maunawaan sana ang leksiyon kung hindi sila pumapasok sa eskuwelahan. Tayo ang inang hindi matulungan sa math, science, at pagbabasa ang hirap na hirap nang anak dahil tayo mismo ay walang pinag-aralan. Tayo ang tinedyer na nag-aatubiling mangarap na makarating sa unibersidad dahil libre man ang matrikula, hindi kaya ng ating magulang ang araw-araw na baon at buwanang bayad sa dorm. 

Tayo ang katutubong binabansagang kalaban ng estado dahil ipinaglalaban natin ang lupang minana sa mga ninuno na gustong lagyan ng mga Tsino ng dam. Tayo ang magasasakang walang labang pinanonood na lamang kung paano nilalamon ng “kaunlaran” ang mayamang palayan dahil ang isang senador, na ang pamilya’y gumagawa ng mga subdivision, ay may kapangyarihang ipitin ang national land use plan. Tayo ang mangingisdang halos wala nang maitinda o makain ang pamilya dahil hindi sila maipagtanggol ng pamahalaan kapag inaagaw ng mga barkong militia ang kanilang pangisdaan.

Tayo ang pasaherong naghihintay nang tatlong oras o naglalakad nang kilo-kilometro sa pag-uwi dahil naisipan ng mga de-kotse at de-wangwang na opisyal na magpatupad ng trapik na walang wawa. Tayo ang estudyanteng boluntaryo na kapag naglilingkod sa mga napabayaang komunidad ay tinatawag na terorista. Tayo ang magulang na bumabaliktad ang sikmura sa pag-aalala kapag nasa labas ang ating mga anak dahil hindi natin alam kung mayroong mapagmalabis na pulis o impormante nila na di saklaw ng batas na magpapahamak sa kanila para mapatay. Tayo ang babaeng binaboy ng tsismis ng kahalayan dahil iyon na lang ang kayang ibato ng mga misohinong takot sa ating kakayahan.

Tayo ang mga tagapagtaguyod ng pamilyang gumagapang na dahil sa laki ng buwis na kinakaltas ng gobyernong nagpapalaya sa mga mandarambong. Tayo ang tsuper ng dyipni na wala na ngang kita ay ikinalaboso pa nang manawagan sa kalsada para humingi ng ayuda. Tayo ang naghahanap ng trabaho na pakaunti nang pakaunti ang pagkakataon dahil umiiwas ang mga mamumuhunan mula sa mga bansang nangingilabot sa mga paglabag ng ating gobyerno sa karapatang pantao, samantalang ang mga nagnenegosyo rito ay nag-iisip na umalis kung ang susunod na magiging pangulo ay ang anak ng magnanakaw na diktador. 

Tayo ang lahat ng ito – at higit pa. Ang ipinagkaiba lang natin sa isa’t isa ay kung sinong kandidato ang sa tingin natin ay ating kaisa. Ano ang binubuhay niya sa ating pagkatao? Ano ang ipinatatanaw niya tungkol sa ating bukas?

Kaya ba nating tingnan sila nang diretso – ang frontliner, ang taga-baryo, ang maysakit, ang guro, ang ina, ang estudyante, ang kapatid na katutubo, ang magsasaka, ang mangingisda, ang pasahero, ang boluntaryo, ang magulang, ang babae, ang breadwinner, ang jeepney driver, ang naghahanap ng trabaho – at sabihan na nakakapagod nang umasa, kaya paniwalaan na lang natin ang mga hungkag na pangako, at huwag na gustuhing mamuno?

O maaakbayan ba natin sila – ang ating pamilya, ang ating kapitbahay, ang estranghero sa daan, ang mga Manong, Manang, Toto, Nene na matagal nang isinantabi ng lipunan – na kung lilingunin nila ang nakaraang 90 araw ng kampanya at anim na taon ng tahimik na pagseserbisyo, may isang katuwang na lingkod-bayan na dati nang naniniwalang kaya ng bawat isang Filipino na umahon mula sa nakasanayang kahinaan at makilala ang sariling kabayanihan? 

Isang taon bago ang eleksiyong ito nang inilunsad ng Rappler ang panawagan at patnubay na #WeDecide: Atin Ang Pilipinas sa aming coverage ng eleksiyon, malinaw sa amin kung para kanino namin ginagawa ito:  

Ang magiging pangunahing tauhan sa halalan ng 2022 ay ang botante. Buburahin natin sa isip ng mga Filipino ang kasinungalingang hindi na maitataob ang kung sino mang itatakbo (o papaboran) ng administrasyong ang naging tatak ay ang pagiging pangkaraniwan, kawalan ng puso, pananakot, at pangungurakot – maging ang kalupitan sa mga inaakalang kalaban at pagsusunud-sunuran sa tunay na kaaway. Ang mensahe ay kumbinsihin ang bawat nagparehistrong mamamayan na ang isang boto niya ay may kapangyarihan. Na ang boto niya ay may kahihinatnan. 

Sa araw na ito, magbubunga ang adhikain.

Iwawaksi natin sa isip ang kasinungalingan na wala namang magbabago kahit sino pa ang manalo, na sa pagsasara ng presinto ay babalik tayong lahat sa pakikibaka sa buhay nang walang katuwang.

Pagkatapos ng mahabang panahon – 36 na taon matapos nating patalsikin ang maniniil na nagpagupo sa ating bayan – may tunay na pagkakataon ang bawat Pilipinong itama ang patutunguhan ng bansa sa pamamagitan ng kanyang boto.

Pagkatapos ng mahabang panahon, natagpuan muli ng botanteng Pilipino ang kanyang tinig at tapang na gamitin ang taglay niyang kapangyarihan hindi lang sa panahon ng halalan. 

#WeDecide: Angkinin natin ang halalan, ating bawiin ang bayan.

#WeDecide: Atin ang halalan, bawiin ang bayan

– Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!