2022 Philippine Elections

[EDITORIAL] Pulitika muna bago brownout, bago bayan

[EDITORIAL] Pulitika muna bago brownout, bago bayan
'Yan ang mantra ng administrasyong bababuyin ang Konstitusyon – mapanatili lang sa kapangyarihan
AnimatEd Editorial 2022 Elections June 7 2021

Nagsimula na ang kahibangan ng papalapit na eleksiyon. Pero ibang antas ito ng kahibangan.

  • Habang nangangapa tayo sa dilim ng rotating brownouts, nag-anunsiyo ang dominanteng partidong PDP-Laban na ini-e-endorso nitong tumakbo si Presidente Rodrigo Duterte bilang bise presidente sa 2022.
  • Habang natataranta ang mga opisyal ng Department of Energy na magpaliwanag dahil sa rotational brownouts sa Luzon at problema ng Luzon grid – parang walang problemang nag-preside sa pag-e-endorso kay Digong si Energy Secretary Alfonso Cusi.
  • Si Duterte mismo ang nag-utos kay Cusi na asikasuhin ang party congress. Malinaw na may basbas at tulak pa ni Duterte ang endorsment sa kanya ng ruling party. 
  • Umabot pa sa puntong siniko nila ang acting president ng partido na si Senador Manny Pacquiao, na tutol sa pagpupulong. May ambisyon din kasi si Pacman na mag-presidente, kaya’t ayun, panay ang nguyngoy sa Senado.
  • Eto namang si Gibo Teodoro, parang kabuteng sumulpot bago umulan. Tila umaanggulo ring maging bise ni Sara – kung pagbabatayan ang mga kuda ng kanyang sidekick na si Rolando Andaya Jr. Laging umeeksena si Gibo bago mag-eleksiyon at laging naghahanap ng kakamping big-time. Pero nasaan siya nitong nakaraang limang taon habang nagdurusa ang mga Pilipino sa bastos, mapanupil, at incompetent na Presidenteng ito? 

I-connect the dots natin.

Tandaan nating master sa diskarteng eleksiyon si Duterte. Noong 2016, hindi siya nagkumpirmang tatakbo hanggang huling sandali – pero alam ng maraming PR firm sa bansa na tatakbo siya dahil bayad silang lumikha ng ugong tungkol sa kanya.

Sabi ng isa sa framers ng 1987 Constitution na si Christian Monsod, ito ay “ingenious and insidious move” para ikutan ang probisyon ng Konstitusyong nagbabawal sa muling pagtakbo ng isang presidente.

Sabi naman ng political scientist na si Cleve Arguelles, mukhang isang smokescreen lang ito sa panibagong administrasyong Duterte. Kumbaga, abot-kamay na ni Digong ang imposible: ang maupo sa puwesto – impormal man – nang magkasunod na beses.

May bonus pa na immunity from suit ng isang hinalal na opisyal. Kailangan ni Duterteng mahalal muli sa posisyon dahil takot siyang matulad kay dating presidente Erap Estrada at Gloria Arroyo na ikinulong ng kanilang mga successor dahil sa umano’y katiwalian at pandarambong. 

Sa katunayan, nakaamba nga sa kanya ang kasong “crimes against humanity” sa International Criminal Court dahil sa kanyang kampanya kontra droga. Hind ito Erap o Gloria levels na inakusahan ng pagnanakaw ng pera ng bayan. Hitler level po ito!

At kailangan niya ng isang Sara Duterte o Bong Go puppet sa puwestong presidente. Ganyan ang nangyari sa kanilang mag-ama nang tumakbo siyang vice mayor ng Davao habang tumakbong mayor si Sara noong 2010, matapos masagad na niya ang term limits ng isang local official sa puwesto. Itinanggi man ni Sara na kontrolado siya ng ama sa panahong bise niya ito, malinaw na hindi siya ang tunay na kapangyarihan sa kapitolyo ng Davao noon.

Sabi nga ng abogadong si John Molo sa opinion article na “A president is not king,” kaya ipinagbawal ng 1987 Constitution ang muling pagtakbo ng isang nakaupong presidente ay dahil sa access niya sa lohistika. Wala raw presidente matapos ang EDSA uprising na gumamit ng puwesto at kaban nito para sa sarili. Pero kung tatakbo si Duterteng bise, isipin ‘nyo ang access niya sa intelligence funds at pandemic recovery loans? Nakakikilabot, ‘di ba?

At sa anong scenario puwedeng manalo ang isang Bong Go bilang presidente? Aba’y kapag ang ka-tandem niya ng bise ay si Digong mismo.

May isa pang scenario na nakaamba kapag naging bise si Duterte at ang ka-tandem niya ay taong kontrolado niya tulad ni Sara o Bong Go. Maaaring magbitiw ang presidente upang muling maupo si Apo Digong. Inay ko po!

Politcs of the absurd ang tawag ni Dean Tony La Viña dito. Saang alternative reality matutunghayan na ang kandidato sa pagka-bise presidente ang pipili ng ka-tandem na presidente? Only in Duterte Land.

Nabaligtad na nga ang mundo natin. Isang taon bago ang eleksiyon – panahong ang isang nakaupong pangulo ay lame duck – napakalakas pa rin ni Duterte at nababaluktot niya ang demokratikong sistema.

Ang big picture – mula sa pag-abandona ni Cusi ng pangunahing trabaho niya bilang kalihim ng Kagawaran ng Enerhiya – hanggang sa walang katumbas sa kasaysayang pagmamaniobra ng kampo ni Digong – naiwang nakatunganga at lugmok sa problema ang taumbayan.

Power outages. Pabalik-balik na lockdowns. Mabagal na usad ng pagbabakuna. Red tagging. Naghihingalong ekonomiya. Gutom para sa karaniwang tao.

Malinaw ang priorities ni Cusi – pulitika muna bago tungkulin sa taumbayan. Si Digong muna bago ang lahat. Marami namang puwedeng humalili sa kanya sa partido, pero andun pa rin siya sa Cebu habang may krisis ng enerhiya sa Luzon.

Malinaw rin ang priorities ni Digong – hindi siya mag-aatubiling babuyin ang Konstitusyon na toilet paper lang para sa kanya. Hindi tayo ang prayoridad ng administrasyong ito na ibinoto ng nakararami noong 2016. Ang prayoridad nito – imaniobra ang eleksiyon upang manatali sa poder.

Pero #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.