Ferdinand Marcos Jr.

[EDITORIAL] May nakalulon ng langaw sa Malacañang

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] May nakalulon ng langaw sa Malacañang

Guia Abogado

Sulit bang bulabugin ang balanse ng market forces, Ginoong Marcos, upang magpapogi?

Narinig ‘nyo na ba ang parable ng “Old Woman Who Swallowed a Fly”? May isang ale na nakalulon ng langaw, kaya’t lumulon siya ng gagamba upang hulihin ang langaw. Dahil may gagamba sa tiyan niya, lumulon naman siya ng ibon upang hulihin ang gagamba. Sunod na nilulon ang pusa, pagkatapos ay aso.

Ito ngayon ang scenario sa merkado ng bigas sa Pilipinas. Nagpatupad si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng rice price ceilings na P41/kilo at P45/kilo matapos umabot ng P60/kilo ang well-milled rice. Habang masaya ang mga consumer, mag-aangkat pa ba ang mga importer kung ang bilihan sa merkado ng imported rice ay nasa P50/kilo?  

Paano naman ang retailers na nakabili na ng stock ng mahal na bigas. Ang iba sa kanila, hindi na lang magbebenta kaysa magbenta nang palugi. Ang iba naman maghihintay na lang ng pagtatanggal ng price cap.

Kaya’t tingin ng mga eksperto, formula ito para sa rice shortage – mababa nga ang presyo, wala namang mabibili. At ang susunod na logical na mangyayari, uusbong ang black market o palihim na bentahan. Pati na rin ang gawain ng mga unscrupulous retailer na haluan ang bigas ng broken rice.

Upang tugunan naman ang problema ng mga paluging retailer, magbibigay daw ng subsidiya ang gobyerno sa mga nagbebenta ng bigas. Sabi naman si Speaker Martin Romualdez, maglalaan daw ang pamahalaan ng P2 bilyon na assistance para sa retailers. Maganda pakinggan, pero papatak lang ito sa P15,000 kada retailer na tutukuyin ng gobyerno.

Sabi ng ekonomista at national scientist na si Raul Fabella, hindi raw sagot ang stop-gap measure at ang tanging nagagawa lang nito ay “bumibili ng kaunting panahon” para masolusyunan ng gobyerno ang problema. Sabi pa niya, “cancerous” ang solusyong ito sa long term.

Sabi ng gobyerno ni Marcos, hoarders at price manipulators daw ang may sala. Pero sabi ng Federation of Free Farmers Cooperatives, habang hindi nila ipinagkakaila na may hoarding at price manipulation, iba ang basa nila. Kapos daw talaga ang murang bigas sa merkado. (PANOORIN: Ang epekto ng rice price caps ni Marcos)

Pero tanungin mo ang mga ekonomista at sasabihin sa iyo na makaluma ang proseso ng rice production sa bansa kaya’t dependent tayo sa imported rice. ‘Yan ang tunay na problema, pero sa panahong nakaupo si Marcos bilang DA secretary, wala tayong nakitang konkretong pagpapabuti ng local supply chain.

Sinuri ni JC Punongbayan, ang resident economist ng Rappler, ang disbentahe ng Pilipinas sa rice production. Hindi raw sapat ang land area na pinagtatamnan ng bigas kung ikukumpara sa Thailand, Vietnam, Myanmar, o Cambodia. Isang dahilan ang talamak na land conversion tulad ng subdivisions. Lagi tayong binabagyo at madalas nawawasak ang mga pananim, maliban pa sa wala tayong mga higanteng ilog at delta na pinanggagalingan ng patubig. Tanging 65% lamang ng ricelands sa bansa ang may irrigation.

Kaya’t pangalawang pinakamalaking rice importer sa buong mundo ang Pilipinas, pangalawa lang sa Tsina.

Nitong nag-El Niño, naghigpit ang India at Vietnam sa pag-e-export ng bigas. Law of supply and demand: kumonti ang supply, nagmahal ang bigas – nasa 12-year high na ang inflation ng presyo ng bigas sa buong mundo.

Sabi ni Punongbayan, rookie mistake daw ito ng Pangulo ng isang bansang hitik sa dalubhasang ekonomista. Ayaw bitawan ni Marcos ang post ng kalihim ng agrikultura, pero hindi naman daw siya nakikipag-meeting sa mga tao niya sa DA at sa halip ay intermediary ang nagiging papel ng isang undersecretary. Wala rin daw silang hakbang na pinagpulungan (dahil wala ngang pulong) upang maabot ang “aspiration” ni Marcos na P20/kilo ng bigas. (Pinakamadikit na campaign promise ni Marcos ang P20/kilo rice.) 

Sabi pa ni Punongbayan, tigilan na rin ng gobyerno ang pangga-gaslight sa publiko, at pangongonsensiya na dapat may “magsakripisyo” para sa nakararami.

Alalahanin na lang natin ang huling pagkakataon na nagkaroon ng price ceiling sa bansa – ang pork price caps ni Rodrigo Duterte. Mismong monitoring ng DA ang nagsabing mas nilabag ito kaysa sinunod. Pero sino ang nagsakripisyo? Ang mga pobreng mamimili na balik sa instant noodles at sardinas.

Tila desidido ang “nakalulon ng langaw” sa Malacañang na lulunin ang ibon, aso, at pusa upang tugunan ang problema. 

Sulit bang bulabugin ang balanse ng market forces, Ginoong Marcos, upang magpapogi? Papaano na ang mga magsasaka? May subsidiya rin ba sila? Wala.

God save us from amateur economists. Sagipin nawa tayo ng Maykapal mula sa mga nagdudunung-dunungan at walang tiyagang magpatupad ng pangmatagalang solusyon. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!