Disinformation

[VIDEO EDITORIAL] Ang delubyo ng kasinungalingan

Rappler
Paano ang katotohanan sa eleksiyon? Kung mananatili ang baha ng disinformation, walang matinong talakayang mangyayari sa eleksiyon.

Lumatay na naman ang lupit ng disinformation campaigns laban sa Rappler. Madaling araw ng October 23, nag-trending ang #RapplerFakeNews sa Twitter.

Kasabay nito ng pagsulpot ng mga post na nag-uungkat sa dishonesty ng presidential aspirant at anak ng diktador na si Bongbong Marcos Jr. Sinabi niyang graduate siya ng Oxford University, pero uulitin namin: HINDI ITO TOTOO.

Naglipana ang Marcos revisionism sa YouTube at TikTok. ‘Best leader in the world’ daw si Ferdinand Marcos, at nagsimula raw ang pagbagsak ng ekonomiya matapos ang rehimen niya. Wala raw tinorture. Wala raw paglabag ng karapatang pantao.

Gamit ang website tool na SparkToro, napag-alaman ng Rappler na nangunguna si Bongbong Marcos sa mga politiko sa dami ng ‘fake followers.’ 42.6% ng kaniyang followers sa Twitter ay peke.

Ang Facebook, tila naninindigan na hindi nito tungkuling pigilan ang disinformation.

Paano naman ang katotohanan sa eleksiyon? Kung mananatili ang baha ng disinformation, walang matinong talakayang mangyayari sa eleksiyon.

Marahil sasabihin ‘nyong walang bago diyan, at talaga namang walang matinong diskusyon kapag eleksiyon dahil puro song and dance at artista lamang.

Pero iba ang 2022.

Mas may pakialam na ang taumbayan dahil marami na ang natauhang nakamamatay ang maling pagboto. Dahil ramdam na ng marami na incompetence ang nagdala sa atin sa yugtong Pilipinas ang pinakapalpak sa pandemic resiliency sa buong mundo. Halos lahat ng mga plataporma ng mga kandidato ay umiinog sa paglaban sa pandemya.

Sa bandang huli, bumabalik ito sa ating mga botante. Dapat sa atin magsimula ang pagsusuri, pagkilatis, at paninindigan sa tama. Dapat magsimula sa atin ang responsableng pagboto.

#WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com