Disinformation

[VIDEO EDITORIAL] Bakit ‘fail’ kapag influencer mo si Toni Gonzaga?

Rappler.com
[VIDEO EDITORIAL] Bakit ‘fail’ kapag influencer mo si Toni Gonzaga?
May katwiran ang boycott kung ang dahilan ay ang papel ni Gonzaga sa pagkakalat ng disinformation. May mass appeal nga, pero 'divisive' rin siya.

Nitong katapusan ng Setyembre, nag-trend ang #ByeShopee at #BoycottShopee. Laking gulat siguro ng online shopping platform na nag-backfire ang pagkuha nila sa TV personality na si Toni Gonzaga bilang brand ambassador.

May karapatan ang shoppers ng Shopee na ilaglag ang online shopping site kung pakiramdam nila’y hindi nila type ang brand endorser nito.

Pero ang susunod na tanong ay dapat ba? They can, but should they? May moral standing ba ang panawagan?

Sa aming palagay, hindi dapat boykotin si Gonzaga at ang Shopee dahil lamang sa sumusuporta si Gonzaga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Pero may katwiran ang boycott kung ang dahilan ay ang papel ni Gonzaga sa pagkakalat ng disinformation. Sa kanyang Toni Talks isang taon na ang nakalilipas, nagpagamit si Gonzaga sa pagrerebisa ng kasaysayan. May mass appeal nga, pero “divisive” rin siya.

Totoo naman, dapat na tayong mag-move-on. 

Natalo ang kandidato mo sa eleksiyon? Move on. Karay-karay ng tatay niya si Sandro Marcos sa official visits na parang key Cabinet member? Move on. Nanood daw ng Formula One Grand Prix race sa Singapore si Marcos Junior ilang araw lang matapos ang pananalanta ng Karding? Move on.

‘Yun nga lang, sa buhay natin, may mga bagay na “non-negotiable.” Tulad ng katotohanan. 

Ano ba ang makikita ni Toni Gonzaga kapag humaharap siya sa salamin ng katotohanan? – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Bakit ‘fail’ kapag influencer mo si Toni Gonzaga?