Disinformation

[EDITORIAL] Bakit ‘fail’ kapag influencer mo si Toni Gonzaga?

Rappler.com
[EDITORIAL] Bakit ‘fail’ kapag influencer mo si Toni Gonzaga?

Nico Villarete

Makatuwiran ba ang boycott kung ang dahilan ay ang papel ni Gonzaga sa pagkakalat ng disinformation?

Nitong katapusan ng Setyembre, nag-trend ang #ByeShopee at #BoycottShopee. Laking gulat siguro ng online shopping platform na nag-backfire ang pagkuha nila sa TV personality na si Toni Gonzaga bilang brand ambassador.

May karapatan ang shoppers ng Shopee na ilaglag ang online shopping site – sorry Shopee – kung pakiramdam nila’y hindi nila type ang brand endorser nito na si Toni Gonzaga. Kahit ang panawagang boycott ay pasok sa karapatan nila bilang consumer at isa itong lehitimong porma ng kilos protesta.

Pero ang susunod na tanong ay dapat ba? They can, but should they? May moral standing ba ang panawagan?

Sa aming palagay, hindi dapat boykotin si Gonzaga at ang Shopee dahil lamang sa sumusuporta si Gonzaga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Si Gonzaga ang celebrity na pinasikat ng ABS-CBN na pag-aari ng mga Lopez. Malalim ang hugot ng away ng mga herederong Marcos Jr. at Gabby Lopez: sinequester ni Ferdinand E. Marcos ang TV station ng mga Lopez nong panahon ng Martial Law at ikinulong si Gabby, ang panganay na anak ng patriarch na si Eugenio Lopez. Isa ito sa ikinagagalit ng mga taga-ABS-CBN kay Gonzaga. Pero, sa bandang huli, kapos man siya sa loyalty at sukdulang walang utang na loob sa network na nag-aruga sa kanya, masisisi ba natin si Gonzaga kung sinundan niya ang pinakamagandang landas para sa kanyang career?

Pero may katwiran ang boycott kung ang dahilan ay ang papel ni Gonzaga sa pagkakalat ng disinformation (tulad ng sinabi ng tweet na ito.) Ibang usapin na ang pagwarak sa katotohanan dahil maaari itong mauwi sa real-world consequences na pinatunayan ng January 6 riots sa Capitol Hill sa Amerika.

Humihingi kami ng pasensiya sa mga nais nang mag-move-on sa mga isyung naungkat noong eleksiyon. Pero sa kanyang Toni Talks isang taon na ang nakalilipas, nagpagamit si Gonzaga sa pagrerebisa ng kasaysayan sa panayam niya kay Marcos Junior noong ito’y kandidato pa: hindi raw diktador si Marcos Senior, hindi raw madugo ang Martial Law, etcetera. 

May mga bagay na may backlash, at habang pinabongga ni Marcos Jr. ang career ni Gonzaga, may pagkakataong may bigwas ang kawalan niya ng neutrality bilang isang celebrity. Ganyang talaga ang laruan sa pagiging “influencer.” 

Pero mas matindi ang backlash para sa Shopee – sa kabila ng pagtatapang-tapangan nito sa pagsasabing tuloy daw ang role ni Gonzaga bilang brand ambassador. Bakit wala man lang mga live update noong Setyembre 29, kung kailan inilunsad ng Shopee ang bagong endorser?

Sige, patulan natin ang lohika ng Shopee na may “mass appeal” si Gonzaga. Pinupuntirya ba nila ang 31 million na bumoto kay Marcos, na dikit na dikit sa brand identity ni Gonzaga? Pero kung pinalalim pa nila ang pagsusuri, may 15 million sa kabilang banda na hindi bumoto kay Marcos at malamang ay asar pa rin kay Gonzaga na Number 1 influencer nito noong eleksiyon. Sa makatuwid, may mass appeal nga, pero sa lengguwahe ng mga social scientist – “divisive” siya at posibleng turn-off sa 15 milyong bahagi ng populasyon. At hindi pa kabilang diyan ang mga kapamilya ng 15 milyong botante na malamang ay may kahawig na sentimiyento laban kay Gonzaga – at lahat sila ay umoorder online.

Hindi namin gustong lagyan pa ng kalamansi ang sugat ng Shopee – pero, sa totoo lang, Shopee, what were you thinking?

Nagle-lay-off daw ang Shopee ngayon worldwide – at ang pagkuha ng isang sikat na endorser ay bahagi ng estratehiya upang pataasin ang sales ng kumpanya at makaahon sa pinansiyal na problema. 

Ang masakit, wala namang tunay na bigwas kay Gonzaga ang lahat ng ito – bayad naman siya ayon sa kanyang kontrata. Andiyan pa rin naman ang iba niyang mga show sa telebisyon ng tycoon na si Manny Villar. At home naman si Gonzaga roon dahil andoon din ang dati ring taga-ABS-CBN na si Anthony Taberna, na tulad ni Gonzaga ay lumundag rin sa bakod at nagpakalat ng pekeng balita na ang katunggali ni Marcos noong eleksiyon na si Leni Robredo ay nag-stage ng sex video scandal.

Totoo naman, dapat na tayong mag-move-on. Natalo ang kandidato mo sa eleksiyon? Move on. Karay-karay ng tatay niya si Sandro Marcos sa official visits na parang key Cabinet member? Move on. Nanood daw ng Formula One Grand Prix race sa Singapore si Marcos Junior ilang araw lang matapos ang pananalanta ng Karding? Move on.

‘Yun nga lang, sa buhay natin, may mga bagay na “non-negotiable.” Tulad ng katotohanan. Ano ba ang makikita ni Toni Gonzaga kapag humaharap siya sa salamin ng katotohanan? #FactsFirstPH. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.