Disinformation

[VIDEO EDITORIAL] Ito ang panahon ng pekeng bayani

[VIDEO EDITORIAL] Ito ang panahon ng pekeng bayani
Ito ang panahon para maging bayani: nagsisilbi nang walang inaasahang kapalit. Ito ang pinakamainam na panahong maging Pilipino.

Anak daw ng diyos si Pastor Apollo Quiboloy. Dahil dito, nagkamal siya ng multi-milyong-pisong bahay, mga ari-arian maging sa Estados Unidos, at mala-kultong mga deboto. 

Inakusahan ng sex trafficking si Quiboloy ng mga otoridad sa US. Habang halos caricature na ng megalomaniac leader si Quiboloy, marami pang mga pulitiko na mas disimulado – kaya’t mas makamandag. 

Sila’y mga master sa manufactured reality gamit ang keyboard army at troll farms nila sa social media. 

Noong March 2019, tinanggal ng Facebook ang dalawandaang fake accounts ni Nic Gabunada. Si Gabunada ang media manager ni Pangulong Rodrigo Duterte sa election campaign niya noong 2016. 

At kung may troll army si “Tatay Digong,” may isa pang dynasty sa pulitika na bihasang-bihasa sa disinformation – ang mga Marcos. 

2014 pa nagsimula ang kampanyang ibalik ang anak ni Ferdinand Marcos sa Malacañang sa pamamagitan ng pagbaha ng online propaganda at paglikha ng ilusyon ng pagdodomina sa online.

Alam na natin ang peke, pero ano ba ang tunay na bayani? Ayon sa historyador na si Xiao Chua, ang depenisyon ng Pilipino ng bayani ay kakaiba  –  iyong nagsisilbi sa bayan, at walang inaasahang kapalit. 

Ito ang panahon para maging bayani: nagsisilbi nang walang inaasahang kapalit.

Halimbawa ang mga forest defenders na nasa pusod ng kagubatan at ipinagtatanggol ito para sa lahat. O ang mga kabataan, na sa kabila ng panganib ng COVID-19, ay tuloy-tuloy ang volunteerism.

Ang pagbubuwag ng kasinungalingan ay bahagi rin ng tawag ng panahon – at isang porma ng kabayanihan. Kabayanihan ang mag-aral ng karapatang pantao at ng kasaysayan. 

Higit sa lahat, sa araw ng paggunita kay Gat Andres Bonifacio, ikagalak nating may kapangyarihan tayong bumoto sa isang halalang magtatakda ng ating kinabukasan.

Ito ang pinakamainam na panahong maging Pilipino. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Ito ang panahon ng pekeng bayani