political prisoners

[OPINION] Political prisoner Amanda Echanis writes to VP Leni

Amanda Socorro Lacaba Echanis

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINION] Political prisoner Amanda Echanis writes to VP Leni
'Dito na po sa loob ng kulungan natuto makakita, maglakad, tumakbo, at magsimulang magsalita ang baby ko'

Ika-24 ng Marso, 2022

Kagalang-galang na Vice President Leni Robredo,

Isang mainit at kulay rosas na pagbati po sa inyo! Nawa’y lagi po kayong nasa mabuting kalagayan.

Ako po pala si Amanda Socorra Lacaba Echanis, isang 33-taong gulang na manunulat at peasant women advocate. Nag-aral po ako sa Philippine High School for the Arts at Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ako rin po ay isang proud breastfeeding mother.

Sa kasamaang palad, ako po ay isang political prisoner na mahigit isang taon nang nakapiit sa Cagayan Provincial Jail, Tuguegarao City, Cagayan. Kasama ko po sa loob ng kulungan ang aking anak buhat nang makulong ako noong Disyembre 2, 2020 hanggang sa kasalukuyan.

Sumusulat po ako sa inyo sa layunin na maibahagi ang kalagayan ng mga kagaya ko na kababaihang political detainee, manunulat, aktibista, at first-time mother dito sa ating bansa.

Must Read

Raising a baby in jail, activist Amanda Echanis chooses hope

Raising a baby in jail, activist Amanda Echanis chooses hope

Sana po sa inyong pagtakbo sa pagkapangulo hanggang sa inyong pagkapanalo ay patuloy kayong maging kampeon ng pagtatataguyod sa mga karapatan at kagalingan ng mga kababaihan, kabilang na ang mag kababaihang pinagkaitan ng kalayaan o persons deprived of liberty.

Gayundin, sana po ay mabigyan na ng karampatang atensyon at agarang resolusyon ang kaso ng mga kagaya kong aktibista na biktima ng walang-habas na red-tagging at paglabag sa karapatang-pantao ng kasalukuyang nakaluklok na gobyerno.

Mabuti na lamang po at kahit papaano ay maayos-ayos naman ang kalagayan naming mag-ina at patuloy po ang pagpapaabot ng pagmamahal at pagsuporta ang mga kamaganak, kaibigan, at kahit mga taong hindi ko po kakilala pero nais magpakita ng pagkakaisa, lalo na ang mga kapwa ina at artist.

Dito na po sa loob ng kulungan natuto makakita, maglakad, tumakbo, at magsimulang magsalita ang baby ko.

Sa bawat araw, sinsisikap kong ipakita ang pagmamahal ko sa aking anak sa pamamagitan ng hands-on na pag-aaruga at paggabay sa kanyang paglaki. Tuluy-tuloy din po ang breastfeeding kaakibat ng pagpapakain ng mga masusustansyang pagkain sa kanya.

Nawa’y hindi na po sana magtagal at magkaroon ng agarang resolusyon ang kaso ko at makamit na rin po ng mga kagaya kong bilanggong pulitikal ang hinahangad na kalaayan.

Must Read

[OPINYON] Magtanim ay ‘di biro, lalo na kung ebidensya ito

[OPINYON] Magtanim ay ‘di biro, lalo na kung ebidensya ito

Kagaya ninyo ay naniniwala rin po ako na narararapat lamang na isang gobyernong tapat ang mailuklok sa poder para sa kapakanan at ika-aangat ng buhay ng lahat ng mamamayang Pilipino, lalo na ang pinakamahihirap sa ating bayan.

Baby ko lang po ang hawak ko. Wala po akong armas. Ito po ang sinasabi ko noon sa mga humuli sa akin habang kalong-kalong ko ang anak ko na sumususo pa sa aking dibdib. Isang buwang gulang pa lang po ang baby ko nung panahong iyon, hindi pa nakaka-aninag.

Sapilitang pinasok ang tinutuluyan kong bahay ng alas-tres ng madaling araw at tinaniman po ako ng mga ebidensyang armas at pasabog para ma-justify ang paghuli at pagpapakulong sa akin.

Bago po ito, nung Agosto 10, 2020, karumal-dumal na pinaslang ang aking ama, ang kilalang Anakpawis National Chairperson at National Democratic Front Peace Consultant na si Randall “Ka Randy” Echanis.

Must Read

Randall ‘Ka Randy’ Echanis: Lifelong reform advocate

Randall ‘Ka Randy’ Echanis: Lifelong reform advocate

Hindi pa man lubos ang naging pagluluksa at panawagan para sa hustisya para sa kanyang pagkamatay ay isang masamang bagay naman ang nangyari sa akin. Ngunit kagaya ng maraming ina na lumalaban para mabuhay ay patuloy akong nagpapakatatag para sa kapakanan ng baby ko.

Nanindigan po ako na huwag mawalay sa aking munting sanggol sa kabila ng pagkakakulong.

Ang sabi ko po, “Pinatay na nga ang tatay ko, tinanggalan pa ako ng kalayaan, pati ba naman ang karapatan kong maging ina sa anak ko, kukunin at ipagkakait din sa akin?”

Nais ko rin pong kunin ang pagkakataong ito para maibigay sa inyo ang isang munting handog na “kulay rosas-inspired” na mga bonsai display na gawa ng kapwa ko PDL na kababaihan dito sa Cagayan Provincial Jail. Bahagi ito ng livelihood program ng women inmates na kasalukuyang bahagi ako sa pagpapaunlad.

Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, nananatili po akong puno ng pag-asa kagaya ng mga “puno ng bonsai” na puno din ng pag-asa. At isa po kayong inspirasyon para dito. Sana po ay magustuhan niyo ang mga ito.

Hanggang dito na lang po at maraming, maraming salamat po!

Lubos na gumagalang,
Amanda Socorro Lacaba Echanis.
Marso 24, 2022
Cagayan Provincial Jail, Tuguegarao City,
Cagayan   

– Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!