press freedom

Bakit ako pumalag kay Congressman Michael Aglipay

Rambo Talabong
Bakit ako pumalag kay Congressman Michael Aglipay
Ang malalaking istorya ay hindi nangyayari nang isang araw lamang. Produkto sila ng ilang linggo, buwan, taon, at kulturang nagpapalampas ng maliliit na bagay, ng maliliit na kamalian, korupsiyon, at pang-aabuso.

Kahapon, pang-apat na pagkakataon nang tinanggal ako sa isang media Viber group pagkatapos magalit sa akin ang isang opisyal.

Ang una ay noong nagsulat ako tungkol sa isang confidential report ng Philippine Drug Enforcement Agency. Nagalit sa akin ang hepe at ang tagapagsalita, at tinanggal ako nang walang pasabi.

Noong inireport ko rin ang pagsasagawa ng “mañanita” ni Debold Sinas, tinanggal ako sa Viber group ng Metro Manila police.

Nitong 2020, tinanggal din ako sa grupo ng PNP pagkatapos magalit sa akin ang tagapagsalita noon. (Ibinalik ako pagkatapos naming mag-usap.)

Sa totoo lang, naiintindihan ko rin kung iniisip ng iba na, “Ay, tinanggal lang naman sa Viber group, hindi naman malala ’yung ginawa.”

Tama naman. Napakalayo nito sa dinanas ng kapwa Rappler reporter ko na hinaharang ang pag-cover sa Pangulo. Butil na problema lang ito kung itatabi sa dosenang kasong isinampa laban sa aming hepe na si Maria Ressa. Hinding hindi ito tutumbas sa pagkawala ng trabaho ng libo-libo sa ABS-CBN. At puwedeng sabihing walang wala ito kumpara sa pagpatay ng napakaraming mga mamamahayag sa ating bansa.

“Rambo, bakit ’di na lang palampasin kung maliit na bagay lang naman?” ang maaaring isipin ng iba.

Bakit ako pumalag kay Congressman Michael Aglipay

Pero sa ganitong paraan kasi nawawala ang mahahalagang bagay: unti-unti, ’di namamalayan, hanggang tuluyan nang mawala. 

Ang maliliit na bagay ay nagpapatong-patong. Pabigat ito nang pabigat sa ating mga balikat hanggang sa, hindi natin namamalayan, tayo ay nakaluhod na sa lapag. Bumigay na.

Sa panunuod lang ng balita, nakikita ’nyo na kung paano ito nangyayari: sa media, ang pagsasara sa ABS-CBN; sa kriminalidad, ang patuloy na pagpatay sa mahihirap; sa foreign policy, ang pag-atras sa Tsina; sa politika, ang pag-upo ni… (pumili na lamang kayo ng politiko).

Ang malalaking istoryang ito ay hindi nangyari nang isang araw lamang. Produkto sila ng ilang linggo, buwan, taon, at kulturang nagpapalampas ng maliliit na bagay, ng maliliit na kamalian, korupsiyon, at pang-aabuso.

Hindi puwedeng umupo na lamang tayo at hayaan ang paulit-ulit na pang-aabuso at pagpapalampas. 

Palagi kong sinasabi ito: suwerte na nasa Rappler ako kasi talagang may tapang ang mga kasama kong magpursiging punahin lahat ng kaya naming “maliit na bagay.” Hindi lamang tungkol sa pag-atake sa media, pero sa lahat ng pagkakataong nakikita naming may abuso. 

Alam ’nyo na rin siguro, pero ito ’yung dahilan kung bakit maraming opisyal ang may ayaw sa amin. Napakaraming beses na nakiusap sila na palampasin na lamang ang pagkakamali nila. Maliit na bagay lang naman daw, ang sabi nila. Naging mabait naman daw sila sa amin, ang sabi nila.

Pero hindi eh, kailangan talaga naming ilabas at isulat. Para sa inyo, ang aming mga mambabasa.

Alam naman namin na hindi lamang ang mapagpunang mga istorya ang sagot sa ating mga problema. Pero sa aking paniniwala, kabilang din ito sa maliliit na bagay – mga patak lamang sa karagatan na siguro, balang araw, makakapagbago ng daloy ng alon.

Pero hindi puwedeng kaming mga mamamahayag lamang ang humihindi at tumatayo para sa aming sarili. Kaya humihingi rin kami ng suporta para samahan ’nyo kami sa paninindigang ito. 

Ngayon, ang atake ay ang pagtanggal lamang ng isang reporter sa Viber group, pero kung magpapatuloy umupo ang mga mapang-abusong politiko, ano pa kaya ang magagawa nila – sa amin, sa inyo? – Rappler.com

Rambo Talabong

Rambo Talabong covers the House of Representatives and local governments for Rappler. Prior to this, he covered security and crime. He was named Jaime V. Ongpin Fellow in 2019 for his reporting on President Rodrigo Duterte’s war on drugs. In 2021, he was selected as a journalism fellow by the Fellowships at Auschwitz for the Study of Professional Ethics.