Fidel Ramos

[ANALYSIS] FVR’s legacy: Reforms na naglinis sa kalat ng Batas Militar

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] FVR’s legacy: Reforms na naglinis sa kalat ng Batas Militar

JANINA MALINIS

Isa siyang pinuno na nagdulot ng tunay at pangmatagalang reporma na nagpabuti sa buhay ng milyon-milyon at hene-henerasyong Pilipino, hanggang sa ngayon

Noong Hulyo 31, sa edad na 94, pumanaw na si dating pangulong Fidel V. Ramos. End of an era, ika nga.

Sa unang araw ng burol, bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sinabi sa harap ng midya na naging “symbol of stability” si Ramos matapos ang “tumultuous” o magulong mga nangyari noong 1986. Ani Marcos Jr., “[Ramos] brought calm and he brought stability to our country.”

Pero naisip ko agad: sino nga ba ang nagsimula ng gulo noon pa lang dekada ’70 at ’80? Sino ang nagdulot ng matitinding krisis pang-ekonomiya at katakot-takot na kurapsiyon, na nag-udyok sa maraming tao na magprotesta at labanan ang gobyerno? Sinong diktador nga ba ang nilabanan noon ni Ramos sampu ng milyon-milyong Pilipino sa EDSA?

Oo, simbolo si Ramos ng stability, pero stability na kinailangang ibalik matapos ang higit sa dalawang dekadang rehimeng Marcos.

Sa simpleng pagsasabing naging “symbol of stability” si Ramos noon, tila nawawala o ibinubura ang konteksto ng papel na ginampanan ni Ramos sa ating kasaysayan. Isa na namang anyo ng historical distortion?

Ang kadakilaan ni Ramos noong panahon ng EDSA ang isa sa malaking dahilan kung bakit siya iniluklok ng taumbayan sa pagkapangulo noong 1992.

Ngunit dapat din siyang tandaan bilang pangulong naging matagumpay sa paglilinis ng maraming kalat ng nakatatandang Marcos noon, lalo na hinggil sa ekonomiya.

Philippines 2000

Si Ramos ang isa sa mga unang political figures na naaalala ko sa aking kabataan noong dekada ’90.

Tumatak sa isip ko noon ang mga imahe niya sa TV na nagtatabako at tumatalon – bagama’t ’di ko pa naiintindihan noon kung bakit ba siya tumatalon. Noong pumasok naman ako sa Quezon City Science High School, nakapaskil pa rin sa pasilyo ang malaking karatula ng “Philippines 2000.”

Matagal na panahon ang lumipas bago ko nalaman kung tungkol saan ang karatulang iyon. Pero ang Philippines 2000 pala ang pangunahing programang pang-ekonomiya ni Ramos. Layunin ng kanyang gobyerno noon na gawing “newly-industrialized country” o NIC ang Pilipinas pagdating ng 2000.

May dalawang bahagi ang Philippines 2000.

Una, ang Medium-Term Philippine Development Plan for 1993-1998 na inihanda ng National Economic and Development Authority (NEDA) at naglatag ng detalyadong plano at targets para sa kaunlaran ng bansa.

Ikalawa, ang “political, social, and cultural climate” kung saan magaganap ang pag-unlad ng bansa.

To be fair, naging matagumpay ang administrasyong Ramos pagdating sa ekonomiya. Ayon sa datos, mas mabilis na lumago ang bansa kumpara noong panahon ni dating pangulong Cory Aquino, at lalo na kumpara noong Batas Militar ni Marcos.

Oo, hindi tayo nakaligtas sa epekto ng Asian Financial Crisis noong 1997. Bagamat nakaranas tayo ng recession o paglugmok ng ekonomiya noong 1997-1998, naging bahagya lang iyon: lumiit ang produksiyon nang 0.514% lang, walang-wala sa 14% na pagdausdos ng ekonomiya natin noong 1984 at 1985 sa ilalim ng Batas Militar.

Baka naging mas malala ang epekto sa atin ng Asian Financial Crisis kung ’di dahil sa mga reporma ni Ramos. Sa pangkalahatan, ’di maikakailang bumuti ang ekonomiya ng Pilipinas at sumigla ang pagnenegosyo at pamumuhunan.

Samut-saring reporma

Paano nangyari iyon? Samut-saring reporma ang itinulak ni Ramos sa kanyang termino.

Ayon sa kanyang dating chief economist na si Dr. Ciel Habito, limang “D” daw ang naging susi: democratization, decentralization, devolution, deregulation, and development.

Halimbawa, noong maipasa ang Local Government Code of 1992, ipinatupad ni Ramos ang decentralization at devolution o pagbababa ng ilang tungkulin ng gobyerno mula sa national hanggang sa local government units o LGUs.

Ngunit mas kagila-gilalas ang mga nakamit si Ramos hinggil sa deregulation o pagpapalaya ng maraming sektor mula sa masyadong mabigat na kamay ng gobyerno na nakasanayan ng bansa noong Batas Militar.

Noong Batas Militar, may monopolya ang PLDT, taon ang bibilangin bago makapagpa-install ng telepono, at kailangan mo ring tiisin ang tinatawag na “party line” (kung saan puwede kang mag-Marites sa usapan ng ibang tao). Ngunit ang reporma ni Ramos sa telecom sector – specifically ang pagpirma niya sa RA 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act of the Philippines – ang bumuwag sa monopolya ng PLDT at nagbigay-daan sa ibang service providers tulad ng Digitel at Piltel noon, at Globe ngayon. At least ’di na lang PLDT ang option ng mga tao.

Noong Batas Militar, pila balde ang mga tao sa umaga para sa tubig, at may kahalong putik minsan ang lumalabas sa mga gripo tuwing umuulan. Ngunit ang privatization ng water services sa Kamaynilaan noong 1997 ang nagbigay-daan sa Maynilad at Manila Water at mas maayos na serbisyo sa tubig. Ayon sa isang pag-aaral ni Prop. Karl Jandoc ng UP School of Economics, bumaba ang incidence ng diarrhea sa kabataan matapos ang repormang ito.

Noong Batas Militar, nirarasyon ang gasolina at diesel, at niregulate ng gobyerno ang presyo ng langis (na siyang nagdulot ng bilyon-bilyong pagkalugi ng gobyerno). Noong 1996, pinirmahan ni Ramos ang Downstream Oil Industry Deregulation Act. Bagamat favorite itong sisihin ng ilang grupo ngayon tuwing tumataas ang presyo sa global markets, ’di hamak na mas mabuti ito kumpara sa panahon ng bilyong-bilyong subsidiya na naging malaking drain sa kaban ng bayan.

Noong Batas Militar, may monopolya ang National Power Corporation sa generation at transmission ng kuryente, at tinake-over din ang Meralco na nauwi sa pag-abuso at matinding paglakugi nito. Sa umpisa ng termino ni Ramos, minana niya ang isang energy crisis na nagdulot ng malawakan at palagiang brownouts at blackouts. Ngunit sa panahon ni Ramos ay pinapasok niya ang pribadong sektor sa pagpapatayo ng power plants, at nagbigay-daan ang mga polisiya niya sa restructuring ng power sector noong 2001 sa pamamagitan ng EPIRA o Electric Power Industry Reform Act.

Noong Batas Militar, pahirapang makasakay ng eroplano dahil sobrang mahal at ang tanging option lang ay Philippine Airlines (PAL). Ngunit sa panahon ni Ramos, pinirmahan niya noong 1995 ang Executive Order 219 na nagpapasok sa ibang domestic at international airlines upang magkaroon ng kompetisyon sa industriya. Nagsimulang mademocratize ang pagsakay ng eroplano, at naging posible rin ang “piso fares.” Sabi ng isang player, “It’s time every Juan flies!” Si Ramos ang dapat pasalamatan doon.

Noong Batas Militar, iilang domestic banks ang nagdo-dominate sa banking industry, at limitado ang options mo kung gusto mong humiram sa bangko. Noong 1994, pinirmahan ni Ramos ang RA 7721 na nagbigay-daan sa pagpasok ng foreign banks sa Pilipinas at pagpapalawak ng options ng mga negosyo at ordinaryong tao.

Long story short, maraming kaginhawaan ng buhay natin ngayon – na marahil binabale-wala ng marami, lalo ng kabataan – ang dapat nating ipagpasalamat sa mga reporma ni Ramos noong dekada ’90.

Redemption arc

Tulad ng ibang dating pangulo, ’di rin naman naging perpekto si Ramos.

Nasangkot din siya sa iba’t ibang iskandalo, at matatandaang naging enabler din siya ni Marcos noong Batas Militar bilang pinuno ng Philippine Constabulary o sa pamamagitan ng mga polisiya noon. Siya rin ang isa sa mga humikayat noon kay Rodrido Duterte na tumakbo bilang pangulo noong 2016.

Ngunit sa pagtiwalag niya noong 1986 at pagpanig sa taumbayan, kahit papaano’y nagkaroon ng “redemption arc” sa kuwento ni Ramos.

Ngayong 2022, tatlong dekada mula noong maupo siya sa pagkapangulo, naaalala natin siya bilang isa sa pinakamaayos, pinakamasipag (kilala siya sa “complete staff work” o mabusisi at detalyadong pag-aaral at paghahanda ng mga polisiya), at pinakaepektibong lider ng bansa matapos ang EDSA.

Isa siyang pinuno na nagdulot ng tunay at pangmatagalang reporma na nagpabuti sa buhay ng milyon-milyon at hene-henerasyong Pilipino, hanggang sa ngayon.

Salamat sa mga repormang pang-ekonomiya ni Ramos, unti-unting lumayo ang Pilipinas sa bansag na “sick man of Asia.”

Isa ring patunay si Ramos na ang democratization (isa pa sa kanyang limang “D”) o pagtataguyod sa demokrasya ay susi, at hindi hadlang, sa pag-unlad ng bayan.

Nakakainis lang na sa kanyang katandaan ay ’di nakaligtas si Ramos sa delubyo ng online disinformation at fake news.

Halimbawa, may viral posts sa Facebook na nagsasabing ang Philippines 2000 daw ay ang bisyon ng dating pangulong Marcos para sa Pilipinas, at bahagi ng kanyang huling habilin. Tumutukoy umano sa taong 2000 kung kailan puwede nang i-claim o i-withdraw ng mga Pilipino ang mga dineposito umano ng matandang Marcos matapos ang 50 taon.

Malaking kabalintunaan ito. Isang sampal sa legasiya ni Ramos.

Kung sincere talaga si Pangulong Marcos Jr., dapat rendahan niya ang supporters na nagpapakalat ng mga kasinungalingan sa social media.

Otherwise, magmumukhang pakitang-tao lang ang kanyang pagdamay sa pamilya at bayang naulila ni Ramos. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.