COVID-19

[ANALYSIS] Dapat ilibre na ng gobyerno ang COVID tests

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Dapat ilibre na ng gobyerno ang COVID tests

Raffy De Guzman

Kung gusto ng gobyernong malaman ang totoong lagay ng COVID-19 sa bansa, kailangang ayudahan nila ang mga taong magpopositibo at sagutin ang 'opportunity cost' ng kanilang isolation

Ngayong simula ng 2022, tumambad sa atin ang kahindik-hindik na pagkalat ng COVID-19. Nagkakatotoo na ba ang “2020, too”?

Noong Enero 12, pumalo na sa 32,246 ang bilang ng new cases, pangalawang pinakamalaking bilang mula noong simula ng pandemya. Umabot na rin sa mahigit 208,000 ang active cases – pinakamataas na bilang ever.

Samantala, ang positivity rate naman sa buong bansa ay umabot na sa 45.7% – pangalawa rin sa pinakamataas na level mula March 2020. Ibig sabihin, halos kalahati ng mga tinetest ay nagpopositibo sa COVID-19. (In fact, sa Metro Manila ay lumagpas na sa 50% ang positivity rate nitong mga nakalipas na araw.)

Ayon sa ilang eksperto, marahil ang mataas na positivity rate ay senyales na laganap na sa bansa ang sobrang nakahahawang Omicron variant. 

Ngunit ang sobrang taas na positivity rate ay senyales din na, hanggang ngayon, sa pangatlong taon ng pandemya, kulang-kulang pa rin ang testing sa bansa.

Bagama’t lagpas 80,000 na ulit ang tests kada araw ngayong Enero, sa mga nakalipas na buwan ay sumadsad ang daily testing rate sa 30,000 noong Disyembre. At hindi pa rin tayo umaabot sa dating ipinangako ng Department of Health (DOH) na 90,000 hanggang 100,000 tests kada araw.

Kung mas marami sana ang natetest, hindi siguro aabot sa katakot-takot na 45.7% ang positivity rate sa bansa. 

Nasaan ang mass testing?

Bakit nga ba kulang-kulang ang testing hanggang ngayon?

Unang-una, kahit ngayong 2022 ay isinusuka pa rin ng gobyerno ang ideya ng mass testing. 

Noong Enero 7 lang, iginiit ni DOH undersecretary Ma. Rosario Vergeire na, “Kahit kailan, simula’t sapul, we never advocated for mass testing. Kahit gaano na kadami ang kaso natin sa bansa, ang mass testing po ay hindi inirerekomenda ng ating mga eksperto and even science would say mass testing is not rational.”

Ngunit hanggang ngayon ay mukhang hindi naiintindihan ng gobyerno na ’pag sinabing “mass testing,” hindi literal na 100% ng mga Pilipino ay itetest. Bagkus, gagawin lamang itong mas malawak at mas accessible kumpara sa nangyayari ngayon.

Tongue-in-cheek pang sinabi ni Usec. Vergeire: “’Pag gumawa ka ng mass testing, i-test namin kayo lahat ngayon. Bukas po pag lumabas kayo, may exposure po kayo ulit. Magte-test po ba tayo ulit?” 

Ngunit ang mass testing ay hindi nangangahulugang aaraw-arawin ang testing sa lahat ng tao. Exage naman po kayo, ma’am.

Sabi naman ng isang adviser ng DOH, dapat daw tigilan na ang “blanket testing” at magsagawa ng “sentinel surveillance” o testing sa mga piling sites o komunidad. Pero ayon sa ibang health experts, lalo lang tayong mabubulagan hinggil sa totoong pagkalat ng COVID-19. 

Dahil sa pagtanggi sa mass testing – na iginigiit ng DOH kahit noong 2020 pa lamang – hanggang ngayong 2022 ay hindi naglaan ang Kongreso (at si Duterte) ng kahit singkong duling para sa mass testing. 

Ideally, dapat ilibre ng gobyerno ang testing ng mga Pilipino. Pero ano ang aasahan mo sa gobyernong ito na mali-mali ang priorities? (BASAHIN: Mali-mali pa rin ang budget priorities ni Duterte sa 2022

And it’s not as if walang pera ang gobyerno. Ayon sa report ng gobyerno as of Setyembre 30, 2021, mayroong P11.2 bilyon mula sa Bayanihan 1 at P13.8 bilyon mula sa Bayanihan 2 na hindi pa naibabayad. 

Kung pagsasamahin, sapat sana iyon para sa humigit-kumulang 10 milyong RT-PCR tests. At least, kayang-kayang pondohan ang lahat tests para sa mga matatanda at may malubhang sakit, na rekomendasyon ngayon ng World Health Organization.

Economics ng testing

Dahil hindi inililibre ng gobyerno ang testing, napipilitan tuloy tayong lahat na akuin ang gastos para rito o ’di kaya’y dumiskarte para makamura. 

As of Setyembre 6, 2021, nagtakda ang DOH ng price caps o maximum prices para sa RT-PCR tests. Para sa public testing centers, ang bawat test ay ’di dapat lumagpas ng P2,450 hanggang P2,800. Samantala, sa private centers, ang presyo ay ’di dapat humigit sa P2,940 hanggang P3,360. Kung home service naman, ang price cap ay P1,000 kada test (pero bukod pa ito sa “testing cost”).

Sure, libre naman ngayon ang tests sa ilang local government units (LGUs) tulad ng Quezon City at Iloilo City. At mayroon namang mas murang saliva test ang Red Cross na P1,500 each lang. 

Ngunit hindi lahat ng employer o establisyemento ay tumatanggap ng saliva test results. At karamihan ng Pilipino ay kailangan pa ring bumiyahe para lang makapunta sa LGUs na may libreng tests. Dapat libre na ito nationwide.

Isa pa, napakamahal ng tests kumpara sa gastos ng mga tao sa pang-araw-araw nilang buhay. 

Halimbawa, kung ang isang test ay P2,450, katumbas iyon ng apat at kalahating araw na suweldo ng minimum wage earners (P537 kada araw ang minimum wage sa NCR para sa non-agriculture workers). 

Samantala, ayon sa Philippine Statistics Authority, ang minimum na gastos kada buwan para sa isang pamilya na may limang miyembro ay P12,082 (as of unang kalahati ng 2021). Ang tawag dito ay “poverty threshold” – kung ang kita ng isang pamilya ay mas mababa rito, maituturing silang mahirap. 

I-assume ulit nating ang isang RT-PCR test ay P2,450. Katumbas iyon ng 20% ng poverty threshold: ibig sabihin, kung may P100 ang isang pamilya, P20 na agad doon ang mapupunta sa iisang test pa lamang.

Dahil sa ubod ng mahal na tests – at pagtanggi ng gobyerno na ilibre ang mga ito – hindi na kagulat-gulat na maraming Pilipino ang pinipili na lang na hindi magpatest, kahit gustong-gusto nila. Nagkakasakit at gumagaling na lang silang hindi nalalaman kung may COVID-19 sila o wala. 

Samantala, may mga umaasa rin sa home test kits (rapid antigen tests) na nabibili sa merkado, kalimitan online. Ngunit kahit ngayong 2022, ni isang home test kit ay wala pang inaaprubahan ng Food and Drug Administration. At dini-discourage din ng mga otoridad ang basta-bastang paggamit sa mga ito, dahil baka raw mali-mali ang paggamit ng mga tao. 

Ngayon pa lang din kino-konsidera ng gobyerno ang self-use test kits, samantalang sa ibang bansa ay matagal nang available ang rapid antigen tests kahit sa vending machines.

Usapang ayuda

Bukod sa mahal na tests, malaking kawalan din sa mga tao kung sila’y mag-popositibo at kailangang mag-isolate sa loob ng maraming araw. Pinakakawawa ’yung mga arawan ang sahod na kailangang lumiban sa trabaho. 

Kung gusto ng gobyernong malaman ang totoong lagay ng COVID-19 sa bansa, kailangang ayudahan nila ang mga taong magpopositibo at sagutin ang “opportunity cost” ng kanilang isolation. Otherwise, hindi talaga gugustuhin ng mga taong magpatest dahil sa mawawalang kita sa kanila kung mag-positive.

Sa kasamaang palad, tulad ng mass testing, wala ring inilaang budget ang administrasyong Duterte para sa malawakang ayuda ngayong 2022. 

Napakahalaga ng malawakang testing, hindi lamang ngayon kundi pati sa hinaharap. Dahil sa kapalpakan nina Duterte, mukhang kailangan nating hintayin na i-prioritize ito ng susunod na administrasyon. 

Sa kabutihang palad, may mga kandidato sa pagkapangulong nagsusulong ng free mass testing.

Halimbawa, ayon sa “Kalayaan sa COVID” plan ni VP Leni Robredo, gusto niyang gawing “libre at regular” ang testing sa buong bansa, ipakalat ito gamit ang “libre at ligtas na mobile testing system,” at bigyan ng “pandalawang-linggong ayuda” ang mga magpopositibo. Noong 2021 pa lang ay ipinapanukala na niya ito.

Ganitong klaseng testing plan ang dapat nating i-demand sa susunod na administrasyon – at dapat matagal nang ginawa ng kasalukuyang administrasyon. Isa na naman itong dahilan kung bakit dapat tama ang mga iboboto natin sa Mayo. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is a senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.