Philippine economy

[ANALYSIS] Paano sisigla ang investments sa panahon ni Marcos?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Paano sisigla ang investments sa panahon ni Marcos?
Hanggang ’di natutugunan ang mga isyu, ang pera ng investors ay pupunta sa ibang bansa sa rehiyon – tulad ng Vietnam, na dating mas mahirap sa atin, ngunit ngayon ay pinapakain na tayo ng alikabok

Todo ang panliligaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa foreign investors. 

Sa kanyang US trip kamakailan, sinabi niyang “smart investment choice” daw ang Pilipinas. Aniya, may “grand opportunities” sa bansa at ngayon ang “best time to do business” sa atin. 

Sa Singapore naman, inilarawan ni Marcos ang Pilipinas bilang “Asia’s fastest-rising star.” Magiging “strong” daw ang recovery natin mula sa pandemya, at inanyayahan niya ang investors na makilahok sa “economic resurgence” o pagbangon muli ng ekonomiya.

Noong Setyembre 29, ipinagmalaki ng gobyerno na matapos ang biyahe ng Pangulo ay nag-uwi raw siya ng halos $4 bilyon na “investment pledges” o pangakong pamumuhunan sa bansa. Lilikha daw iyon ng tinatayang 112,000 trabaho. Totoo ba?

Unang una, ang tinutukoy na $4 bilyon na investment pledges mula sa US ay mas maliit sa nakuha nating pledges mula sa Indonesia ($8.5 bilyon, o lagpas doble) at sa Singapore ($6.5 bilyon). Mas marami pa ang nakuha natin sa mga karatig-bansa sa ASEAN na ’di naman kasing-yaman ng US.

Ikalawa, ang investment pledge ay promise o commitment na maaaring matupad o hindi. Panahon lang ang makapagsasabi kung ang pinagsamang $19 bilyong investment pledges mula sa US, Singapore, at Indonesia ay darating talaga sa ating bansa.

Ang tanong: Madadaan ba ang investors sa matatamis na salita ni Marcos at ng kanyang economic team?

Pagtumal ng investments

Makikita sa Figure 1 ang hamong kinakaharap ng administrasyon. 

Mula 2010 hanggang 2017, tuloy-tuloy ang pagdami ng foreign direct investments (FDI) sa bansa. Ngunit mula 2017 hanggang 2020 ay naging matumal na – at nagsimula ito bago pa man sumapit ang pandemya. 

Ibig sabihin, hindi maisisisi sa pandemya ang kawalan ng interes ng investors sa bansa noong Duterte administration.

Figure 1

Noong 2021, nakabawi naman ang FDI sa dahan-dahang pagbubukas muli ng ekonomiya. In fact, lumagpas ang FDI ng $12 bilyon – isang record high. 

Ngunit parang mahihirapan tayong tapatan ang record na iyon ngayong 2022. Sa unang kalahati ng taon, wala pang $5 bilyon ang investments na dumating. Para matapatan ang record noong 2021, kailangan natin ng $7 bilyon ngayong second half ng taon. Kakayanin kaya?

Mabuti sana kung lahat ng $20 bilyong investment pledges ay dadating agad bago matapos ang taon. Pero good luck diyan.

Aminado rin ang economic managers na kailangan talaga ng bansa ang FDI – lalo na ’yung “capital-intensive” investments o ’yung mga puhunan na gastos sa mga mga building at pabrika, kagamitan, makinarya, atbp.

Turnoff

Ang problema, hindi tayo masyadong attractive na investment destination sa ngayon, lalo na’t sumasama rin ang timpla ng pandaigdigang ekonomiya.

Unang-una, lumalabas ang kapital sa Pilipinas dahil sa patuloy at walang habas na pagtaas ng interest rates sa US (at ibang bansa). Ang polisiyang iyon kasi ay isang paraan upang awatin ang masyadong mataas na inflation o pag-arangkada ng presyo ng mga bilihin.

Sa mata ng mga namumuhunan, mas okay na maglagak ng pera o puhunan sa mga bansang papataas ang interest – upang mas mataas din ang balik ng kanilang pera. Kaya inililipat nila ang puhunan mula sa Pilipinas (at ibang bansa) papunta sa US.

Ngunit para mapakag-invest sa US, kailangan ng investors ng dolyar. At ang pagtaas ng demand nila sa dolyar ang siyang dahilan kung bakit tuloy-tuloy ang paghina ng piso kontra dolyar. Sa ngayon, nasa halos P59 kada USD na tayo.

Dito sa atin, itinataas din ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang “policy interest rate” nito upang awatin ang inflation na noong Agosto ay nasa 6.3% – lagpas sa target ng gobyerno. 

Ang problema, habang tumataas ang interest rates sa ekonomiya, mas mahihirapan ang mga ordinaryong Pilipino at mga negosyante na mangutang. Imbes na gumastos para sa mga negosyo o bagong sasakyan, bahay, o condo, ipagpapaliban muna nila iyon. At kung tuloy-tuloy ang pagtaas ng interest rate ng BSP, hindi matutuloy ang maraming investments sa bansa, at lalong hihina ang ekonomiya natin. 

Paano na ang “resurgence” at “vibrant” economy na ipinangako ni Marcos?

Stock market

Isa pang senyal ng pagtumal ng ekonomiya natin ay ang paglagpak ng stock market index (Figure 2). Nasa pinakamababang antas na ito mula noong Oktubre 2020, at bumagsak na nang 20% mula Pebrero ngayong 2022 – kaya itinuturing na itong “bear market.”

Graphical user interface, chart, line chart

Description automatically generated

Figure 2.

Bagama’t hindi perpektong indicator ng lagay ng ekonomiya ang stock market, sinasalamin nito ang palagay ng investors sa hinaharap. At hindi magandang pangitain ang pagbagsak ng stock market index. 

Sa isang banda, maaaring indikasyon ito ng patuloy na paglabas ng kapital sa bansa: imbes na maglagak ng pera sa Pilipinas, bibili na lang sila ng government securities sa US na mas safe pa ang balik.

Sa kabilang banda, maraming investors ngayon ang natatakot sa lagay ng pandaigdigang ekonomiya. 

Sa kabila kasi ng kaliwa’t kanang pagtaas ng interest rates sa buong mundo, ayon sa ilan ay baka mauwi ito sa “global recession” o pagtumal ng pandaigdigang ekonomiya. Ayon sa isang pag-aaral, ang probability ng global recession ay nasa 98% na.

Sa Pilipinas, malayong makaranas tayo ng recession o pagliit ng produksyon, ngunit malamang na bumagal ang paglago ng ating ekonomiya. At sa ganitong environment, good luck na lang sa paghikayat sa investors. 

Assignments

Kaya ba ni Pangulong Marcos na akitin ang investors sa panahong ito?

Pagdating sa stock market, mukhang wala masyadong magagawa dahil ang sigla ng stock market at kakambal ng expectations ng mga tao hinggil sa ekonomiya ng Pilipinas at ng mundo. Dahil nakaamba ang isang global recession, asahang patuloy na magiging matamlay ang stock market.

Pagdating naman sa FDI, bukod sa mabulaklak na mga salita, importanteng gawin ng Pangulo ang mga assignment dito sa bansa at ipatupad ang mga reporma na magpapaganda sa Pilipinas bilang investment destination.

Paano papasok ang mga negosyante kung mahirap magnegosyo rito kung tadtad pa rin ng red tape ang mga proseso, at katakot-takot na permits pa rin ang kailangan?

Paano papasok ang mga negosyante kung kaliwa’t kanan pa rin ang restrictions sa pagnenegosyo ng foreigners? 

Paano papasok ang mga negosyante kung mahina ang internet, kahindik-hindik ang trapik sa mga siyudad (lalo na sa Kamaynilaan), at kulang-kulang ang infrastructure projects na siyang magpapadali sana sa transportasyon ng mga tao at produkto?

Paano papasok ang mga negosyante kung may nakaambang energy crisis pagdating ng 2027 dulot ng pagkaubos ng natural gas reserves sa Malampaya?  

Paano papasok ang mga negosyante kung mahina ang rule of law at walang kredibilidad ang gobyerno (halimbawa, kung ultimong ang Pangulo ay nakalulusot sa pagbabayad ng karampatang buwis)?

Hanggang ’di natutugunan ang mga isyung iyan, ang pera ng investors ay pupunta sa ibang bansa sa rehiyon – tulad ng Vietnam, na dating mas mahirap sa atin, ngunit ngayon ay pinapakain na tayo ng alikabok. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD, is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.