Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] Bagong gobyerno, lumang mga kasinungalingan

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Bagong gobyerno, lumang mga kasinungalingan
Sa unang speech pa lang ni Marcos Jr., marami nang kailangang i-fact-check. Maging mapagmatyag at mapanuri tayong lahat.

Naganap na. Matapos ang 36 years, isa na namang Marcos ang nakaupo sa Malacañang.

Pero kahit na may bagong gobyerno, ang ibinungad nito sa taumbayan ay mga lumang kasinungalingan.

Suriin natin ang tatlong big lies sa inaugural speech ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kahapon, Hunyo 30.

1) “Food self-sufficiency has been the key promise of every administration. None but one delivered.”

Malinaw na ang pinatutungkulan niya sa “none but one delivered” ay ang administrasyon ng kanyang amang si Ferdinand E. Marcos.

Ngunit kung nakamit ang food self-sufficiency noong Batas Militar, bakit nag-import pa rin tayo ng bigas sa 11 taon ng nakatatandang Marcos bilang pangulo?

At kung sapat ang pagkain, bakit natagpuan ng USAID na “malnutrition remains a problem in the Philippines” noong 1985, sa mga huling buwan ng Batas Militar?

Bakit nagkaroon ng malawakang kagutuman sa Negros Island noong 1985, kung saan 40% ng mga batang wala pang 14 taong gulang ang nakaranas ng malnutrisyon, at isa sa limang batang Negrense ang “seriously malnourished”? Bakit nakunan ng mga litrato ang mga buto’t balat na mga bata roon, tulad ni Joel Abong?

2) “My father built more and better roads, produced more rice than all administrations before his. President Rodrigo Roa Duterte built more and better than all the administrations succeeding my father’s.”

Totoong maraming napagawang kalsada ang naunang pangulong Marcos.

Kung susuriin ang datos mula sa lumang Philippine Statistical Yearbooks, noong 1964-1965, nasa mahigit 55,777 kilometers ang kabuuang haba ng mga kalsada sa Pilipinas (national at local roads). Pagdating ng 1984, nasa 157,139 kilometers na iyon, oo halos tatlong beses na ang dami.

Pagdating naman sa rice production, ang produksiyon ng palay ay dumoble mula 3.99 milyong tonelada noong 1965 hanggang 7.84 milyong tonelada noong 1984.

Ngunit ang sinabi ni Marcos Jr. na “more and better roads, produced more rice” ay isa na namang pagkakataon upang ipinta ang panahon ng kanyang ama bilang “golden age” ng Pilipinas.

Hindi golden age ang Batas Militar, at kailangang bigyan ng konteksto ang mga datos.

Halimbawa, karamihan sa mga bagong kalsadang ipinatayo ng dating pangulong Marcos noon ay local roads, at ’di hamak na mas kakaunti ang nadagdag na national roads noon.

Ayon naman sa mga ekonomista ng UP, sa isang komprehensibong pag-aaral na isinagawa nila noong 1984, karamihan sa public works sa panahon ni Marcos noon ay nasayang lang dahil ’di masyadong productive o ’di talaga kapaki-pakinabang (isipin ’yung maraming building o edifices na ipinatayo ni Imelda Marcos).

’Di na rin kagulat-gulat na tumaas ang produksiyon ng bigas noong panahon ni Marcos dahil nangyari ang Green Revolution noong dekada ’50 at ’60. Sadyang tumaas ang bilang ng mga lupaing may irigasyon, at dumami ang mga palayang gumamit ng modern varieties ng bigas (kabilang ’yung “Miracle Rice”).

Gayunpaman, nasayang ang momentum sa agrikultura.

Never tayong naging top rice exporter sa mundo, nabawasan ang investments sa irigasyon noong dekada ’80 (kasabay ng krisis pang-ekonomiya), at di nagtagumpay ang mga programa tulad ng agrarian reform at Masagana 99.

Nagkaroon din ng mga shortage sa bigas noong dekada ’70 dahil sa mga kapalpakan ng National Food Authority o NFA. May mga mahahabang pila para sa NFA rice (na ’di kagandahan ang kalidad), at sa panahon ng kagipitan hinihimok pa ang mga tao na kumain na lang ng pinaghalong bigas at mais.

Pagdating naman sa Build, Build, Build (BBB) ni dating pangulong Rodrigo Duterte, napakaraming proyektong ipinangako noong 2017 ang ’di natuloy at ’di natupad.

Sa 119 proyektong nakalista, 11 lang ang natapos noong 2021, at 18 daw ang inasahang matatapos sa katapusan ng Hunyo (natapos nga ba?).

Matatandaan ding pabago-bago ang listahan ng BBB projects sa paglipas ng mga taon, dahil marami pala sa mga ipinangakong proyekto ay masyadong mahirap gawin at unfeasible.

Marami rin sa infrastructure projects na natapos sa panahon ni Duterte ay carry-overs lang mula sa mga naunang administrasyon – pero isinama pa rin sa Build, Build, Build. Grabe ‘yung credit-grabbing. (BASAHIN: 10 Build, Build, Build projects that started before Duterte)

Isa pa, marami sa mga proyektong imprastraktura ay nakasentro pa rin sa mga kotse imbes na sa pedestrians at bikers. Kaya grabe pa rin ang trapik ngayon – mas lumala pa nga.

So saan kaya hinugot ni Marcos Jr. yung “Duterte built more and better”?

3) “Blades have been turning over the sand dunes of Ilocos Norte, harnessing a power all around but unseen, long before this day. I built them.”

Marami nang fact-check ang nagpakita na hindi si Marcos Jr. ang nagpatayo ng mga windmills sa Ilocos Norte.

Sa halip, nagkataon na siya ang gobernador noong 2005 kung kailan itinayo ng isang “private commercial enterprise” na NorthWind Power Development Corporation ang windmills sa Bangui. ’Di rin iyon pinondohan ng gobyerno; bagkus, ang pondo’y nanggaling sa World Bank at Danish government.

Ang nakakatawa, panahon pa lang ng Friendster (naaalala o naabutan ‘nyo ba iyon?) ay iniugnay na ni Marcos Jr. ang sarili sa windmills ng Ilocos, as if proyekto niya iyon.

Sa katunayan may screenshot ang UP journal na Kasarinlan ng 2010 Friendster page ni Marcos Jr. tampok ang pamilya niya. Sa harap nila ay may cartoon ng batang may hawak na pinwheel at sa likod ay may imahe rin ng isang windmill. May link din sa game na “Windmill City.”

Source: Kasarinlan
Nostalgia trip pa rin

Sinabi ni Marcos Jr. sa kanyang inaugural speech na “I am here not to talk about the past; I am here to tell you about our future…. We do not look back but ahead.”

Pero kung gayon, bakit panay pa rin ang banggit niya sa mga achievement ng ama mahigit apat o limang dekada na ang nakararaan? At bakit panay pa rin ang banggit sa windmills na ’di naman niya proyekto o pinondohan in the first place?

Walang masama sa pagbabalik-tanaw. In fact, maraming aral mula sa nakaraan ang magagamit natin upang tugunan ang mga bagong hamong kakaharapin natin.

Ngunit kung titingin na lang din tayo sa nakaraan, huwag nating baguhin at i-cherry-pick iyon. Bagama’t pangulo na si Marcos Jr., hindi lisensiya iyon para sa walang habas at walang tigil na pangbababoy sa ating kasaysayan.

Sa unang speech pa lang ni Marcos Jr., marami nang kailangang i-fact-check. What more sa susunod na anim na taon? Maging mapagmatyag at mapanuri tayong lahat. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.