Maharlika fund

[ANALYSIS] Bakit problematic ang Maharlika fund? Narito ang 4 na dahilan

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Bakit problematic ang Maharlika fund? Narito ang 4 na dahilan

ALEJANDRO EDORIA

Maganda sana ang konsepto ng sovereign wealth fund. At bagama’t maraming ’di sang-ayon dito ngayon, puwede pa rin itong maitulak sa ibang panahon – kung magkakaroon ng sobrang pera ang gobyerno natin.

Noong Disyembre 7, ibinalita ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo – isa sa mga nagpapanukala ng Maharlika Wealth Fund – na hindi na raw kukunin ang bahagi ng kapital noon mula sa GSIS at SSS.

Ito’y matapos maraming sektor sa ating lipunan—mula sa mga aktibista hanggang sa grupo ng mga negosyante—ang umangal sa planong galawin ang pension funds ng GSIS at SSS.

Ngunit sa totoo lang, ’di dapat ipinanukala iyon sa simula pa lang. Hindi akmang isugal o ipusta ang pensiyon ng mga Pilipino na buong buhay nilang pinagtrabahuhan.

Bukod dito, marami pang dahilan kung bakit problematic ang Maharlika fund.

Una, ni hindi ito totoong “sovereign wealth fund.”

Ang sovereign wealth fund ay pondong nililikom ng isang gobyerno at ginagamit upang mag-invest sa iba’t ibang assets. Ngunit ito’y nagmumula sa sobrang kita ng isang gobyerno.

Halimbawa, sa Norway, mayroon silang sovereign wealth fund na nagmula sa higanteng reserba ng langis na nadiskubre sa North Sea. Malaking bahagi ng sobrang kita nila mula roon ay inilagay nila sa isang sovereign wealth fund noong 1990, at ngayon ang pondo na iyon ay nagkakahalaga na ng mahigit $1 trilyon (trilyon with a “T”).

Wala tayong sobrang pera sa ngayon. Sa katunayan, sobra ang gastos ng gobyerno kaysa sa kita nito, kaya mayroon tayong “deficit” na mahigit P1.1 trilyon sa unang 10 buwan ng 2022.

Sa unang bersiyon ng Maharlika Wealth Fund bill, kukuha raw ang Maharlika fund ng P25 bilyon mula sa Treasury o kaban ng bayan. Ngunit kung gawin ito ay lalo pang lalaki ang ating deficit, at dadagdag sa kailangang utangin ng bansa. Noong Oktubre, nasa P13.6 trilyon na ang utang ng Pilipinas.

Sa madaling sabi, ’di natin afford ang sovereign wealth fund sa ngayon.

Ikalawa, hindi dapat galawin ang pondo ng Bangko Sentral at mga bangko ng gobyerno.

Ayon kay Quimbo, kukunin daw ang parte ng Maharlika fund mula sa profits o tubo ng Bangko Sentral.

Ngunit maliit lang naman iyon: sa unang kalahati ng 2022, nasa mahigit P54 bilyon lang, at ’di sapat sa P175 bilyong hindi na raw kukunin sa GSIS at SSS.

Alangan namang lahat ng tubo ng Bangko Sentral ay ilagay sa Maharlika fund, dahil mababawasan ang pondo ng Bangko Sentral para magsagawa ng iba’t ibang programa at polisiya nito.

Pero ang mas nakababahala, hindi dapat idinadamay ang Bangko Sentral sa mga polisiya ng administrasyon. Ito ang ibig sabihin ng prinsipyo ng “central bank independence” na bahagi na ng modernong central banking sa buong mundo.

Maraming halimbawa kasi sa kasaysayan kung saan nagka-leche-leche ang ekonomiya dahil sa sobrang pakikialam ng gobyerno sa central bank.

Magandang halimbawa ang Batas Militar. Noong dekada ’70 at ’80, inutusan ni Marcos noon ang central bank na magpautang sa kanyang mga cronies (kamag-anak at kaibigan). Pero dahil ibinulsa lang ang malaking bahagi ng perang iyon, nalugi nang P300 bilyon ang central bank sa katapusan ng diktadura.

Sa unang bersiyon ng Maharlika fund bill, nakasaad ding magbibigay raw ang Bangko Sentral ng perang katumbas ng OFW remittances at BPO earnings. Ngunit hindi naman pera ng Bangko Sentral iyon!

Bukod sa Bangko Sentral, kukuha rin daw ng pera ang Maharlika fund mula sa mga bangko ng gobyerno tulad ng Landbank at DBP. Pero ayon sa isa kong kaibigang ekonomista, kung magkaganoon ay baka magkulang ang kapital ng mga bangkong iyon.

Ikatlo, mali ang timing ng Maharlika fund.

Sa maraming sovereign wealth funds sa mundo, ini-invest iyon sa mga stocks, bonds, real estate, at infrastructure projects sa iba’t ibang bansa.

Ito’y dahil mahalaga ang “diversification” sa pag-i-invest; ibig sabihin, iba’t ibang klaseng investments ang dapat gawin at ’di lang iisa, para kung may malugi ay hindi mauubos ang pera mo.

Ngunit may mga problema sa timing. Simula 2023, magkakaroon ng “global recession” ayon sa mga analyst. Dahil sa pag-arangkada ng mga presyo sa buong mundo, na nagdulot ng pagtataas ng interest rates, maraming mga industriya at ekonomiya ang titirik o liliit. Sa madaling sabi, hindi ito magandang panahon para mag-invest.

Isa pa, maganda siguro kung nakalikha tayo ng sovereign wealth fund noon pa lang 2000s, noong nadiskubre ang malaking reserba ng langis sa Malampaya.

Marami tayong kinita mula roon, at puwede sanang nagamit natin ang bahagi noon sa isang sovereign wealth fund. Ang problema, mayroon din tayong malaking deficits noong unang bahagi ng 2000s, kaya technically ay wala rin tayong sobrang pera noon.

Ikaapat, malaki ang tsansang mapulitika ang Maharlika fund.

Ayon sa mga may akda ng Maharlika fund (at maging si dating pangulo at Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo), kung si Pangulong Marcos mismo ang chairman of the board ng korporasyong hahawak sa Maharlika fund, senyales daw iyon na magiging accountable siya sa performance ng Maharlika fund.

Ngunit trustworthy at accountable nga ba si Marcos? Hanggang ngayon ay ni hindi nga siya nagbabayad ng P203 bilyong estate tax ng kanyang ama, kahit na nagdesisyon na ang mga korte.

Kung ’di siya accountable roon, paano pa kaya sa pondo tulad ng Maharlika fund?

Kung malulugi naman daw ang investments ng Maharlika fund, sasagutin daw ng gobyerno ang pagkaluging iyon. Ngunit ’di ba lalong makasasama ito sa pondo ng taumbayan? At ’di ba’t magiging mas mapangahas ang managers ng Maharlika fund at isusugal iyon sa malalaking investments na mataas ang risks?

Isa pa, gagamitin din daw ang Maharlika fund para mag-invest sa ekonomiya ng Pilipinas, kabilang ang ilang infrastructure projects (tulad ng mga dam, ayon kay Albay Representative Joey Salceda) at mga piling korporasyon.

Ngunit maaaring magamit ang Maharlika fund upang biyayaan ang mga kaibigan at kamag-anak ng pangulo – tulad ng “crony capitalism” noong Batas Militar.

Pagdating sa infrastructure projects, may ibang mga paraan para pondohan iyon. Halimbawa, puwedeng paigtingin ng gobyerno ang public-private partnerships (PPPs) na naging matagumpay naman noon. Puwede ring pabilisin ni Pangulong Marcos ang proseso dahil siya naman ang chair ng NEDA Board kung saan dumadaan lahat ng mga panukalang infrastructure projects.

Puwede sana ang sovereign wealth fund, kung…

Sa totoo lang, maganda sana ang konsepto ng sovereign wealth fund. At bagama’t maraming ’di sang-ayon dito ngayon, puwede pa rin itong maitulak sa ibang panahon – kung magkakaroon ng sobrang pera ang gobyerno natin.

Halimbawa, kung makadiskubre tayo ng panibagong supply o reserba ng langis sa West Philippine Sea, ang kita mula roon ay puwedeng ilagay sa lehitimong sovereign wealth fund.

Pero kung gusto talagang itulak ng gobyerno ang sovereign wealth fund ngayon, puwede namang makuha ang kapital mula sa P203 bilyong estate taxes ng Marcoses (na ’di pa rin binabayaran ng Pangulo) at nakaw na yaman ng mga Marcos na nagkakahalagang P125 bilyon at hinahabol pa ng Presidential Commisison on Good Government. Ang total noon ay P328 bilyon, mas malaki pa sa P275 bilyon na unang panukala para sa Maharlika fund.

To be fair, mukhang nakikinig naman ang mga mambabatas sa hinaing ng taumbayan. Tinanggal na nga nila ang GSIS at SSS sa pagkukunan ng pera para sa Maharlika fund. Pero hintayin natin ang latest draft ng panukalang batas, at patuloy natin itong tutukan at busisiin. Nakasalalay ang pera ng taumbayan dito. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.