Philippine economy

[ANALYSIS] Lalo pang hihina ang piso kontra dolyar. Bakit?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Lalo pang hihina ang piso kontra dolyar. Bakit?
Ang paghina ng piso ay sintomas ng sakit ng inflation na dinaranas ng buong mundo ngayon – sakit na mararamdaman nating lahat, kahit papaano

Noong Hunyo 23, ang isang dolyar ay katumbas na ng P54.7. Hanep.

Ito ang pinakamahinang palitan ng piso sa dolyar mula noong 2005, o lagpas 16 taon na ang nakararaan (tingnan ang graph sa ibaba).

Sino ang talo at panalo rito?

Kung ikaw ay bumibili ng imported goods (bag, tsokolate, antique figurine, atbp.), mas marami nang piso ang kailangan mong gastusin.

Samantala, kung ikaw naman ay exporter, mas mura na ang mga produktong ibinebenta mo abroad, at baka mas maraming ganahang bumili ng mga iyon.

Sa madaling sabi, kung ang isang mahinang piso ay parusa sa importers (o sinumang gumagastos ng dolyar), biyaya naman iyon para sa exporters (o sinumang kumikita ng dolyar).

Sa mga susunod na buwan (o baka taon), mukhang tuloy-tuloy lang ang “peso depreciation” o paghina ng piso kontra sa dolyar. Bakit?

Source: fxtop.com

Gamot kontra sa inflation

Ang dahilan ng paghina ng piso ay ang umaarangkadang presyo ng mga bilihin hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa buong mundo.

Kung sa Pilipinas nasa 5.4% ang inflation rate noong Mayo, sa US nasa 8.6% na iyon. Sa katunayan, pinakamataas na inflation iyon ng US mula noong 1981, o mahigit apat na dekada na ang nakalilipas.

Bilang tugon sa matinding inflation sa US – at upang pigilan ang tuloy-tuloy na pagtaas pa nito – itinaas na ng central bank ng US (na tinatawag na Federal Reserve) ang “benchmark interest rate” nito, o interest rate na sinusundan ng mga bangko roon.

Ano ang kinalaman ng interest rates sa inflation?

Ganito ang kuwento: kung mataas ang interest rates sa ekonomiya ng US, nagiging mahal ang mga loans o pautang, at hindi ginaganahan ang maraming tao na mangutang.

At kung hindi uutang ang mga Amerikano para sa mga kotse, bahay, o negosyo nila, bababa ang demand para sa mga iyon, at kahit papaano’y maiibsan ang pressure na umarangkada ang mga presyo. Tutumal din ang paggastos gamit ang credit cards.

Samakatuwid, ang mataas na interest rates ay mapait na gamot kontra sa sakit na dulot ng inflation.

Side effects ng gamot

Ngunit may side effects ang gamot na iyon.

Una, kung tuloy-tuloy ang pagtaas ng interest rates sa US, baka masyado namang bumagal ang paglago ng kanilang ekonomiya. Maaari pa ngang bumagsak at mauwi sa “recession” kung saan liliit ang kabuuang produksiyon.

As of Hunyo 19, ayon sa ilang analysts, nasa 44% na ang tsansa o probability na magkakaroon ng recession sa US sa susunod na 12 buwan. Inamin na rin ng chairman ng Federal Reserve na si Jerome Powell na posibleng mangyari iyon. “It’s certainly a possibility,” aniya noong Hunyo 23.

Kung bumagsak ang ekonomiya ng US, babagal din ang paglago ng maraming ekonomiya tulad ng Pilipinas.

Ang isa pang side effect ng pagtaas ng interest rates ay ang paghina ng piso kontra dolyar.

Sa pagtaas kasi ng interest rates sa US, mas nagiging attractive o kaaya-ayang mamuhunan doon kaysa sa Pilipinas. At kung lalong lumaki ang agwat ng interest rates sa US at Pilipinas, lalong lalabas ang puhunan o investments.

Ngunit upang mailabas ang kanilang pera, kailangan munang papalitan ng investors ang kanilang investments sa dolyar. Habang kumakaunti ang dolyar sa ekonomiya ng Pilipinas, nagiging mas marami ang supply ng piso, kaya bumababa ang halaga nito kontra dolyar.

Ang ending, peso depreciation.

Samakatuwid, may direktang kinalaman ang pagtaas ng benchmark interest rate sa US at paghina ng piso sa Pilipinas. Kaya kung concerned ka sa halaga ng piso kontra dolyar, dapat mong bantayan ang nangyayari sa ekonomiya ng US at ang galaw ng interest rates doon.

Ayon kay Powell ng US Federal Reserve, magtataas pa ang benchmark interest rate nila sa mga susunod na buwan. So, alam na this: malamang lalo pang hihina ang piso kontra dolyar.

Silver lining?

Sa unang tingin, pumapalakpak dapat ang tainga ng overseas Filipinos (OFs) at ang kanilang mga pamilya sa balita ng patuloy na paghina ng piso.

Ngunit ’di rin iyon masyadong mainam para sa kanila: bagama’t mas malaki ang palit ng remittances, bumawi naman sa pagkamahal-mahal na presyo ng mga bilihin sa Pilipinas. (BASAHIN: Golden age o golden prices?)

Maaari ring lumala ang inflation sa Pilipinas dahil sa paghina ng piso: lalong magmamahal kasi ang imported goods.

At in the first place, paano magpapadala ng remittances ang OFs kung magkakaroon ng recession sa bansang pinagtatrabahuan nila?

Paano naman ’yung exports? ’Di ba mas marami ang bibili ng mga produkto natin (dried mangoes, furnitures, atbp.) ngayong mas mura na sila dahil sa mahinang piso?

Mahirap pang sabihin ngayon. Sa isang banda, may mga analyst na umaasang sisigla ang exports natin sa mga susunod na buwan.

Pero sa kabilang banda, anumang kikitain natin mula sa exports ay maaaring kontrahin ng pagtumal ng ekonomiya dahil sa sobrang mahal ng mga bilihin ngayon. Paano naman kasi gagastos ang mga tao kung kakarampot na lang ang mabibili ng kanilang budget?

Bukod dito, tumataas din ang benchmark interest rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), bilang sariling tugon nila sa inflation. Mabagal pa ang interest rate hikes ng BSP sa ngayon, pero kung tuloy-tuloy ay magpapabagal din iyon sa ating ekonomiya eventually.

May epekto rin ba ang paghina ng piso sa utang ng mga bansa? Oo.

Habang tumataas ang interest rates sa buong mundo, delikado ang mga bansang higante ang pagkakautang, lalo na kung karamihan ng kanilang utang ay galing sa ibang bansa at denominated in dollars.

Noong panahon ng Batas Militar, ito mismo ang isa sa mga nagtulak sa ating ekonomiya sa krisis. Baón kasi tayo sa utang panlabas dahil sa kasakiman at pagpapabaya ng diktador na si Ferdinand E. Marcos. At noong nagtaas ng interest rates ng US noong umpisa ng dekada ’80 (para labanan din ang mataas na inflation), lalo tayong nabaón sa utang.

Fast-forward sa Abril 2022, halos P13 trilyon na ang utang ng Pilipinas. Pero 30% lang noon ay galing sa ibang bansa o “external debt.”

Kung tutuusin, medyo lumaki na ang porsiyentong iyon ngayong pandemya. Pero kumpara sa ibang bansa na talagang baón sa utang panlabas (at kumpara sa sinapit natin noong Batas Militar), sa ngayon ay ’di masyadong lolobo ang utang ng Pilipinas dulot ng mataas na interest rates.

Itigil ang giyera

Ang paghina ng piso ay sintomas ng sakit ng inflation na dinaranas ng buong mundo ngayon – sakit na mararamdaman nating lahat, kahit papaano.

At isa sa pinakasanhi ng inflation sa mundo ngayon ay ang patuloy na pananakop ng Russia sa Ukraine. Grabe ang pagpalo ng presyo ng langis at pagkain, at ang epekto noon ay damang-dama na sa maraming panig ng mundo. (BASAHIN: Giyera sa Ukraine: Ano ang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas?)

Para ’di na tuluyang masadlak sa krisis ang ekonomiya ng mundo, at tuluyang malunod sa kahirapan ang milyon-milyong tao, dapat nang itigil ang giyera sa Ukraine sa lalong madaling panahon.

Stop the war. NOW. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.