Ferdinand Marcos Jr.

[ANALYSIS] Ano’ng magagawa ni Marcos kontra inflation? Marami.

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Ano’ng magagawa ni Marcos kontra inflation? Marami.

ALEJANDRO EDORIA

Marahil ang pinakapangit na suhestiyon ay ang pag-'sit back at hold tight' ng mga Pilipino, tulad ng sinabi kamakailan ni presidential son at congressman Sandro Marcos

Ang mabilis na pagtaas ng mga bilihin, o tumataas na “inflation,” ang isa sa pangunahing problema ng Pilipinas ngayon.

Ayon sa gobyerno, kontrolado naman daw nila ang sitwasyon. Anila, they’re “on top of managing economic risks.” Priority rin daw nila ang pagtugon sa inflation.

Ngunit taliwas ito sa sinasabi ng madla.

Sa isang survey ng Pulse Asia ngayong Oktubre, 42% ang nagsabing hindi sila kontento sa tugon ng gobyerno. Pag-kontrol sa inflation din ang tanging isyu kung saan nakakuha ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng negative net approval rating.

Ano nga ba ang ginagawa ng gobyerno kontra inflation, kung mayroon man? Ano ang dapat pa nilang gawin? At ano ang mga dapat nilang iwasan dahil baka lalong magpalala sa sitwasyon?

Mga ginagawa

Ayon sa isang tweet ni Marcos Jr., pinulong niya ang kanyang economic team noong Oktubre 18. Sinabi niyang, “Number one priority is still inflation. We will continue to use interest rates to mitigate the effects.”

Ano ang kinalaman ng interest rates sa pagsugpo sa inflation?

Sa pagtaas kasi ng interest rates, nagiging mas mahal ang pangungutang. Kaya marami ang hindi muna gaganahang gumastos sa mga kotse, bahay, o negosyo.

Samakatuwid, ang mensahe ay: ’wag munang gumastos ngayon, dahil kapag maraming gumastos, lalaki ang demand para sa mga produkto at serbisyo, at lalong tataas ang mga presyo.

Pero sa totoo lang, ang pagtaas ng interest rates ay maituturing bang acheivement o polisiya ni Marcos Jr.?

Sa katunayan, ito ay polisiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na dapat ay independent sa mga polisiya ng anumang administrasyon.

Idinagdag pa ni Marcos sa Twitter, “We may have to defend the Peso in the coming months, but the overall forecast is that we are still doing better than other countries in terms of inflation, though economic developments are still anticipated.”

Ginagawa na rin ng BSP ang pag-“defend” o pagpapalakas sa piso, sa pamamagitan ng pagbebenta ng supply ng dolyar. Pero ang tinutukoy ni Marcos ay isa na namang polisiya ng BSP.

Ang tanong, si Marcos mismo, ano ang ginagawa?

Mga hindi ginagawa

Para sugpuin ang inflation, hindi sasapat ang pagtataas ng BSP ng interest rates.

At bukod sa BSP, kailangan ding umaksyon ng ibang sangay ng gobyerno. Isa na riyan ang Department of Agriculture (DA), na pinamumunuan mismo ng Pangulo.

Sa katunayan, kritikal ang DA dahil malaking bahagi ng inflation ay dulot ng pagtaas ng presyo ng iba’t ibang food items.

Makikita sa graph sa ibaba na lumalaki ang inflation ng pagkain sa mga nakalipas na buwan. Noong Setyembre, nasa 7.7% na ito: ibig sabihin, ang P100 na gastos mo sa pagkain noong Setyembre 2021, P107.7 na noong Setyembre 2022.

Pero bukod doon, dumarami ang food items na nagpapataas sa food inflation. ’Di na lang karne at isda ang salarin: lumalaki na rin ang kontribusyon ng asukal, arina at tinapay, gatas, at maging bigas.

Lahat ng mga produktong ito ay may kinalaman sa mga polisiya at programa ng DA. Kaya ang dapat itanong, ano ang ginagawa ni Marcos para awatin ang presyo ng mga pagkaing ito? O may ginagawa ba siya in the first place?

Alam natin mula sa Econ 101 na ang presyo ng mga bagay ay tumataas kung tumataas din ang demand, bumababa ang supply, o parehas.

Pagdating sa demand, mahirap namang sabihin sa mga tao na huwag munang kumain ng bigas o tinapay. Kaya dapat pagtuunan ng pansin ni Marcos ang supply ng pagkain.

Ang problema, napakamahal ng mga produktong petrolyo ngayon, kaya maraming mangingisda ang ’di na kasindalas mamalaot, at maraming magsasaka rin ang nagbawas muna ng lupaing tinaniman ng palay. Kaya naman mataas ang presyo ng isda, at baka magkaroon din ng kakulangan ng bigas sa mga susunod na buwan.

Grabe rin ang pagtaas ng presyo ng abono dahil sa kakulangan ng supplies mula abroad, at isa rin itong dahilan kung bakit nakaamba ang rice shortage, ayon sa ilang eksperto.

Isang paraan upang maawat ang inflation ay ang pagbibigay ng sapat na tulong sa ating agricultural workers, kabilang ang subsidized na petrolyo, abono, at iba pang ginagamit sa pagsasaka at pangingisda. Ngunit baka matagalan pa ang epekto noon sa produksiyon.

Kung hindi mapatataas ni Marcos ang produksiyon agad-agad, maaari munang mag-import ng agricultural products upang ’di ganoon karaming mga kababayan natin ang magutom at maghirap. (Ngayon pa lang, may ilan nang nagsasabing baka milyon-milyon ang maghirap dahil sa inflation.)

Pero hanggang ngayon, ’di pa rin malinaw kung ano ang plano ni Marcos sa pag-iimport ng mga produkto. Matatandaang hinarang pa niya kamakailan ang malakihang importasyon ng asukal.

Band-aid solutions din ang ginagawa ni Marcos. Halimbawa, noong Oktubre 17, nagsimulang magpamudmod ng “BBM Sugar” ang Sugar Regulatory Administration (SRA) sa harap ng tanggapan nila sa Quezon City at Bacolod City. Ang presyo, P70 per kilo.

Pero lumalabas na 3 kilo lang ang puwedeng bilhin ng bawat customer, at panandaliang solusyon lang ito ng SRA sa tulong ng pribadong sektor. ’Di pa rin kasi talaga bumababa ang presyo sa mga palengke at grocery – ayon mismo sa datos ng SRA.

Oo, may paparating na imported sugar sa mga susunod na buwan, at lalakas na rin ang lokal na produksiyon. Dahil dito, inaasahang bababa rin ang presyo ng asukal. Ngunit isa lang ang asukal sa dahilan ng mataas na inflation. Paano ang karne, isda, bigas, atbp.?

Sayang. Strategic sana ang puwesto ni Marcos bilang kalihim ng DA. Ngunit kulang pa ang kanyang aksiyon upang siguruhin ang supply ng pagkain at awatin ang food inflation.

Mga ’di dapat gawin

Kaliwa’t kanan din ang mga proposal na sa unang tingin ay magpapababa sa inflation, ngunit sa totoo’y maaaring magpalala pa noon.

Halimbawa, may ilang mambabatas na nagpapanukala na dapat munang suspendehin ang value-added tax o VAT sa basic commodities bilang tulong sa mga tao.

Ngunit maaaring palalain noon ang inflation, at maging ang mga ekonomista ni Marcos ay ’di sang-ayon doon. Bakit?

Una, maraming basic commodities ang wala naman talagang VAT, tulad ng bigas at asukal. At sa ibang produktong may VAT, ang kawalan ng buwis ay maaaring magpataas masyado sa konsumo ng mga tao, na maaaring magpalala sa inflation.

Sabi naman ng iba, dapat magbigay ng bilyon-bilyong ayuda ang gobyerno sa tao, tulad noong umpisa ng pandemya.

Ngunit kailangang bantayan ang pagbuhos ng ayuda dahil maaari rin itong magpalala sa inflation. Sa halip, mas maganda kung targeted ang ayuda o para lang sa mga pinakamahihirap na mga pamilyang Pilipino.

Ang tanong, maganda na ba ang sistema ng gobyerno sa pag-target ng ayuda? Hindi na ba nahahaluan ng politika? At nakararating ba talaga sa mahihirap ang ayuda?

Marahil ang pinakapangit na suhestiyon ay ang pag-“sit back at hold tight” ng mga Pilipino, tulad ng sinabi kamakailan ni presidential son at congressman Sandro Marcos.

Oo, maraming ibang bansa ang nakararanas ng mataas na inflation. Ngunit dapat gawin ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang sugpuin ang inflation – at tulungan ang mga nasa laylayan – dahil baka mapuruhan nang tuluyan ang ating ekonomiya.

Halimbawa, kapag magpapatuloy lang ang inflation, maraming maghihirap, maraming magugutom, at maraming estudyante ang ’di makakapag-aral nang maigi. Paano na lang ang paglaki nila? Paano sila magiging produktibong mamamayan sa hinaharap?

Bukod dito, sinasabi ng National Economic and Development Authority na matatapyasan ng 0.6 percentage point ang paglago ng ating ekonomiya ngayong 2022 dahil sa mataas na inflation.

Ngunit sa paglaban sa inflation, dapat maging maingat din ang gobyerno ni Marcos. Dapat huwag silang magpatupad ng mga polisiyang magpapalala pang lalo sa inflation. Hindi nakakaapula ng apoy ang pagbubuhos doon ng alkohol o gasolina. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

2 comments

Sort by
  1. ET

    Perhaps, a modification of that “sit back and hold tight” suggestion is “sit back, hold tight and then fly to Singapore.”

  2. ET

    Perhaps, these are the Creative Communication Strategies: 1) What is done by others, claim it as yours (Grab the Credit Strategy); 2) Even if you have accomplish only one, present it as though you have achieve many (Multiplier Effect Strategy).

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.