distance learning

[OPINYON] Dear Class

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] Dear Class

Illustration by Nico Villarete

'Ngayong malapit na malapit na ang halos dalawang buwan na term break, hangad ko na makapagrelaks kayo – mapahinga ang isip sa alalahanin ng mga paparating pang lesson sa ganitong unstable platforms'

Dear Class,

At gano’n-gano’n lang, tapos na uli ang isang semestre. Tapos na rin ang isang unprecedented academic year na ginugol natin sa harap ng monitor ng ating mga laptop, desktop, at eye strain-inducing smartphones. Kung meron mang naidulot itong maayos, iyon ay ang pagiging ligtas natin sa pagsasabi ng nanay natin na, “Kaya masakit ulo mo, kaseselpon mo ’yan.” O kaya, “Kaya lumalabo mata mo, kakompyuter mo ’yan.” 

Gaya ng karamihan sa inyo, ako man ay hindi nasiyahan. Hindi masyadong satisfied. Iba pa rin ang face-to-face class. Iba pa rin ang pakikipaghabulan ko ng tingin sa mga mata ninyong umiiwas para matawag sa klase during recitations. Iba pa rin ang sensation ng inyong instant reactions sana sa tuwing may sasabihin ako sa inyo, pagtawa man o pagsimangot, o, sa ilang pambihirang pagkakataon noong maayos pa ang lahat, pagkamangha. Iba pa rin ang nasa sinaunang klase – uulitin ko, sinaunang klase. Iyong panahong walang kaharap na smartphone o laptop, walang nakabukas na multiple tabs kahit mabagal ang internet, habang nakikinig o nakatingin sa akin, o nagpapanggap na nakikinig sa akin, habang nilalabanan ang antok. Nakaka-miss ang dating class, ano?

Ang malungkot, hindi ko alam kung may babalikan pa tayong dati. Iyong sinaunang klase. Iyong dati na, pagkatapos ng bawat araw ng pag-aaral sa campus, pupuwede munang tumambay. Magpalipas ng oras sa kung saan-saan uubrang ibulalas ang pagod, sa library halimbawa, bago sagupain ang trapiko pauwi. Iyong dati na kaya nating ihiwalay ang gawaing pambahay at pang-unibersidad. Hindi gaya ngayon na nag-meld na ang dalawang gawaing iyan dahil karamihan sa atin ay nasa ligtas na kandili ng ating bahay habang nag-aaral. Kaya naman napapahinto ako minsan kapag may delivery ng aking binili online, o dumating ang ipina-deliver na ulam habang bigay na bigay ako sa pagle-lecture. Huwag nang pag-usapan ang gumagapang na serbisyo ng internet natin. Nairaos natin ang semestre kahit pa tadtad ito ng “Sir, choppy po kayo, Sir.”

Must Watch

[WATCH] A year of distance learning: You just had to be there

[WATCH] A year of distance learning: You just had to be there

Hindi ko alam kung may babalikan pa kayong dati, class, lalo na kayong isa o dalawang taon na lang ay magtatapos na sa kolehiyo. Lalo na kayo na dumanas ng dagdag na dalawang taon sa high school. Kung hindi sulit ang real campus life, I strongly suggest na mag-masters kayo agad pagka-graduate. Baka sakaling bumalik na ang face-to-face class by that time. Joke lang ’yon. 

Hindi nga, ramdam ko ang nagiging struggles ninyo ngayong semestre higit sa eye-strain at mahinang internet connection. Kaya nga hangga’t kaya, ini-stretch ko ang deadlines and, on some occasions, binabawasan ang requirement sa last minute. Naniniwala kasi akong hindi ito panahon ng rigidity ng syllabus, lalo ng rigidity ng curriculum. Tandaang karamihan sa mga course plan ay nakalapat sa sitwasyong malulusog tayong lahat, walang masyadong iniintindi, o may maasahang gadget o internet.

Naka-embed sa syllabus ko ang unwritten considerations sa mga hindi inaasahang suliranin kaakibat ng pandemya at pag-aaral. At marami tayong kinaharap na suliranin. Higit sa mismong itinuturo kong leksiyon sa pagsulat, sa literary translation, sa contemporary literature ay ang praktikal na leksiyon sa pag-unawa, pakikiisa, at, masakit mang tanggapin, pakikidalamhati at pakikiramay sa kapwa sa panahong ito.

Hindi naman dahil hindi ako satisfied sa semestreng nagdaan ay masasabi kong hindi ako nag-enjoy sa ating klase. Nag-enjoy naman ako kahit papaano. Hindi nga lang masyadong halata. Kung paanong kung nag-enjoy man kayo, hindi ko rin naman masyadong nahalata. Quits lang. Basta sa pagkakaunawa ko, magkaiba ang enjoyment sa satisfaction. Mas madaling humanap ng enjoyment ngayon kaysa satisfaction. Kung mayroon man akong natutuhan sa panahong ito ay ang madaliang paghanap ng dahilan para maging masaya. May nag-recite kahit hindi tawagin, masaya na ako. Kapag may nag-usisa genuinely out of curiosity hinggil sa leksiyon, masaya na ako. Kapag may nakabalik sa klase buhat sa pagkakasakit o pag-aalaga ng maysakit o pamamahala sa kanilang kabahayan dahil nagkasakit ang magulang, napakasaya ko na. Kapag nakapagsumite ng requirements on time, lalo kung mukha namang pinag-isipan, super saya ko na. Kapag dumating ang inorder nang may natitira pa akong pambayad mula sa suweldo, ’sakto lang ang saya ko.

Must Watch

Rappler Talk: How can distance learning affect a student’s mental health?

Rappler Talk: How can distance learning affect a student’s mental health?

Ipagpaumanhin ninyo, class, ang ilang pagkakataong napapakuwento ako hinggil sa ating kinakaharap na sitwasyon na pinipilit kong ilapat sa ating lesson. Gusto kong kinukumusta kayo, inaalam ang sitwasyon sa inyong lugar mula Ilocos Norte hanggang South Cotabato. Lagi na, bago birtuwal na maghiwa-hiwalay, hangad kong kumpleto pa rin tayo sa susunod na klase.

Ngayong malapit na malapit na ang halos dalawang buwan na term break, hangad ko na makapagrelaks kayo – mapahinga ang isip sa alalahanin ng mga paparating pang lesson sa ganitong unstable platforms. Deserve ninyong magpahinga sa pasaning pang-akademya. Mungkahi ko, class, gaya ng ilang beses ko nang sinabi, humanap din ng dibersiyon higit sa pagharap sa dry lessons ng mga teorya. Mag-alaga ng halaman, maggantsilyo, mag-organisa ng community pantry, mag-aral gumuhit o magpinta, tumugtog ng gitara. O kahit anong gawaing malayo muna sa mga kursong binubuno ninyo araw-araw. Gamitin ninyo ang dalawang buwan upang linangin ang iba pang facet ng inyong pagkatao. 

Mag-iingat kayo palagi, class. Mami-miss ko kayo. Lalo na ang parang korong pamamaalam ninyo pagkatapos ng klase bago umalis sa virtual room: “‘Bye, Sir!” “Thank you, Sir!” “Ingat, Sir!” Kahit pa nang tawagin ko para mag-recite sa klase, ang sagot ’nyo lang through chat ay, “Sir, sorry, sira po ang aking mic,” magtagumpay sana kayong lahat!

Nagmamahal,
JDR

– Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.