2022 Philippine Elections

[OPINION] Si Duterte ang isyu

Vergel O. Santos
[OPINION] Si Duterte ang isyu
'Siya ang paniniil, siya ang militarisasyon, siya ang terorismo. Siya ang korapsyon. Siya ang Tsina. Siya ang pandemya...'
as translated byNancy Pe Rodrigo

The following is a Filipino translation by Nancy Pe Rodrigo of a piece of commentary written for Rappler by Vergel O. Santos and titled “Duterte is the issue.”

Bago nagdeklara si Leni Robredo bilang kandidato sa pagka-pangulo, walang tunay na oposisyon laban kay Duterte. Ang tanging mayroon ay ang mga nagpapanggap, maingay na nangangako ng pagbabago, nguni’t ni hindi matukoy o masabi na si Duterte ang dahilan kung bakit masidhi ang ating pangagailangan ng pagbabago.

Maingat silang umaali-aligid lamang kay Duterte, at walang sinasabi tungkol sa kailangang linisin bago magkaroon ng pagbabago, dahil ang pag-amin ng paglilinis ay pag-amin ng kalat, at ang pinakamalaki at pinakamalubhang pagkakalat ay ang pagkakalat ni Duterte. Nguni’t, kung aaminin nila ito, kailangan nilang ibasura si Duterte, at pagbayarin  sa kanyang mga ginawa – isang bagay na tila hindi nila handang gawin kung sila na ang pangulo.

Hindi mahirap hulaan kung bakit ganito: lahat sila ay sumama kay Duterte at naging kasangkot sa pagkakalat – sa pamamagitan ng pagboto at pagsuporta sa mga “draconian measures” o mga malulupit na hakbang. Hindi lang nila hinayaan o tinulungan si Duterte – higit pa rito ang ginawa nila.

Si Ping Lacson ay nagpanukala ng batas na hindi matukoy ang krimen na pinarurusahan nito – terorismo – ngunit nagbibigay ng dahilan upang mapalawig ang mapanupil  na hangarin ni Duterte. Hindi ito nakapagtataka. Ang pangalan ni Lacson ay nakakabit sa pangalan ng kinamumuhiang si Rolando Abadilla kapag napag-uusapan ang “torture” sa panahon ng martial law sa pamahalaan ni Ferdinand Marcos.

Si Manny Pacquiao, sa tulong ni Lacson, ay naging tuta ni Duterte sa paghahabol at pagpapatalsik kay Leila de Lima bilang pinuno ng Committee on Justice sa Senado, bago siya sinampahan ng mga kasong walang basehan at nakulong.

Si Isko Moreno, na naging undersecretary ng Department of Social Welfare and Development ni Duterte bago naging alkalde ng Maynila, ay nangangako ngayon, bilang kandidato sa pagka-pangulo, na susuportahan ang huwad na kaso laban kay de Lima. Sinabi  niyang  may mga nakikita siyang magagandang proyekto ni Duterte na dapat ituloy, ngunit isa lamang ang binabanggit niya – ang programang “Build! Build! Build!.” Ang totoo, karamihan sa mga nagawa sa programang iyon ay nailatag, napondohan, at ang iba’y nasimulan ng nakaraang administrasyon ni Noynoy Aquino.

Matibay ang koneksiyon ni Duterte kay Bongbong Marcos, at higit pa sa kanya: ang diktador na ama ni Bongbong ay hayagang iniidolo ni Duterte, at nasabi rin niya na si Bongbong ang nais niyang maging pangalawang pangulo noong 2016,  hindi ang opisyal niyang kasama sa pagtakbo na si Allan Peter Cayetano, na ngayon ay natahimik na at waring napahiya na rin. Tila patuloy ang pagpa-plano ng mga Duterte at mga Marcos, at may mga haka-hakang tatakbo si Bongbong Marcos bilang pangulo at ang isang Duterte bilang pangalawang pangulo – ito ay maaaring si Rodrigo Duterte mismo o ang anak nitong si Sara, na ang dramatikong pagpapakipot at pagdidistansiya sa kanyang ama ay isang malaking pagpapanggap upang isipin ng mga botante na siya ay naiibang Duterte – mismong ang tatay niya ay tinatawag siyang  “drama queen” o reyna ng drama.

May malansang simoy ng sabwatan ang lahat,  at lumalakas ang amoy dahil sa lumalabas na balita na pinupuntirya ni Senador Imee Marcos, kapatid ni Bongbong, na maging pinuno ng Senado at ng dating pangulong Gloria Arroyo na maging Tagapagsalita ng Kapulungan ng mga Kinatawan – siya ay naging Tagapagsalita noong 2016-2017 – sa susunod na administrasyon na inaasahan nilang magpapalawig ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng mga kapanalig nito. Ang mga balitang ito ay nagpapahayag ng kumpiyansa ng mga taong ito na nagkaroon ng  relasyon  kay Duterte – espesyal na relasyon na magbibigay sa kanila ng pagkakataong makabalik sa kapangyarihan.

Dalawang bagay ang iniambag ni Arroyo na maaring naging dahilan kung bakit napakahalaga niya kay Duterte: una, siya ang orihinal na koneksiyon sa mga Tsinong padron na pinakikinabangan ni Duterte ngayon, kapalit ng pagtataksil sa bayan; at pangalawa, utang ni Duterte kay Arroyo ang Korte Supremang napuno ni Arroyo ng mga kapanalig – dahil siyam na taon siyang nanungkulan bilang pangulo – na ngayon ay kontrolado na rin ni Duterte at sumusunod sa anumang nais niyang panghukumang desisyon.

Dahil hindi naman lubos na itinatago ng ilang kandidato ang kanilang pagkukunwaring laban sila kay Duterte, marami ang nagtatanong kung bakit kailangang  makipag-usap sa kanila si Leni Robredo mula sa namumunong kowalisyon. Walang muwang kasi – sabi ng ibang nagalit at nadismaya, nguni’t sa tingin ko ay hindi. May sarili siyang istratehiya na hindi inaasahan ng iba. Binigyan niya ng pagkakataon ang mga kandidatong iyon na makita at itaguyod nang hayagan ang matuwid at marangal na layunin, ngunit pinili nilang magbulag-bulagan sa tunay na isyu at dahil doon ay luminaw ang linya sa pagitan ng mga magkakatunggali para sa darating na Mayo.

Ang pinakamahalagang isyu ay si Duterte. Siya ang EJK (extrajudicial killings). Siya ang paniniil, siya ang militarisasyon, siya ang terorismo. Siya ang korapsyon. Siya ang Tsina. Siya ang pandemya – dahil sa kanyang walang-alam, walang-pakialam, at puro-yabang na tugon sa pandemya,  naging napakahirap ng buhay para sa lahat; higit sa hirap na idinudulot  ng pandemya.

At si Leni Robredo ang kabaligtaran ng lahat ng iyon; lahat ng ibang kandidato sa pagka-pangulo ay huwad. Kung hindi mo nakikita iyon, sadya kang manhid o tanga; alinman sa dalawa,  tumutulong ka lamang sa  paglipol ng ating sambayanan. – Rappler.com