Election fact checks

HINDI TOTOO: Kay Robredo lang napapunta ang lahat ng boto ng ARMM noong 2016

Rappler.com
HINDI TOTOO: Kay Robredo lang napapunta ang lahat ng boto ng ARMM noong 2016
Sa opisyal na bilang ng mga boto sa ARMM, makikitang 464,430 ang nakuha Robredo; 283,579, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.; 154,007, Allan Peter Cayetano; 90,422, Francis “Chiz” Escudero; 46,082, Gregorio “Gringo” Honasan; 28,211, Antonio Trillanes IV.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Walang natanggap na boto sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang lahat ng kumandidato sa pagka-bise presidente noong 2016 maliban kay Leni Robredo.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Sa opisyal na bilang ng mga boto sa ARMM, makikitang 464,430 ang nakuha Robredo; 283,579, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.; 154,007, Allan Peter Cayetano; 90,422, Francis “Chiz” Escudero; 46,082, Gregorio “Gringo” Honasan; 28,211, Antonio Trillanes IV. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Umabot na sa 56,000 na views, 3,500 na reaksiyon, at 459 na komento ang mapanlinlang na bidyo mula sa pahina ng “Makabagong Maharlika.” Ginamit nito ang isang vlog ni Marcos Jr.
Mga detalye

Isang post ng Facebook page na “Makabagong Maharlika” ang nagkarga ng bidyo mula sa opisyal na pahina ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan sinasabing maraming nagrereklamo mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung “nasaan ang kanilang mga boto” para sa mga napiling kandidato sa pagka-bise-presidente noong 2016. 

Ayon sa naturang bidyo, wala ni isang botong natanggap sa dating ARMM (ngayon ay Bangsamoro ARMM) ang lahat ng kumandidato sa pagka-bise presidente noong panahong iyon, maliban kay Leni Robredo. Ang ipinakitang larawan ay mula umano sa site ng Pilipinas Election Results 2016 at GMA Network. 

Hindi totoo ang sabi-sabing ito. 

Kung sisilipin ang ipinaskil na resulta ng eleksiyon sa GMA News Online noong 2016, partikular na sa dating rehiyon ng ARMM, makikitang 464,430 ang boto kay Robredo; 283,579 kay Marcos; 154,007 kay Cayetano; 90,422 kay Escudero; 46,082 kay Honasan; at 28,211 kay Trillanes. 

Makikita rin sa opisyal na site ng Commission on Elections ang mga resulta. 

Hindi rin opisyal na website ang “Pilipinas Election Results 2016.”

Nitong 2021, ibinasura ng Korte Suprema ang protesta ni Marcos Jr. laban sa umano’y pandaraya ni Robredo sa eleksiyon kung saan kabilang ang dating rehiyon ng ARMM sa binanggit na may anomalya. – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.