Bataan Nuclear Power Plant

HINDI TOTOO: Ang Bataan Nuclear Power Plant ang unang nuclear power plant sa Asya

HINDI TOTOO: Ang Bataan Nuclear Power Plant ang unang nuclear power plant sa Asya
May mga bansa sa Asya na naunang lumikha ng kuryente ang nuclear power plants kaysa Bataan Nuclear Power Plant
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) ang unang nuclear power plant sa Asya.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: May mga bansa sa Asya na naunang nagkaroon ng nuclear power plants kaysa BNPP, sa simula ng konstruksiyon ng noong 1976.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi sa ilang posts sa Facebook.
Mga detalye

May ilang posts sa Facebook na nagsasabing ang Bataan Nuclear Power Plant o BNPP ang unang nuclear power plant sa Asya. May iba pang pahayag sa mga post tungkol sa panunungkulan ng dating pangulong si Ferdinand Marcos. 

Sinabi ng isang post sa Facebook group na “Role Player World” noong Oktubre 10: “7. bataan nuclear powerplant is known as the first nuclear powerplant in asia.” 

Nang isinulat ang fact check, mayroon nang 142 na reaksiyon, 612 na komento, at 21 shares ang post.

Sinabi naman ng isang post sa Facebook page na “Citizenph4bbm” noong Oktubre 27: “Dahil sa takot na maaring mangyari uli ang krisis, nagtayo ng kauna-unahan sa asya ng nuclear energy power plant [bnpp] taong 1976, nauna pa tayo ng dalawang taon sa south korea na nagsimula taong 1978.”

Nakita rin sa isang post sa Facebook page na “GABS TV” noong Disyembre 15, 2020, ang pahayag na: “ANG BATAAN NUCLEAR POWER PLANT AY ANG UNANG NUCLEAR POWER PLANT SA ASYA NGUNIT SINAYANG LANG AT GINAWANG NAKATATAKOT.” 

Hindi totoong ang BNPP ang unang nuclear power plant sa Asya.

Marami nang nuclear power plants ang naipatayo sa ibang bansa sa Asya bago sinimulan ang konstruksiyon ng BNPP. Sinimulan ang BNPP noong 1976 at natapos sa gitna ng dekada ’80, ngunit hindi nagamit kailanman.

Sa website ng World Nuclear Association, mayroong database ng nuclear power plants sa mga bansa at petsa ng grid connection o ang petsa kung kailan naikabit na ang nuclear reactor sa suplay ng kuryente at maituturing na nasa operasyon na ang reactor. 

Sa listahan ng World Nuclear Association ng mga reactor na may petsa ng grid connection bago ang 1976, mayroon nang 3 sa India, 13 sa Japan, 1 sa Kazakhstan, 1 sa Pakistan, at 14 sa Russia.

Makukumpirma rin sa Power Reactor Information System database ng International Atomic Energy Agency na may nuclear power plants sa Asya na may petsa ng grid connection bago ang 1976.

Kahit hindi ang BNPP ang unang nuclear power plant sa Asya, ito naman ang unang nuclear power plant sa Timog-Silangang Asya.

Maraming ulit nang na-fact-check ng Rappler ang mga pahayag tungkol sa BNPP, kagaya ng mga sumusunod:

– Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.