Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Si Kiko Pangilinan ang sumulat ng Rice Tariffication Law

Rappler.com
HINDI TOTOO: Si Kiko Pangilinan ang sumulat ng Rice Tariffication Law
Ang Rice Tariffication Law ay isinulat ni Senador Cynthia Villar, kasama sina Ralph Recto, Leila de Lima, Joel Villanueva, Risa Hontiveros, Sherwin Gatchalian, at Grace Poe. Inaprobahan naman ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Si Senador Kiko Pangilinan ang gumawa ng Rice Tariffication Law kaya peke ang pag-iyak niya tungkol sa epekto nito sa mga magsasaka.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang Rice Tariffication Law ay isinulat ni Senador Cynthia Villar, kasama sina Ralph Recto, Leila de Lima, Joel Villanueva, Risa Hontiveros, Sherwin Gatchalian, at Grace Poe. Inaprobahan naman ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, umani na ng 651,800 ang views, 3,000 shares, at 860 komento ang nasabing kasinungalingan sa Facebook.
Mga detalye

Sa isang kumakalat na video ng “Ben Barubal,” isang YouTube Channel na sumusuporta kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinasabing ang gumawa ng Rice Tariffication Law ay si Senador ni Francis “Kiko” Pangilinan, na ngayo’y tumatakbo sa pagkabise presidente. 

Aniya, “tears of deception” na maituturing ang naging luha ng senador para sa mga magsasaka sa isang campaign rally dahil siya rin naman ang nagpasimuno ng naturang batas na nagpapahirap sa mga magsasaka.

Komento nito kay Kiko, “Gagawa ng Rice Tariffication [Law] tapos iiyakan ‘yung magsasaka.”

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Hindi si Pangilinan ang gumawa ng naturang batas. Noong 2018, inaprobahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Law na isinulat ng mga sumusunod na mambabatas

  • Cynthia Villar (pangunahing sumulat ng batas) 
  • Sherwin Gatchalian
  • Joel Villanueva
  • Ralph Recto
  • Risa Hontiveros
  • Leila de Lima
  • Grace Poe 

Matatandaang naging kontrobersiyal ang naturang batas dahil binibigyan nito ng mas mataas na pagpapahalaga ang mga angkat na produktong agrikultural sa halip ng ani ng mga sariling magsasaka sa Filipinas. 

Sa isang press release ngayong Abril, ipinahayag ni Pangilinan ang kanyang pagsuporta sa pagsusog ng Rice Tariffication Law upang makabawi ang mga magsasaka sa mga nawala nilang kita.

Bukod pa sa pagsusog sa naturang batas, itinutulak din ni Pangilinan ang pagkakaroon ng Sagip Saka Act na siyang mag-uutos sa lokal na pamahalaan at iba’t ibang pambansang ahensiya ng gobyerno na direktang bumili mula sa mga magsasaka at sa mga kooperatiba ng mga mangingisda. Rochel Ellen Bernido/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.