Marcos Fact Checks

FACT CHECK: Imposible ang 1.7 milyong toneladang Marcos gold sa China

Rappler.com
FACT CHECK: Imposible ang 1.7 milyong toneladang Marcos gold sa China
Ayon sa tala, nasa 205,238 toneladang ginto pa lamang ang namimima sa tanang kasaysayan

Ang sabi-sabi: Isa sa mga agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang biyahe sa China ngayong Enero ang 1,715,000 metric tons ng ginto na umano’y idineposito ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos sa nasabing bansa. 

Sa isang video na pinamagatang “GRABE NAKAKALULANG MARCOS ACCOUNT SA BEIJING CHINA ISUSUNOD NA NI PANGULONG BONGBONG MARCOS?” ay ipinakita ang isang sertipikasyon umano ng pagdedeposito ni dating pangulong Marcos ng isang milyong toneladang ginto sa China. Ang nasabing dokumento ay ipinakita rin sa thumbnail ng video na may tekstong “GRABE NAKALULULA MARCOS ACCOUNT SA BEIJING CHINA ISUSUNOD NA.” 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Walang katapusan ang pagpapakalat ng sabi-sabi hinggil sa nakalululang yaman ng pamilyang Marcos na matagal nang napatunayang imposible. 

Ang katotohanan: Una, imposible ang pagkakaroon ng 1,715,000 toneladang gintong nakadeposito sa China dahil ayon sa tala, nasa 205,238 toneladang ginto pa lang ang namimina sa tanang kasaysayan.

Nakita rin sa ginawang reverse image search na unang nailathala ang dokumentong nagsasaad ng umano’y pagdedeposito ng mga ginto sa Facebook page ng Alpha Omega World Development Marshall Programme noong 2017. Naitampok na ang page na ito sa isang artikulo at ilang fact check na istorya ng Rappler. 

Kilala ang page na ito sa pagpapalaganap ng mga Marcos gold myth at ng sabi-sabing ang pinuno nilang si Tiburcio Villamor Marcos ay anak ni dating pangulong Marcos. Galing umano sila sa angkan ng mga Tallano na sinasabing maharlikang pamilyang namumuno sa buong Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila. Ano kamo? – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.