Fact check - gov't services/laws

Mayroon pa ring protesta laban sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam

Lorenz Dantes Pasion, Rappler.com
Mayroon pa ring protesta laban sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam
Mariin pa ring tinututulan ng iba’t ibang environmental groups ang pagpapatayo ng dam dahil sa nagbabadyang peligro na maaaring idulot nito

Ang sabi-sabi: Nagsitigil na ang mga protesta laban sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam dahil napagtanto na ng mga taong tutol dito na ang proyekto ay makabubuti sa mga Pilipino at sa bansa. 

MARKA: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact check: Ang YouTube channel na naglalaman ng sabi-sabi ay mula kay “Sa Iyong Araw” na mayroon nang mahigit 122,000 subscribers. Ang kanyang video ay nakakuha na ng 19,000 views, 1,100 likes, at 53 comments sa panahong isinulat ang fact-check na ito. 

Ang sabi sa video:

2:55-3:13: “At kung mapapansin ‘nyo pa nga ‘yung mga taong rally nang rally, at kumokontra sa proyekto na ito noon, ay nagsisitigil na rin dahil maganda pala ang layunin ng dam para sa ating bansa. Ito ay dahil sa kadahilanan na na-realize nila ang proyektong ito ay makakatulong talaga sa kanilang pamilya.” 

Pagtutol ng pamahalaang lokal ng Infanta, Quezon: Ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam ay itinakda mula Enero 2020 hanggang Disyembre 2025. Maaapektuhan ng dam ang mga bayan sa probinsiya ng Quezon at Rizal. Nitong ika-25 ng Oktubre ay nanindigan ang pamahalaang lokal ng Infanta, Quezon sa pagtutol nito sa konstruksiyon ng Kaliwa Dam. 

Mismong ang mayor ng nasabing bayan na si Filipina Grace America ang nanawagan ukol sa mga posibleng paraan na makatutulong sa water supply sa Metro Manila nang hindi isinasakripisyo ang isang lugar. 

Panawagan ng environmental groups: Noong ika-27 ng Setyembre nanawagan ang Save Sierra Madre Network Inc. (SSMNI), kasama ang ilan nilang partner organizations, para ipatigil ang pagpapatayo ng dam sa isang panayam sa TeleRadyo

Iginiit ng convenor ng Stop Kaliwa Dam Project at executive director ng SSMNI na si Conrad Vargas sa kanyang panayam na maging tag-ulan o tag-init man ay malaki ang peligrong idudulot ng Kaliwa Dam sakaling ito ay maitayo. 

Pansamantalang suspensiyon sa konstruksiyon ng dam: Nitong ika-11 ng Oktubre ay pinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng temporary suspension ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam. 

Ayon kay DENR Undersecretary Ernesto Adobo Jr., hindi pa rin natatapos ang zoning nito sa mga protektadong lugar kung kaya’t hindi pa maaaring mabigyan ito ng Environment Compliance Certificate. – Stephanie Caesar/Rappler.com

Si Stephanie Caesar ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.