Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Pabor si Tito Sotto na si Imee Marcos ang maging susunod na Senate president

Rappler.com
HINDI TOTOO: Pabor si Tito Sotto na si Imee Marcos ang maging susunod na Senate president
Walang naging pahayag ng pagsuporta o pagpabor si Senate President Tito Sotto kay Imee Marcos para sa posisyong ito
Buod
  • Ang sabi-sabi: Pabor si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang kapatid ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. na si senador Imee Marcos ang maging susunod na pangulo ng Senado.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Walang naging pahayag ng pagsuporta o pagpabor si Sotto kay Imee para sa posisyong ito.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, umani na ng mahigit 50,000 na views ang sabi-sabing ito na ipinaskil sa YouTube.
Mga detalye

Ayon sa video ng YouTube channel na “Showbiz Fanaticz,” pabor daw si outgoing Senate President Vicente “Tito” Sotto na ang pumalit sa kanya bilang pangulo ng Senado ay ang kapatid ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. na si Senador Imee Marcos. 

Sa limang minutong video na ito, sinabi rin na suportado ng iba pang senador ang pag-upo ni Imee bilang susunod na Senate president.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Sa isang interbiyu sa DWIZ noong Mayo 21, sinabi ni Sotto na nakikita niyang si Senador Migz Zubiri at ang nagbabalik sa Senado na si Chiz Escudero ay posibleng pumalit sa kanyang puwesto, kung makuha nila ang suporta ng ibang senador. 

Sa naging valedictory speech ni Sotto noong Hunyo 2, ang huling sesyon ng ika-18 na Kongreso, wala siyang pahayag ng pagpabor o pagsuporta kay Imee na maging susunod pangulo ng Senado. Pinaalalahanan niya ang mga maiiwang senador na panatilihin ang integridad at independensiya ng Senado bilang isa sa mga sangay ng gobyerno. 

Makailang beses nang na-fact-check ng Rappler ang YouTube channel na “Showbiz Fanaticz” dahil sa mga video na ipinapaskil nito na may gawa-gawa at maling impormasyon.

Bago pa man ang proklamasyon ng 12 nanalong senador noong Mayo 18, umuugong na ang pangalan nina Zubiri at Senador Cynthia Villar na posibleng maging susunod na Senate president. Sa huling sesyon Senado, umurong na si Villar at nagpahayag ng suporta kay Zubiri. – Erick Prynze Sazon/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.