Disinformation

[EDITORIAL] Ang delubyo ng kasinungalingan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang delubyo ng kasinungalingan
Iba ang halalan ng 2022: magaganap ito sa gitna ng pandemya at tugatog ng disinformation
AnimatEd Editorial Disinformation 2022 Elections

Nitong mga huling araw, lumatay na naman ang lupit ng disinformation campaigns laban sa Rappler. Madaling araw ng October 23, nag-trending ang #RapplerFakeNews sa Twitter. 

Dalawang linggo pa lang ang nakalilipas mula nang igawad sa Rappler CEO na si Maria Ressa ang Nobel Peace Prize.

Kasabay rin ito ng pagsulpot ng mga post na nag-uungkat sa kawalan ng katapatan o dishonesty ng aspirant sa pagka-presidente na si Bongbong Marcos Jr, na makikita sa minsang pag-angkin niyang graduate siya ng Oxford University. (Uulitin namin: HINDI ITO TOTOO.)

Marami pang ibang disinformation na sumulpot na finact-check ng Rappler nitong Oktubre:  

  • Si Bongbong Marcos ang nagpanukala ng free tuition bill, hindi si Bam Aquino. HINDI TOTOO.
  • Si Marcos Jr ang nagpanukala ng national ID system bill. HINDI TOTOO. Si Senador Panfilo Lacson ang nagpanukala nito.
  • Mabubuking sa hand gestures kung nagsisinungaling ang isang tao. Wala itong siyentipiko at kultural na batayan at HINDI TOTOO. Makikita ang motibo ng post na ito sa mga halimbawang ginamit – si Marcos Jr at si Vice President Leni Robredo. Malikot daw ang kamay ni Marcos Jr kapag nagsasalita, kaya’t nagpapahiwatig ito ng katapatan. Nakatiklop at hindi magalaw ang mga kamay ni Robredo at nagpapahiwatig ito na hindi siya tapat. 
  • Si Bongbong Marcos ang nag-iisang senador na hindi tumanggap ng PDAF. HINDI TOTOO. May PDAF si Marcos habang senador siya noong 2010 hanggang 2013.
  • Hinirang daw ng Estados Unidos si Duterte bilang isa sa “12 global anti-corruption champions.” Siyempre HINDI TOTOO.
  • Nanalo daw si Robredo noong 2016 dahil sa pandaraya. HINDI TOTOO.

Marami pang mga fact-check ang Rappler sa delubyo ng kasinungalingang inilalabas ng mga kakampi ni Marcos Jr at ng Duterte Die Hards (DDS). Hindi kasya ang ilang pahina sa haba ng listahang ito.

Paano na ang katotohanan sa eleksiyon?

Sinuri ng wire agency na Reuters ang mga internal na dokumento ng Facebook, at ito ang napag-alaman nila. Alam daw ng platform giant na hindi ito nakapag-empleyo ng sapat na taong nakaiintindi ng lengguwahe at kabisado ang lokal na balita upang makapagtukoy ng nakasasamang mga post. Pero keber lang. (Malaking kaltas sa kita ng Facebook kung seseryosohin nito ang moderation.)

Kamakailan, hindi na kami nakakatulog nang mahimbing. Balisa kami sa epekto ng delubyo ng kasinungalingan sa papalapit na eleksiyon. 

Gamit ang website tool na SparkToro, napag-alaman ng Rappler na nangunguna si Marcos sa mga politiko sa dami ng “fake followers” na umabot sa 42.6%.

  • Sa YouTube at TikTok, naglipana ang Marcos revisionism. “Best leader in the world” daw si Ferdinand Marcos, at nagsimula raw ang pagbagsak ng ekonomiya matapos ang rehimen niya. Wala raw tinorture. Wala raw paglabag ng karapatang pantao.
  • Hindi lang cyberspace ang ini-invade ng mga propagandista ni Marcos. Ilang ulit kaming nakatatanggap ng balitang may dumadalaw sa mga komunidad upang makipagkuwentuhan, mang-udyok, magpabango, at mag-organisa para sa anak ng diktador. 
  • Tila tumitigas na ang posisyon ng Facebook na hindi nito tungkuling pigilan ang disinformation. Ayon sa mga kritikong nagbabantay sa galaw nito, gusto nitong ipaubaya na lang sa artificial intelligence o AI ang pagmo-moderate ng masamang content, upang maging malaya nitong sabihing “wala kaming alam diyan.”
Ibang larangan ang 2022

Kung mananatili ang baha ng disinformation, walang matinong talakayang mangyayari ngayong eleksiyon. Marahil sasabihin ‘nyong walang bago diyan, talaga namang walang matinong diskusyon kapag eleksiyon, puro song and dance at artista lamang.

Iba ang 2022. Ito ang halalang magaganap sa buntot ng dalawang taong pananalanta ng COVID-19. Sa katunayan, halos lahat ng mga plataporma ng mga kandidato ay umiinog sa paglaban sa pandemya.

Mas may pakialam na ang taumbayan dahil marami na ang natauhang nakamamatay ang maling pagboto. Dahil ramdam na ng marami na incompetence ang nagdala sa atin sa yugtong Pilipinas ang pinakapalpak sa pandemic resiliency sa buong mundo.

Lagpas sa pandemic response, kailangan rin natin ng pinunong mag-aakay sa bayang ito mula sa personality politics patungong reporma ng sistema. 

Halimbawa, dapat ibalik ang papel ng Kongreso bilang check and balance sa ehekutibo, hindi rubber stamp ng mga political witch hunt ng Malacañang.

Dapat ibalik ang papel ng Ombudsman na kilabot ng mga tiwali, hindi tagapagtanggol ng mga kurap sa pamamagitan ng pagtatago ng kanilang SALN.

Dapat manumbalik ang tiwala ng taumbayan sa hudikatura bilang kanlungan ng hustisya. Tinawag ito ni retired Associate Justice Antonio Carpio na “closing the gaps between law and justice.”

Dapat manumbalik ang tiwala sa mga pulis bilang tagapagpatupad ng rule of law, hindi ahente ng pagtutumba sa mga maralita.

Dapat manumbalik ang propesyonalismo sa mga heneral at sundalo at tumigil sila sa pagre-red-tag ng mga aktibista.

Dapat. Dapat. Ang daming dapat. 

Sa bandang huli, bumabalik sa ating mga botante ang “dapat.” Dapat sa atin magsimula ang pagsusuri, pagkilatis, at paninindigan sa tama. Dapat magsimula sa atin ang responsableng pagboto. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!