South China Sea

[EDITORIAL] Win-win daw ang Kamala stunt. Winner din ba ang mga mangingisda?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Win-win daw ang Kamala stunt. Winner din ba ang mga mangingisda?

Nico Villarete

Ang tanong namin, mauuwi ba ito sa pagbuti ng sitwasyon sa West Philppine Sea?

Kaibigan. Kakampi. Kaalyado. May dagdag pang “kapamilya” at “kapuso” sa retorika. Kasama na rin ang unspoken “take your pick of the military hardware.”

‘Yan ang larawang ipininta ng isang US Vice President Kamala Harris na nakatayo sa dalampasigan ng Palawan habang iginigiit na maninindigan ang US para sa Pilipinas sa harap ng “intimidation and coercion in the South China Sea.” 

Sa madaling salita, PR coup. 

Sa totoo lang, ang laki ng ini-level-up ng diskarte ng US kumpara sa diskarte nito noong si Duterte ang nakaupo. Noon, halos hindi ito makaporma sa kabila ng pagsasauli ng colonial spoils of war na Balangiga Bells. (BASAHIN: Forgetting Duterte: Harris trip marks new phase in PH-US ties)

Ipinatikim ni Harris ang soft power ng isang babaeng woman of color na ngayo’y bise presidente ng isa sa pinakamakapangyarihang bansa sa balat ng lupa. Nakipagkita siya sa mga babaeng advocate sa bansa. Dinalaw niya ang isang fishing village na dumaranas ng hagupit ng illegal fishing ng mga Tsino sa karagatan.

May bago bang sinasabi si Kamala Harris na iba pa sa sinumpaan na ng Estados Unidos? Wala naman. Lahat ng ito’y simbolismo at saber-rattling lamang.

Matatandaang nauna nang binulabog ng isa pang babaeng opisyal, si US Representative Nancy Pelosi, ang Tsina nang bumisita siya sa Taiwan ilang buwan na ang nakalilipas. Matatandaang inaangkin ng Tsina ang Taiwan bilang teritoryo nito – kalimutan nang may umiiral itong demokratikong sistema ng gobyerno at kabilang sa First World. Hanggang ngayon, ambiguous at best ang turing ng international community sa Taiwan. Mismong Pilipinas, hindi kinikilala ang soberanya ng Taiwan at kumikiling sa One China Policy nito.

Para kay Presidente Ferdinand Marcos Jr., PR coup rin ito sa military na kanyang sinusuyo. Sa pagbisita ng babaeng US VP, pinagtitibay ni Marcos ang hawak niya sa maka-Kanong mga heneral na di kailanman masisiyahan sa umano’y second-rate military hardware na galing sa Tsina dahil nasa DNA na nila ang bias para sa stateside na armas. May bonus pa ng pagsuporta ni Harris sa nuclear agenda ni Marcos. Win-win talaga.

Pero sa kabila ng mainit na pagtanggap kay Harris, tinutupad ni Marcos ang pangakong “a friend to all, an enemy to none” lalo na’t tinanggap na niya ang paanyaya ni Presidente Xi Jinping na pumunta sa Tsina para sa isang state visit sa Enero.

Sana’y maalala ni Marcos na walang napala ang Pilipinas sa “pivot to China,” maliban sa onerous terms ng mga ipinanukalang pautang, at hindi naman naging driver ng economic boom ang pakikipaglandian ni Duterte sa mga Tsino.  

Matutuwa si Apo Makoy sa kabilang buhay – siya na master juggler ng superpowers – friend of Mao, friend of Sam. At kitang-kitang na cut from the same cloth ang anak.

Tungkol ba talaga sa territorial integrity at freedom of navigation ang hakbang ni Harris? Oo, pero higit pa riyan. 

Sabi ng Rappler news editor na si Paterno Esmaquel II sa isang internal na diskusyon: “We have to avoid the trap of romanticizing Kamala’s trip to the Philippines. As in the case of China, for the US it is all about empire-building.” Dapat daw hindi i-romanticize ang Harris trip at tingnan ito bilang hakbang sa pagpapatibay ng US empire. Simply put, kailangan nito ng tambayan sa Asya.

Hindi namin tinatawaran ang sinseridad ni Harris nang pinuri niya si Cory Aquino at pinaalala niya sa anak ng diktador ang kahalagahan ng pagrespeto sa karapatang pantao at kalayaan ng pamamahayag

Pero malinaw ang mga priyoridad ng Estados Unidos na nagkukumahog panatiliin ang puwesto nito bilang global superpower. Nagkataon lang na nag-a-align ang mga priyoridad nito sa empire-building at image-building bilang kampeon ng democratic ideals.

Ang tanong namin, mauuwi ba ito sa pagbuti ng sitwasyon sa West Philppine Sea? Mapatitigil ba ng tulong ng US ang lantarang pambabastos ng mga militia boats ng Tsina at pagtatayo ng military structures nito sa atolls at reefs natin? Malaya bang makapangingisda ang mga Pinoy sa sarili nitong karagatan?

At huwag nila idadahilan sa atin ang lampang sagot ni Duterte na ayaw niyang magsimula ng giyera laban sa higanteng kapitbahay.

Ang dapat sagutin ng dalawang gobyerno: makikinabang ba ang taumbayang Pilipino? Mabibigyan ba ng “muscle’ si Marcos para ma-neutralize ang pam-bu-bully sa West Philippine Sea? (Kaakibat niyan ang isa pang mahalagang tanong: May tibay ba ng loob si Marcos na mag-stand-up sa bully?) Makikinabang ba ang fishing industry?

Maituturing lamang na tunay na makabuluhan ang Harris visit kung may malinaw na pagbabago sa balance of power sa karagatan ng WPS. No more, no less. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!