2022 Philippine Elections

[EDITORIAL] Substitution in aid of gangster politics

Rappler
[EDITORIAL] Substitution in aid of gangster politics
Ito'y pagmamaniobra at pagdadrama ng dalawang pinakabulok na political dynasties sa ating bansa. At lahat ng ito'y para protektahan ang kanilang kapangyarihan.
Animated Editorial Elections substitutions

Nawindang ka ba sa naging “twist” ng mga pangyayari sa pulitika? Sabi mismo ni Presidente Rodrigo Duterte tungkol sa pagtakbo ng anak na si Sara sa puwestong bise presidente: “I’m sure ‘yung pagtakbo ni Sara, ay desisyon nila Bongbong ‘yun.” Kaya’t nakaamba ngayon ang Duterte vs Duterte sa pagka-bise presidente!

Pero ano itong baka ma-disqualify ang anak ng diktador? (Abangan ang susunod na kabanata.)

Ang mga kaalyado ni Duterte sa PDP-Laban Cusi faction, parang nagmu-musical chairs. Si Bato para sa presidente, obvious na place-holder at ngayo’y nagwithraw na nga.

Si Bong Go na dating tumangging mag-presidente ay nag-file ng COC noong Oktubre sa pagka-bise. May paiyak-iyak pa ‘yan noong isang araw na tila nagsasakripisyo. Aba’y bigla palang kakandidato sa pagka-presidente sa kagustuhan daw ni Duterte.

At siyempre, ang pinaka wild card sa political wrestling – si Rodrigo Roa Duterte – he did not disappoint. Noong panahon ng convention ng mga political parties (at brownout sa Luzon), tatakbo raw siya ng bise. Maya-maya hindi pala, magreretiro na raw siya. Nang umabot na sa puntong hindi na binibilang si Duterte bilang contender sa susunod na eleksiyon – heto na siya – magpa-file daw siya ng candidacy laban sa anak niyang si Sara.

Bago tayo tuluyang ma-distract o mabaliw – TAYO ang ginagago, ang pinependeho, sa lahat ng petty wars na ito ng naghaharing uri.

Ngayon lang natin nakita ang ganitong klaseng pambababoy ng proseso ng eleksiyon.  Ang substitution clause ay nasa batas ng Commission on Elections para hindi endgame kaagad ang isang partidong namatayan o nagkaroon ng nadiskwalipikang kandidato.

Ngayon, sinasamantala ito sa puntong, ito na ang main event at undercard na lang ang COC filing. Tinawag nga ito ni Rappler columnist/anchor John Nery na “quo warranto of election law” – and diskarteng idinaan sa backdoor at bumaboy sa sistema. Binalahura na rin ang dapat ay bottom-up approach ng mga partido sa pagpili ng mga kakandidato.

Ang masakit, cool lang kung baliin ng isang pulitiko ang kanyang salita – lalo na kung Rodrigo Duterte ang pangalan niya – dahil ganyan nakondisyon ang taumbayan. At ang mas malaking trahedya, walang pakialam ang kanyang mga taga-suporta kung wala man siyang palabra de honor at walang kahihiyan.

Naghahari-harian pa rin ang papalabas na Presidente, at sa katunayan, kailangang siya ang pumili ng kapalit niya. Kumpleto rin ang chuwariwap sa entablado sa katauhan nina Bato dela Rosa at ang communications secretary na si Martin Andanar – at siyempre ang dakilang boy Friday na si Bong Go. Si Bong Go na feeling na may K siya ngayong maging presidente. Sabi nga, ‘pag nakatungtong ang langaw sa kalabaw…

Pero sandali lang. Isang kampo pa lang iyan. Nariyan pa rin si Bongbong Marcos at ang kanyang pamilyang nagpapakalat ng historical revisionism. Nakatungtong siya sa “manufactured reality” na “golden age” ng Pilipinas ang rehimen ng kanyang amang diktador na si Ferdinand.

Sabi nga ng Rappler columnist na si John Molo, the Marcoses never left. At ngayon, tila abot-kamay na nila ang pagre-reclaim sa Malacañang. (PANOORIN: The Marcoses reclaiming Malcañang)

Sino ang ginagago?

Mag-step back tayo at pagmasdan ang political landscape. Ang nakikita natin ay ang pagmamaniobra at pagdadrama ng dalawang pinakabulok na political dynasties sa ating bansa. At lahat ng ito’y upang protektahan at ipagtanggol ang kapangyarihan.

Nakalatag na ang pundasyon – karamihan ng nakaupong Comelec commissioners at mahistrado sa Korte Suprema ay Duterte appointees. Maging malaya sana ang kanilang pag-iisip at pagdedesisyon.

Sa gitna na substitution, agawan-base, at patintero, pinakamalaking issue rito ang niyuyurakang integridad ng eleksiyon.

Pinakamalaking issue ang pagdausdos natin sa gangster politics at pag-to-tolerate natin dito.

Hindi pa huli ang lahat. Bawiin natin ang entablado. Ibalik natin ang integridad sa proseso. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com