[VIDEO EDITORIAL] Pamanang Duterte: Paratang ng krimen laban sa sangkatauhan

Nakatatak na ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng dalawang dating hepe ng Philippine National Police, sina Bato dela Rosa at Oscar Albayalde, sa isang pormal na dokumento bilang mga pangunahing aktor sa pagpatay ng libo-libong Pilipino.

Ayon sa request ni dating International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda, ang hinihinalang "crime against humanity of murder" ng tatlong opisyal ay naganap dahil sa "state policy" o patakaran ng gobyernong Pilipinas.

Kung hindi dama nina Duterte at Dela Rosa ang karma ngayon at namamayagpag sila sa pulitika, mukhang may karmang hatid ang kasaysayan.

Kung kakampi ni Duterte ang mauupo bilang presidente pagkatapos niya tulad ng kanyang sidekick na si Bong Go o ang anak niyang si Sara Duterte, maaaring maging "defining policy" ng presidenteng ito ang protektahan ang sinundang pangulo.

Kung taga-oposisyon naman ang mauupong presidente, maaari ring maging tatak niya ang magiging aktitud sa ICC sa pagpapanagot nito kay Digong. 

Kaya't alam na natin kung bakit magiging desperado ang kampong Duterte na makopo ang eleksiyon.

Malinaw ang motibasyon nila sakaling tumakbong muli si Duterte bilang bise presidente.

Nais ni Digong na makaiwas sa kamay ng hustisya. Nais niyang muling mabalutan ng immunity, at higit sa lahat, nais niyang magpuwesto ng isang friendly government. 

Ang hindi nabanggit ng kaso sa ICC ay ito: Naganap ang malawakang pagpatay sa gitna ng pananahimik natin.

"Silence is complicity." Malaki ang papel natin sa mass murder na ito na naganap sa ating mga komunidad.

Sa darating na eleksiyon, iwaksi natin ang pagsasawalang-kibo. Wakasan natin ang madugong pamana ni Rodrigo Duterte. Wakasan natin ang impunity. #WeDecide