2022 Philippine Elections

[New School] Ang halalan bilang pagmemeron

Kenan Gawaran
[New School] Ang halalan bilang pagmemeron

Illustration by Nico Villarete

'[A]ng halalan ay labanan ng mga karanasan. At sa pamimilosopiya, nasa pagdanas ang unang hakbang.'

New School features opinion pieces by young writers, highlighting youth issues and perspectives.

Sa ala-ala ng pilosopong si Roque Ferriols

Habang nagpapalit ang araw sa kalagitnaan ng Buwan ng Wika, sumakabilang-buhay ang kinikilalang kauna-unahang akademikong Pilipino na namilosopiya sa sariling wika: si Padre Roque Ferriols, SJ. At sapagkat ang kanyang paglisan ay siyang paglapit naman ng bayan sa panahon ng halalan, narito ang pagtatangkang lundagin ang kahulugan ng pulitika sa bansa, partikular ang karanasan natin ng paghahalal, sa liwanag ng kanyang mga pagmumuni.

Ang paghahalal bilang pagmemeron ng kalayaan

“Bakit pipilosopohin ang pulitika? May pilosopiya ba rito?” marahil ang tanong ng mambabasa. Subalit sa kasalimuotan ng pulitika ng eleksyon sa Pilipinas, isa lamang ang sigurado: ang halalan ay labanan ng mga karanasan. At sa pamimilosopiya, nasa pagdanas ang unang hakbang.

Dinaranas natin ang halalan sa pamamagitan ng ating mga kakayahan bilang mga mamamayan, sa paggabay ng mga napagkasunduang batas ng estado, at sa impluwensiya ng ating kultura. Subalit, kung matamang titingnan, hindi lamang mga proseso at istruktura nito ang ating dinaranas. Higit na mahalagang karanasan sa paghahalal ay ang pagkakaroon ng buto at laman ng noo’y konsepto lamang ng “kalayaan.” Sa halalan, kung hihiramin ang wika ng pilosopiya ni Padre Ferriols, piname-“merong” tunay ang kalayaan. Sinisilayan ng liwanag ng meron ng kalayaan ang akto ng ating pagboto, kung kaya nakikita at nauunawaan natin lalo ang kahulugan ng demokrasya. Ito dapat ang nangyayari sa halalan: itinuturo ng mga pulitiko ang kalayaan sa mga mamamayan upang matulungan silang tingnan at maunawaan ito. Kung gayon, ang mga nasa pamahalaan ay mga katulong lamang, subalit sa huli, mga mamamayan pa rin ang tumitingin at nakakikita — hindi sa taong nagtuturo, kun’di sa talagang meron ng kalayaan. Ganito ang demokrasya. 

Kaya naman, masasabi na talagang nahuhulog ang halalan sa dapat nitong kahulugan kung sa pagsasagawa nito ay may nabubunyag na dating nakakubli. Sa wikang Griyego, ang kilos ng pagsibol na ito’y tinatawag na aletheia; sa wikang Filipino, ito’y “katotohanan.” Katotohanan ng ano? Katotohanan ng kalayaan. Nagtatagumpay ang pagbubunyag ng kalayaan kung naglalakas-loob ang mga mamamayan na ibaba ang anumang balakid na humahadlang sa ganap na pagmemeron ng kalayaan — mga “kalasag” na humaharang para mabunyag ang dapat na kaayusan, i.e., ang makatarungan.

[New School] Ang halalan bilang pagmemeron
Kapag ang karanasan ay nagiging pang-karaniwan

Subalit ang sobra-sobrang pagdanas nang walang masinsing pagtingin ay nawawala sa hulog, nawawalan ng kahulugan. Sa sobrang dalas, nagiging karaniwan. At kapag nagiging karaniwan ang karanasan, itinataas natin ang ating mga “kalasag” laban sa pagpapakita ng meron. Ang tanong natin parati sa halalan: Meron bang bago? Alam natin ang katotohanan ng kalayaan, alam nating meron — alam nating dapat meron. Pero pumipikit tayo, sabay sagot: Wala. Kaya boboto na lamang ng kung sino-sino, nang walang paggalang sa ibinubunyag na kaayusan. Sa puntong ito, mabisang sipiin ang mga wikang magagaling ni Padre Ferriols mula sa isa sa kanyang mga akda. Ang sabi niya: “Ang buod ng karanasan ay alam lamang ng taong dumilat at tumingin at nakakita. Hindi niya masasabi, pero talaga niyang nalalaman at talaga niyang nagagawa. At kung may magtanong, maisasagot lamang natin (kung hindi bulag ang nagtatanong) ay, ‘Dumilat ka.’”

Ang pagdanas nang nakapikit — na walang nakikitang pagbabago — ay humuhudyat sa kawalan ng pagkakataong makapagtaka, “Maayos ba ang ginawa kong pagboto?” at tuwirang nagdadala sa kawalang-kahulugan. Nagiging relatibo ang kahulugan sa karanasan ng nakapikit sa “dapat” ng kalayaan: nagiging kahulugan na ng halalan ang mga dayaan, ang mga karahasan, ang pamimili ng boto, ang elitismo. Nawawala na ang pagka-alisto sa talagang meron, at samakatuwid ay pinipilit na lamang paniwalain na wala ang meron — na walang kalayaan — na ‘di kailangan nito, at ang kailangan ay ang kalasag ng “kamay na bakal.” 

Sa kabilang banda, habang maraming mga mamamayan ang pumipikit, ang mga taong dilat kung minsan ay nananatili na lamang sa agaw-dilim, hindi na ibinabatak ang abot-kaya para lalong tanawin ang talagang meron: ang maayos, ang dapat, ang totoo. Hindi na lamang bumoboto, o hindi na lamang nangingialam. O kaya nama’y nakikisabay na lamang sa agos ng karamihang nakapikit dahil walang lakas-ng-loob. O pwede rin namang maghahalal ng mga kabaligtaran ng mga nakaupong pumalpak, subalit may pag-aakalang ang bagong ipinalit ay ganap nang kumakatawan sa buong katotohanan ng kalayaan; walang kapakumbabaan na lawakan ang abot-tanaw at kilalanin ang mga naiwan kasabay matapos kumuha. Na ang nakamit, kahit mas mabuti man kumpara sa dati, ay abstraksyo pa rin ng talagang meron, ng talagang kaayusan ng kalayaan. Inaalisan pa rin ng pagkakataon ng pagkilatis ang mga karanasan, at sa huli’y nawawala na rin ang kahulugan.

Must Read

[OPINION] Can the opposition win in 2022?

[OPINION] Can the opposition win in 2022?
Ang hamon ay patuloy na maging tapat sa meron ng kalayaan

Kaya naman, napakahalaga na mapaalalahanan tayo sa mga katutubong hangganan ng ating abot-kaya. Pagkatapos ng botohan, at sa paglitaw ng samo’t saring kaganapan na nagpapalabo’t nagpapalinaw ng ating pagtingin sa kalayaan, napagtatanto natin ang kilos ng paghahalal bilang isang “sabay pagkuha at pag-iwan” sa talagang meron ng kalayaan. Kung kaya, sa gawain ng paghahalal, ang kinakailangan ay ang paulit-ulit at matiyagang pagbatak ng abot-kaya ng isang bayan. Sa ganitong sama-samang pagbatak ng abot-kaya tuwing halalan, ang kapwa-botante ay nagiging isang katoto — kasama sa pagpapakatotoo; mga kapwa-mamamayang bagama’t sa paglalarawan ng ani Padre Ferriols ay “may sariling urong-sulong, tamad-sipag, takot-lakas-loob” ay “sama-sama pa rin sa paghahagilap at pagtuklas, sa pag-iikot sa dilim at pagsabog ng liwanag,” ang liwanag ng katotohanan ng kalayaan. Ganito, ani Padre Ferriols, ang “pagsisikap manirahan sa bayan ng katotohanan,” isang bayang parating nag-aapuhap sa kaganapan ng kalayaan.

Mabisang wakasan ang pagmumuning ito sa paraang tapat sa meron: bigkasin na meron pa ring pag-asa. Hindi totoo na ang kaayusan ng kalayaang ibinubunga ng halalan ay puros lamang katiwalian, kahirapan, karahasan, at kawalang-pagbabago. Merong kaunlaran, merong kaginhawaan, merong pagkaka-pantay-pantay, merong katarungan. Merong unti-unting paglantad ng mga katotohanang nakatago. Hindi pwedeng wala, may tadhana ang kalayaan — may tawag itong hindi mapipigil.

Samakatuwid, katulad ng paboritong talinghaga ni Padre Ferriols sa pamimilosopiya, ang halalan ay isang pambungad lamang sa landas na kailangang tahakin nang may baon-baong pagkilatis, paggalang, at pagbabatak ng abot-kaya. Kung papasukin lamang ito nang mulat ang mga mata, habang pinahihintulutang masilayan ng liwanag ng kaayusang itinakda ng meron na tumutubo’t nagpapakita, kahimanawari ay matatanaw ang tadhanang ito ng ating bansa: ang maging isang bayang malaya at mapagpalaya. Hindi man tayo parating ganap na nahuhulog sa ganap na kanlungan ng kalayaan, patuloy nawa nating apuhapin ito — hanapin sa gitna ng kawalang-katiyakan — at tumugon sa tawag ng lumalantad na katotohanan; malay, na tayo’y nasa bungad pa lamang, at inaanyayahang magpatuloy magmeron at tumaya sa ating kapalaran. – Rappler.com

Kenan Gawaran is an undergraduate student of political science at the Ateneo de Manila University, and is currently serving as overall coordinator of the Ateneo Student Catholic Action. His research interests include political thinking and governance in the Philippines and Filipino philosophy, culture, and history.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 



Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.