fishing in the Philippines

Umaasim ang dagat

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Umaasim ang dagat

ALEJANDRO EDORIA

Bahagi ng suliranin ang agresibong pagpapakain sa bangus, kahit na lumabis ang feeds, na isa sa sanhi ng coastal acidification

Oo, totoo, umaasim ang dagat pero hindi pa naman vinegar levels. Umaasim dahil sa pandaigdigang ocean acidification dulot ng paparaming carbon dioxide sa mundo. So, dahil nga hindi vinegar level ng asim, huwag muna kayo umasang ang mahuhuling laman-dagat ay instant kilawin o instant paksiw na. Maalat pa rin naman ang tubig-dagat, at least sa panlasa ng mga tao, pero hindi para sa mga organismong inaasahan ng iba pang may buhay sa karagatan.

Bukod sa malawakang ocean acidification, umaasim din ang tubig na nasa malapit sa dalampasigan na tinatawag namang coastal acidification. Ayon sa isang pananaliksik na nalathala sa journal na International Pollution ng mga kababayan nating siyentipikong sina Bienson Ceasar V. Narvarte at Dr. Michael Y. Roleda mula sa UP Marine Science Institute (UP MSI), bumababa ang pH level, ang panukat sa acidity ng tubig sa tabing-dagat, sanhi ng ilang salik na may kinalaman sa agresibong pagpaparami ng huli sa mariculture o marine farming sa baybayin ng Bolinao.

Science writing workshop

Magkalinawan muna tayo. Hindi ako maalam sa pagsulat ni sa pag-unawa sa natural science researches. Oo, may mga inaalikabok na diploma ako para masabing may mataas na pinag-aralan at makapagturo sa kolehiyo, nagre-research din ako sa mga paksang may kinalaman sa panitikan at kultura at sa mas subjective na social sciences dahil kailangan sa trabaho ko bilang propesor sa antigong unibersidad. You see, may kaniya-kaniyang espesyalisasyon ang nagtatamo ng higit na mataas na pag-aaral sa natural o social sciences man. Dahil espesyalisado ang karunungan, madalas, hindi na ito naiintindihan ng karaniwan.

Espesyalisado ang mga termino, ang wika, ang paraan ng paglalahad ng mga natural scientist kaya may certain level of difficulty para maunawaan at para maisulat bilang paksa sa isang artikulo sa pahayagan o sa espasyong ito halimbawa na binabasa ng mga malayong matawag na scientist. At ito mismong pag-unawa at pagtalakay sa agham para maintindihan ng mas maraming tao ang dahilan kung bakit ako nasa dulong bayan na ito ng Pangasinan, ang Bolinao.

Oo, mahirap maunawaan. Halimbawa, sa pamagat pa lang ng research nila Narvarte at Roleda, hingang-malalim: “Inorganic carbon utilization of tropical calcifying macroalgae and the impacts of intensive mariculture-derived coastal acidification on the physiological performance of the rhodolith Sporolithon sp.” Simpleng-simple, hindi ba?

Tumulo ang masaganang luha sa aking pisngi nang mapa-assign sa akin ang science research article na ito noong isang araw. Limang beses kong binasa nang buo ang resulta ng pananaliksik. Matapos ang mahaba-habang tanungan at konsultasyon sa Google, medyo naintindihan ko. O akala ko naintindihan ko na. Dahil, well, hindi naman talaga ako tiyak until isalaysay ko sa mga scientist na nagsagawa ng eksperimento kung tama ang pag-unawa ko.

Medyo tama naman daw. Pati na ang ginamit kong pamagat na “Umaasim ang dagat.” Medyo tama naman daw. Umaasim, o nagiging acidic. At may mga organismo sa dagat na nakokompromiso ang maayos na pamumuhay kapag bumababa ang pH level ng tubig. At bagamat walang direktang epekto sa ating mga tao ang organismong ito tulad ng macroalgae na rhodolith Sporolithon, may epekto naman ito sa iba pang yamang-dagat dahil nagsisilbing habitat ang macroalgae ng iba pang organismong nakatutulong upang maging masigla ang marine ecosystem.

Walang deretsang epekto sa mga tao ang coastal acidification pero eventually lalo kung hindi mapipigilan, makaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda at mamumuhunan sa bahaging ito ng Pangasinan na ang isa sa pangunahing produkto ay ang paborito nating bangus. Dahil kailangang lumaki agad ang mga bangus sa mga fish cage. Kailangang anihin at maibenta agad at nang maipaksiw na natin. Ang mga labis na pakain at ipot ng bangus ang isa sa pangunahing sanhi kung bakit bumababa ang pH level sa dalampasigan ng Bolinao.

Nasa Bolinao ang mga laboratoryo ng UP MSI. May bahagi rin ng karagatang sakop ng Lingayen Gulf ang nagsisilbing laboratoryo ng institute, lalo na iyong sanctuary ng famous giant clams o taklobo. Sa loob ng compound ng UP MSI dito sa Bolinao, nakahilera ang mga tangkeng naglalaman ng iba’t ibang organismo ng karagatan, mga specimen ng iba’t ibang eksperimento upang lalong makilala at mapangalagaan ang karagatan natin. Dito rin isinasagawa ang sanlinggong science writing workshop na dinaluhan ko kasama ang iba pang media practitioners sa buong kapuluan.

Ang workshop ay pinangunahan ng UP MSI na ang laboratoryo ay nasa dalampasigan ng Bolinao. Naniniwala kasi ang pamunuan ng institute, lalo na ang nasa dibisyon ng pananaliksik, na mas madaling mauunawaan ng madla ang agham kung maitatawid ito nang maayos sa tulong ng mga peryodista, brodkaster, manunulat, at kolumnistang gaya ko.

Sa pananaliksik na na-assign sa akin, natuklasan na ilan sa mga sanhi ng pagbaba ng pH level ay “antibiotics, pesticides and fertilizers in mariculture farms.” Natuklasan ito dahil sa naging epekto sa mga macroalgae specimen, ang rhodolith Sporolithon sp., na may malaking pakinabang sa ecosystem ng baybay-dagat. Bahagi pa ng pananaliksik ang pagtalakay na ang carbon-dioxide “produced by fishes and by the bacterial decomposition of unconsumed organic fish feeds and fecal matter” ay nagpapalala sa pH level ng tubig-dagat. At saan pa ba manggagaling ang feeds at fecal matter kung hindi sa naglipanang fish cages sa Bolinao na ang karaniwang inaalagaan ay ang paborito nating bangus.

Hindi kasalanan ng bangus

May mas malaking kuwento sa labas ng espesyalisadong pananaliksik nina Narvarte at Dr. Roleda – ito ay ang napipintong negatibong epekto ng coastal acidification sa kapaligiran ng Bolinao na ang malaking pinagkukuhanan ng kabuhayan ay pangisdaan tulad ng pag-aalaga ng bangus. Dahil masarap naman talaga ang kahit anong luto ng bangus. Kaya may mataas na demand mula sa atin, lalo iyong galing sa Pangasinan. At dahil nagbibigay ng kabuhayan, ginagawa pa ngang festival sa lalawigang ito ang bangus. Kaya naman ninenegosyo nang husto. Kaya patuloy na pinagkakakitaan, at dahil dito, nasasakripisyo ang kalikasan.  

Sino ba kasi ang mag-aakala na sa highly specialized at highly technical na pananaliksik nakasalalay ang magiging kabuhayan ng maraming umaasa sa biyaya ng dagat bago pa sumapit ang sinasabi ni Dr. Roleda na “collapse of the system” o iyong hindi na makakayanan ng kapaligiran ang pagsuporta sa pagpaparami ng huling isda? Ipinaliwanag ni Dr. Roleda na tinatangay papunta sa laot ang mababang pH levels kaya maaaring lumawak ang epekto nito hindi lamang sa Bolinao. Kailangang mas maraming makaalam. Pero sino ba kasi ang may access at pag-unawa sa specialized research?

Hindi lamang dapat ito pananaliksik. Dapat sana, kung maipapahayag sa iba sa paraang mauunawaan, magsisilbing warning sa maaaring mangyari sa lugar na ito kung patuloy ang walang habas at hindi pinag-aaralang pagpapalaki at pagpaparami ng bangus.

“Nakakalungkot isipin, powerless kami. We know the problem, we know the solution,” malungkot na imik ni Dr. Roleda na isa ring propesor sa UP MSI. Binanggit niya sa akin ang dosing o ang minimal na pagpapakain sa bangus, o iyon lamang sakto sa pangangailangan pero makakamit pa rin ang minimithing sukat bago ibenta. Hindi ganito ang kalakaran ngayon na agresibong pagpapakain, kahit na lumabis ang feeds, na isa sa sanhi ng coastal acidification. Iba pa ang suliraning mahirap pagtagpuing pag-unawa mula sa pananaliksik ng mga dalubhasa patungo sa mamamayan at sa pamahalaang dapat sana ay nangunguna sa pangangalaga sa kapaligiran.

Gaya ng kahit anong mabilisang negosyo, mistulang walang pakundangan sa kapaligiran ang mga namumuhunan. Bakit nga naman hindi, madali namang ilipat ang negosyo kung sakaling hindi na nakakamit ang inaasahang ani. Hayaan na ang sinalantang kapaligiran sa mga mamamayang dapat sana ay pangunahing nakikinabang sa kalikasan. Kung mauunawaan lamang nila ang grim symptoms na sinasabi ng pananaliksik hinggil sa coastal acidification. Kaya naman sana makatulong ang aming natutuhan sa pakikipagtalastasan bago pa tuluyang umasim ang dagat.

Isinulat ang Thought Leaders column na ito bilang bahagi ng output ng Blue Beat Initiative, isang short course on marine science communication ng University of the Philippines Marine Science Institute at ng Association of Young Environmental Journalists (AYEJ), sa ilalim ng National Security Council-funded project, “Upgrading Capacity, Infrastructure, and Assets for Marine Scientific Research in the Philippines.” – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!