Fact check - private individuals

FACT CHECK: Hindi pa rin malaya si De Lima

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Hindi pa rin malaya si De Lima
Tinitingnan pa ng kampo ng dating senador na si Leila De Lima ang posibilidad ng paghahain ng petisyon ng writ of habeas corpus na nagpalaya kay Gigi Reyes, habang hinihintay ang resolusyon ng aplikasyon para makapagpiyansa

Ang sabi-sabi: Malaya na raw ang dating senador na si Leila De Lima dahil sa desiyson ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Nakalagay ang mga tekstong: “SHOCKING! MALAYA NA” “ITO ANG NAKAKAGULAT NA DISISYON NI PBBM” (sic) sa video na pinamagatang “KAPAPASOK LANG! PRES MARCOS GINULAT ang LAHAT MALAYA na! DUTERTE di MAKAPANIWALA DELIMA SUBRANG TUWA.”

Ginamit din sa thumbnail ng video ang litrato ni De Lima na may hawak na dokumento. Nilagyan ang dokumento ng tekstong “APPROVED.”

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 15,000 na views sa kasalukuyan. 

Ang katotohanan: Hindi pa rin nakalalaya si De Lima mula sa kanyang pagkakakulong magmula noong 2017. 

Sinabi ng kampo ni De Lima noong Enero 20 na tinitingnan nila ang posibilidad ng paghahain ng petisyon ng writ of habeas corpus katulad ng sa kaso ni Gigi Reyes. Si Reyes, dating chief of staff ng dating senador at ngayo’y Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile, ay nasangkot sa pork barrel scam ng businesswoman na si Janet Napoles.

Nabigyan ng pansamantalang kalayaan si Reyes matapos pumabor ang Korte Suprema sa kanyang petisyon. Nakitang paglabag sa kanyang karapatan sa isang mabilis na paglilitis ang pagkakapiit sa kanya sa mahabang panahon habang wala pa ring hatol ang korte hinggil sa kanyang mga kaso. Dahil dito, nalalabag din umano ang karapatan ni Reyes sa kalayaan. Taong 2014 pa nang nakulong si Reyes sa kasong graft at plunder. 

Inaabangan pa rin ng kampo ni De Lima ang resolusyon ng kanilang petisyon sa korte na naglalayong mapahintulutang makapagpiyansa ang dating senador sa kadahilanang kulang daw ang ebidensiya laban sa kanya. Inaasahang lumabas ang resolusyon ng petisyon bago matapos ang Marso. 

Wala namang naging pahayag ang Pangulo kaugnay sa kaso ni De Lima sa mga nagdaang linggo. Walang balita hinggil dito ang mga kilalang news outlet. Maging sa website ng kanyang opisina at opisyal na Facebook page ay walang pahayag ang Pangulo hinggil sa umano’y pagpapalaya kay De Lima. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!