Fact check - gov't services/laws

FACT CHECK: Walang pirmadong batas na magpapatupad sa mandatory ROTC

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Walang pirmadong batas na magpapatupad sa mandatory ROTC
Nakabinbin pa rin sa Senado ang mga panukalang batas na naglalayong ipatupad ang mandatory ROTC

Ang sabi-sabi: Pirmado na ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte ang batas na magpapatupad ng mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC). 

Pinamagatan ang isang video: “KAPAPASOK LANG! SAWAKAS VP SARA PIRMAD0 na BATO DELAROSA NANINDIGAN ROTC IPAPA-TUPAD DUTERTE HUMANGA” (sic). Nakalagay din sa thumbnail nito ang mga tekstong “SAWAKAS! PIRMADO NA” “ITO ANG BALITANG INA-ABANGAN NG LAHAT” (sic)

Ginamit ang mukha at pangalan ng Bise Presidente sa pamagat at thumbnail ng video, ngunit tanging komentaryo lamang hinggil sa mandatory ROTC ang laman nito. Ginamit din sa video ang mga tinanggalan ng tunog na video clips ni Duterte mula sa kanyang mga nagdaang mga panayam.

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Patuloy ang pagkalat ng mga mapanlinlang na sabi-sabi hinggil sa pagpapatupad ng ROTC o military training na iniuugnay sa Bise Presidente. 

Ang katotohanan: Walang kapangyarihan ang bise presidente, kahit pa ang DepEd secretary, na magpatupad ng mandatory ROTC. 

Natigil ang implementasyon ng mandatory ROTC noong 2002 matapos maisabatas ang Republic Act 9163, batas na nagtatag sa National Service Training Program (NSTP) noong 2001. Sa nasabing programa, may kalayaan ang mga estudyanteng mamili kung aling serbisyo ang kanilang kukunin. Binubuo ang NSTP ng tatlong serbisyo: ROTC, Civic Welfare Training Service, at Literacy Training Service. 

Alinsunod sa Article 7 ng Civil Code, kinakailangan ng panibagong batas upang ipawalang-bisa o amyendahan ang isang batas. 

At walang kapangyarihan ang bise presidente, maging ang mga kalihim ng mga kagawaran, na gumawa ng batas dahil ang Kongreso na binubuo ng Senado at ng Mababang Kapulungan lamang ang may kakayahang gumawa nito, alinsunod sa Saligang Batas

Sa kasalukuyan ay nakabinbin pa sa Senado ang mga panukalang batas na naglalayong ibalik ang mandatory ROTC.  – Ailla Dela Cruz/Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!