Filipino journalists

[EDITORIAL] Ang pamamahayag na kailangan ng ating panahon

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang pamamahayag na kailangan ng ating panahon

NICO VILLARETE

Para kay Dekano Luis V. Teodoro, ang pagbabalita ay pakikipagdigma – para ilabas ang katotohanan at ibunyag ang kasinungalingan, para iangat ang kalagayan ng nasa laylayan, para magkaroon ng kakampi ang pangkaraniwang mamamayan, para marinig ang mga pinatatahimik

Noong umaga ng Lunes, Marso 13, nagturo pa ng kanyang media ethics class sa Unibersidad ng Pilipinas si Propesor Luis V. Teodoro. Kinagabihan, pumanaw siya, edad 81. 

Dahil kami ay katulad niyang journalist, at maraming kapwa kakilala, bumaha ang social media feeds namin ng parangal para sa kanya. Peryodista, awtor, guro, di-natitinag na tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag, bantay ng etika at integridad, tagapagtaguyod ng community press, haligi ng peryodismo sa bansa.

Pero ang publiko sa labas ng industriya ng media, ng aktibismo, at akademya, tiyak na magsasabi, “Ano naman ang kinalaman ng tinatawag ‘nyong Dean Teodoro sa buhay namin?” 

Malapit at malaki ang kaugnayan niya sa ating lahat, sa totoo lang. 

Lahat tayo ay nakikinig sa radyo, nanonood sa telebisyon, nagbabasa ng diyaryo o online news sites, at sumusubaybay sa social media channels ng lehitimong news outlets. Mas lamang sa hindi, ang balitang sinasagap natin sa araw-araw ay binuo ng mga propesyonal na natuto kay Teodoro. 

Bawat nibel sa news operations, may taong dumaan sa kanya – mula sa researchers, reporters, photographers, at video specialists sa field, hanggang sa editors sa newsroom o studio, sa supervisors at program managers, at sa matataas na ehekutibo ng media companies. May 40 taon ba naman siyang nagturo nang fulltime, at pagkaretiro ay 17 taon na nagtatag at nag-alaga ng mga alternatibo at pang-komunidad na media outlets. (Kung sisimulan natin ang bilang sa kung kailan siya naging editor in chief ng Philippine Collegian sa UP, naka-62 taon siya bilang peryodista.)

Maaaring sila ay naupo sa classroom niya sa UP College of Mass Communication, kung saan naging dekano siya. Kung mula sila sa ibang unibersidad, binasa nila ang kanyang mga libro at newspaper columns at nakinig sa kanyang pagsusuri sa mga talk show. Kung nasa media na sila nang makilala siya, natuto sila sa kanyang mga workshop, nahasa dahil naging editor or tagapayo siya, at nakimartsa sa kanya sa lansangan para iprotesta ang panggigipit sa media at pagpaslang sa mga peryodista.

Ang ibig lang naming sabihin, kapag ang mga tagapagbalita ay naghahatid sa inyo ng impormasyon, pagsusuri, at opinyon tungkol sa mga bagay at pangyayari na may kinalaman sa inyong buhay, ang pagsipat nila ay nahubog o naimpluwensiyahan kahit paano ni Dean Teodoro.

At ano ang nasa kaibuturan ng pamamahayag na kanyang isinulong? Na ang pagbabalita ay pakikipagdigma – para ilabas ang katotohanan at ibunyag ang kasinungalingan, para iangat ang kalagayan ng nasa laylayan, para magkaroon ng kakampi ang pangkaraniwang mamamayan, para marinig ang mga pinatatahimik. 

Kasabay ng “paglaban sa disimpormasyon,” sabi ni Dean Teodoro sa Ingles, “responsibilidad [ng media] na bigyan ang mamamayan ng impormasyong kailangan nila sa panahong ito na nanganganib ang kanilang buhay at kalayaan.” 

Ang pagko-cover ng giyera o gulo, halimbawa, ay hindi dapat paglilista ng ilan ang namatay o saan nangyari ang engkuwentro, turo niya. Dapat banggitin, at ipaliwanag, kung saan nag-ugat ang pakikipaglaban – madalas, dahil may inapi, inagawan, inabuso, pinagkaitan, kinaligtaan ang pamahalaan at lipunan. 

“Ang pamamahayag na kailangan ngayon ay pamamahayag na mahinahon at rasonable, at ‘yung nagbibigay ng mga datos na maiintindihan ng mga tao,” sabi rin niya.” ‘Yun lang ang pamamaraan para magkaroon ng pagkaunawa sa mga isyu ang mga mamamayang Pilipino.” 

Sa pamantayan ni Dean Teodoro, kailangan naming itanong ang mahihirap na tanong, at hanapin ang maiilap na sagot, dahil sa ganitong paraan lamang mapananagot ang nasa kapangyarihan. Sa ganitong paraan din, kahit dahan-dahan, mabibigyan kayo – tayo – ang taumbayan, ng kapangyarihan. 

“Nawalan tayong lahat ng mabuting kaibigan, guro, mananaliksik, administrador at peryodista,” sabi ng dating estudyante, kapwa propesor, at kaibigan niyang si Danny Arao. “Pero nagkaroon tayo ng pagkakataong tanggapin ang hamon ng panahon – ang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan tungo sa responsableng peryodismo at pagbabagong panlipunan.” – Rappler.com 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!