Maharlika fund

[EDITORIAL] Maharlika fund – ito na ba ang pagbabalik ng kleptocracy?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Maharlika fund – ito na ba ang pagbabalik ng kleptocracy?

Nico Villarete

Sa bansang mahina ang mga institusyon at wala halos mekanismo para sa accountability, paano matitiyak na hindi masasalaula ang Maharlika fund?

Bago ang lahat, ano ang Maharlika Wealth Fund? 

Ito’y isang sovereign wealth fund na magmamandato sa Government Service Insurance System na mag-ambag ng P125 bilyon, gayun din sa Social Security System (P50 bilyon), Landbank (P50 bilyon), Development Bank of the Philippines (P25 bilyon), at sa mismong national government (P25 bilyon). 

Inilatag ng ekonomista ng Rappler na si JC Punongbayan ang mga red flag ng Maharlika fund. (BASAHIN: [ANALYSIS] ‘Maharlika fund’ ni Marcos, kukunin sa pensiyon at buwis mo?)

  • Una, bakit daw “niraratsada” o nire-railroad sa Kongreso?
  • Pangalawa, bakit daw idinamay ang public funds na GSIS at SSS – paano kung malugi ito? 
  • Pangatlo, hindi raw natin afford ang isang sovereign wealth fund dahil wala tayong surplus cash at sa halip ay may malaking budget deficit. Kulang na nga ang budget para sa basic services, saan kukunin ito?
  • Pang-apat, kapag naitatag na ang pondo, dapat daw mag-ambag ang BSP ng katumbas ng 10% ng kita ng remittances ng Overseas Filipino workers at panibagong 10% ng kita ng BPO sector – mga bagay na ‘di naman pera ng BSP.
  • Pang-lima, si Marcos bilang chairman ng pondo.

Saan humuhugot ng tapang ng loob sina House Speaker Martin Romualdez, ang anak ng presidente na si House Deputy Majority Speaker Sandro Marcos, at ang Presidente mismo (dahil obvious naman na may basbas niya ito) na magpanukala ng pondong ito samantalang malaki nga ang budget deficit ng bansa? 

At hindi ba ang common sense dito’y anuman ang reserves ay dapat gugulin sa basic services tulad ng pandemic recovery health at pagtitiyak na sapat ang supply ng mga batayang bilihin?

Hindi nga matiyak ng gobyerno na sapat ang supply ng sibuyas, tumatagilid na nga ang pondo ng SSS (kaya’t nagtaas ng kontribusyon) – nangangarap pa ang pamilyang Marcos ng sovereign fund na magtataya sa mismong dugo at pawis ng mga nagbabayad ng pensiyon at buwis?

“One-time, big-time” ba ito at hindi alintana ang malaking posibilidad ng pagpalpak dahil sa mismanagement at korupsiyon?

At sino ang mag-ma-manage ng pondo – ang pinakabagong bersiyon ng Kamag-anak Inc. sa gobyerno? At isinama pa nila sa mga may-akda si Stella Quimbo bilang pampabango – pero ano ba ang track record ng pamilyang Marcos na hindi naman nakabayad ng kanilang P203 bilyong utang na buwis?

Nangangalingasaw ang hakbang na ito dahil na rin sa bangungot na dulot ng 1 Malaysia Development Berhad o 1MDB scandal, ang sovereign fund na ikinurakot ng dating prime minister ng Malaysia na si Najib Razak at ang asawa niya. 

Sa pagsusuma, sa isang bansang mahina ang mga institusyon at wala halos mekanismo para sa accountability, paano matitiyak na hindi masasalaula ang Maharlika fund?

Ang bali-balita nga, baka ito raw ang gateway sa pagbabalik ng ill-gotten wealth ng mga Marcos mula sa offshore accounts. Talaga? 

Paano na ang track-record ng mga Marcos sa coco levy fund? O ang track record ng burukrasya na hindi maging transparent na kitang-kita sa windfall funds ng Malampaya na umano’y nauwi sa pandarambong?

Hindi rin nagbabadya ng magandang pangitain ang pangalang “Maharlika” dahil ito ang kathang-isip na guerrilla unit umano ni Ferdinand E. Marcos noong panahon ng mga Hapon. 

Pitong buwan matapos siyang mahalal, mukhang lumalabas na ang natural ni Pangulong Marcos. 

Sa minimum, isa siyang gambler na nangangarap ng malayo sa katotohanan, at handa siyang isugal ang pensiyon, kaban, at kinabukasan ng bayan.

Sa maximum, Marcos DNA na naman ang umiiral – kailangan ng engrandeng iskemang makapangongolekta ng higanteng pondong madaling mahokus-pokus? Nasa DNA ba talaga ang kleptocracy?

Sana naman hindi, dahil hindi na kakayanin ng Pilipinas dumaan pa sa krisis pang-ekonomiya na dinanas nito noong dekada 80. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!