FIBA World Cup

[EDITORIAL] Pag natatalo (at nananalo) ang Gilas

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Pag natatalo (at nananalo) ang Gilas

Nico Villarete

Bukas makalawa, wala nang Chot Reyes na pagbubuntunan ng sisi

Bago natin pag-usapan ang sports – alam naming marami kayong hugot – maglatag muna tayo ng mga mga “given”.

Una, sports-crazy ang bansa natin, at lalong hoops-crazy kahit na wala sa atin ang tangkad para mag-excel sa sport na ito. Kaya’t hindi namin sasabihing tigilan na ang pagkahumaling at pagiging ilusyonada sa basketball at pansinin at suportahan na lang ang ibang sports. 

Pangalawa – puso. Underdog tayo at paminsan-minsan nagmimilagro ang puso tulad ng panalo ng Filipinas women’s football team na tumalo sa New Zealand sa FIFA. Pero hindi lang tayo bansang may puso – nasa atin ang disiplina, ambisyon, ang aim for perfection, at teamwork para manalo. Pinatunayan ‘yan ni Manny Pacquaio sa boxing, Hidilyn Diaz sa weightlifting, Carlos Yulo sa gymnastics, EJ Obiena sa pole vault, at Alex Eala sa tennis, to name a few.

Pangatlo, ang editoryal na ito ay hindi tungkol kay Chot Reyes na naging punching bag ng madla. (Sabi nga ni Atom Araullo sa isang tweet, “mas harsh pa tayo sa coach ng basketball kesa elected officials natin.” Point taken.) Hindi rin ito tungkol lamang sa basketball kundi sa sports in general sa bayan natin.

Si Reyes daw ang dahilan kung bakit natalo nang apat na beses ang Pilipinas sa FIBA, at bago noon, dahilan daw bakit nawala ang Southeast Asian Games basketball title natin noong 2022. Pero may panahon rin na napakabango ni  Reyes – siya ang Gilas coach nang nag-qualify ang Pilipinas sa FIBA World Cup sa España noong 2014.

Sabi ng sports writer na si Ding Marcelo, “I also bet that we can put Steve Kerr or Gregg Popovich or Erik Spoelstra as Gilas coach and the team will still find it hard to win.” Sabi pa niya, “In the world of basketball, we are Lilliputians.” Aray ko po.

Sabi naman ni coach Yeng Guiao, napag-iwanan na tayo sa Asya. Sa artikulo ng spin.ph, sinabi niyang kailangan ng rules change, grassroots programs, at coaches training upang makahabol sa ating mga kapitbahay sa rehiyon. Sabi pa ni Guiao, dapat mag-modernize ng laro ang mga koponan sa Pilipinas at mag-adopt na ng European style of play. 

Sabi pa ng isang basketball observer na aming nakausap, ito ngang Lithuania tinalo pa ang USA – gamit ang Euro style: pasa nang pasa, magaling mag-shoot. Sabi pa ng observer, “’Yun ang problema ng Gilas, walang chemistry kasi di naman nila nakakalaro talaga ang import na si Jordan Clarkson. Tapos, maraming players sanay sa PBA style na individualistic and slow.”

Matapos ang umaatikabong pambabayo kay Chot Reyes, naibsan nang kaunti ang galit at disappointment nang matalo ng Gilas ang China.

Ang daming hugot. Sa katunayan, nag-trending pa sa Twitter ang “West Philippine Sea” sabay ng panalo. Naupakan din online ang mga senador na “performative” daw ang pagsakay sa panalo ng Gilas. Sabi ng aktor na si Jake Ejercito: “But lol at those wearing “West Philippine Sea” shirts but were as still as the grave between 2016-2022.” ‘Yan ang mga taon ng termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte kung saan hindi binigyang halaga ang makasaysayang panalo sa The Hague court dahil nabahag ang buntot ni Digong sa Tsina.

Ayon sa lawyer na si Teddy Te, lagpas kay Reyes, dapat magkaroon ng shake-up sa Samahang Basketbol ng Pilipinas. “Start with the basketball gods and their monopoly of wisdom and resources – I mean, just because it’s emblazoned on the players’ jerseys doesn’t mean every choice they make is the smart one.”

Gilas means agility. Kung gusto nating makatungtong sa entablado ng international basketball at manatili doon, dapat maging maliksi, magilas, ang Pilipinas, at hindi ito magiging overnight success.

Ang University of the Philippines Fighting Maroons men’s basketball inabot ng 36 na taon bago magkaroon ng championship trophy (maliban sa madalas winless) sa UAAP. Naghintay ang UP ng walong taon bago magkabunga ang pinatinding training, modernization, at deep recruitment. 

Nagbigay ang goberno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang bilyon bilang revolving fund bilang host ng FIBA World Cup ngayong 2023. Sulit ba ang economic activity na na-trigger ng pagdating ng mga internasyonal na koponan? Siguro.

Pero masusulit ang isang bilyon kung ito ang gigising sa Barangay Pilipinas – sa fans, sa gobyerno, at sa sports officials – na panahon nang mag-overhaul ng pamamalakad, diskarte, play style, at training ng mga player at coach sa Philippine basketball. 

Sabi nga ng kanta ni Gary Granada na Pag Natatalo ang Ginebra: Pagbigyan ‘nyo na ako | Paminsan-minsan lang ito | Gumaang ang nabibigatang puso | Pagbigyan ‘nyo na ako | Kahit na kahit paano | Sumaya nang bahagya itong mundo.

Nagpapasaya, pampalimot ng problema – ‘yan ang basketball sa ating buhay. Kung dahil lang diyan, dapat tapatan ng gobyerno at sports officials ang passion at devotion ng mga Pinoy basketball fans. Dahil bukas makalawa, wala nang Chot Reyes na pagbubuntunan ng sisi at aako ng kasalanan at babalik na naman sa pagtuturuan ang mga opisyal ng sports. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!