Rodrigo Duterte

[EDITORIAL] EDSA or no EDSA, padayon

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] EDSA or no EDSA, padayon

Nico Villarete

'Social movements rest on the courage of the minority'

Ilang taon din tayong umay na umay sa selebrasyon ng EDSA People Power, lalo na noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III. 

Pero nagkaroon ng bagong kahulugan ang February 1986 Revolution noong naupo na si Rodrigo Duterte bilang presidente. Nakita natin kung paano binaligtad, sinalaula, at binalewala ang mga panalo ng People Power. 

Nakita natin kung gaano ito karupok.

Ganito rin ang selebrasyon ng EDSA People Power ngayong Pebrero 2023, 37 taon matapos ang makasaysayang tagpo – pero may dagdag na tadyak: ito ang unang selebrasyon ng EDSA sa ilalim ng anak ng diktador na pinalayas ng pag-aaklas.

Sa totoo lang, maraming senyales na mauuwi tayo sa ganito. Andiyan ang Mendiola massacre at maya’t mayang black-out sa panahon ni Cory Aquino. Andiyan ang Clark Centennial at PEA Amari noong panahon ni Fidel Ramos. Andiyan ang midnight Cabinet ni Joseph Estrada, at siyempre ang kanyang jueteng-gate. Si Gloria Macapagal Arroyo naman ay mayroong Hello Garci at NBN-ZTE scandal. Nagpadismaya naman sa mga suporter at nag-enable sa mga kritiko ng mga Dilaw ang masaker ng Mamasapano at ang Disbursement Acceleration Program ni Benigno Aquino III.

Hindi naging binhi ng social transformation ang pagkakapit-bisig, ang kolektibong galit laban sa kleptocracy, ang People Power, at ang liberal agenda. 

Sa madaling salita: Walang himala.

Nakasulat sa pader ang senyales pero hindi natin binasa: Hindi nawala ang korupsiyon, hindi nawala ang palakasan, malala pa rin ang kahirapan, lalo pang yumaman ang mayayaman, dumausdos ang kalidad ng edukasyon at ngayo’y nauwi sa education poverty, hindi pa rin sapat ang trabaho kaya’t patuloy ang labor at brain drain, pang-mayaman lang ang “social justice,” at higit sa lahat naghari ang impunity.

Nakabalik na sa Malacañang ang mga Marcos, pati na rin ang lifestyle at estilo nila sa pulitika. Naghahari pa rin ang sistema ng patronage at feudal politics ng mga dynasty na nagbigay ng umaatikabong panalo kay Junior noong eleksiyon. At alam mo nang talagang may problema tayo sa law enforcement kapag puwede nang makalusot sa traffic violation ang sikat na tao gamit ang selfie.

Two steps forward, one step back, ba ito?  Parang mas akmang sabihin na one step forward, two steps back.

Ano’t ano man, ganyan naman talaga ang buhay. Parang bagyo lang, pupulutin natin ang lumipad na bubong, kukumpunuhin ang nagibang dingding, ipagtitirik ng kandila ang mga nasawi sa delubyo. 

Tumitingin tayo sa bukang liwayway at pilit kinalilimutan ang takipsilim na simpula ng dugo. 

Eternal optimist naman kasi ang Pinoy, at kitang-kita ‘yan sa latest survey. Pero palamanan natin ang optimismong ‘yan – hindi bahala na si Batman. 

Ibalik natin ang respeto sa buhay, ang pagmamalasakit sa kapitbahay, ang dignidad bilang manggagawa. Bawiin natin ang disenteng buhay para sa ating mga pamilya. Bilang taxpayers, igiit natin ang accountability ng pamahalaan.

At maniwala tayo sa power of the minority.

Sabi ng sociologist na si Jayeel Cornelio hindi ang “main characters” sa textbooks tulad ni Ramos o Cardinal Sin ang nakaukit sa alaala niya, kundi ang mga karaniwang tao. Ang People Power daw ay “kuwento ng madre na itinaya ‘yung buhay” upang magbigay ng tubig at bulaklak sa mga pagod na nag-rally. Dagdag pa niya: “Social movements rest on the courage of the minority, and then everybody else will follow.

We pick ourselves up, dust ourselves off, and rebuild the nation. Marcos or no Marcos, EDSA or no EDSA. Padayon. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!