West Philippine Sea

[EDITORIAL] Paano tayo makakapuwing sa Tsina sa West Philippine Sea?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Paano tayo makakapuwing sa Tsina sa West Philippine Sea?

Nico Villarete

Pero ang malaking tanong, makaka-igpaw ba tayo sa politicking, infighting, at korupsiyon upang ipokus ang ating resources at atensiyon sa WPS?

Kung si dating presidente Rodrigo Duterte ang tatanungin, giyera o pangangayupapa lang ang pagpipilian pagdating sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

(Fearless forecast: makikilala siya ng salinlahi natin bilang pinakabopols na presidente pagdating sa foreign policy.)

Dapat nating matanto na hindi imposibleng igiit ang soberanya natin sa harap ng agresyon ng mga Tsino. The odds are scary, totoo. Malala pa ito sa David vs Goliath. Pero hindi naman natin layong patumbahin ang ngayo’y pinakamabagsik na superpower sa balat ng lupa. Layon lamang nating makapuwing habang nag-aagawan base sa patintero sa West Philippine Sea na sarili nating bakuran.

Ayon sa mga ekspertong naupo sa ating panel noong Biyernes, reframing ng pag-atake sa problema ang kailangan. Sabi nila: Huwag magpokus sa mga kagamitang pang-giyera at resources na wala sa atin. “Focus on what we do have.”

Sabi ni dating defense secretary ng Pilipinas na si Orly Mercado, kritikal ang presence natin sa West Philippine Sea. Sabi naman ni retired rear admiral Rommel Ong, kapag umuuwi ang mga sasakyang pandagat natin galing sa WPS, lalo lamang nating pinalalakas ang argumento ng mga Tsino: ‘pag oras na ng uwian, naroon pa rin sila.

Halimbawa ng “thinking out of the box” na kailangan natin ay ang pag-iistasyon ng lumang barkong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ang Malaysia raw, nang naubusan ng barkong magbabantay laban sa mga pirata sa Horn of Africa, nag-arkila at pininturahan ng gray ang isang tanker upang magpatrolya. 

Pero sa cat-and-mouse game sa West Philippine Sea, dapat malinaw ang pag-estima natin sa lakas ng katunggali (take note hindi natin ginamit ang salitang “kalaban”) at maging ang pag-estima sa sarili nating kahinaan. At marami tayong kahinaan. Pangunahin diyan ang mindset: pang-milenya maglatag ng istratehiya ang Tsina, habang ang Pilipinas hanggang sa susunod na eleksiyon lang ang plano (ugh). 

Bakit kritikal ang “reframing” ngayon? 

Ayon kay dating senador Sonny Trillanes, maraming nagbago sa loob ng isang dekada mula nang makipaggirian ang Pilipinas sa Tsina noong panahon ni dating pangulong Benigno Aquino III. 

Una, malaking isyu na ngayon sa buong mundo ang Chinese expansionism, at hindi moderate si Chinese President Xi Jinping tulad ni Hu Jintao noon. Pangalawa, ang mga island-bases ng Tsina sa Spratlys ay fully operational na. Pangatlo, tinitingnan ng Tsina na banta sa interes nito ang mga bagong base sa ilalim ng EDCA.

Tingin ni Ronald Llamas, dating adviser kay PNoy at kasama sa landmark case sa Hague arbitral court, nag-e-escalate ang Tsina sa pakikipaggirian sa Pilipinas. (Kay Llamas nanggaling ang terminong “makapuwing.”) Ang dating laser pointing lang, napapadalas na ang pagwo-water-cannon, naglalagay na sila ng barriers (tulad ng inilagay sa Baho de Masinloc), at ang pinakahuli ay ang direct ramming ng mga barko ng Pilipinas na nagdadala ng supply sa barkong Sierra Madre. 

Sabi naman ni Admiral Ong, dapat tingnan ang buong ecosystem ng agresyon ng Tsina: ang coast guard nito, ang navy, ang militia, at ang island features na inokupa nito sa South China Sea. 

Dahil sa mga factors na inilatag ni Trillanes, ito na yata ang pinakamahirap na yugto upang pumalag laban sa Tsina. Pero may mga pagbabago rin sa Pilipinas: nakaupo ang isang Presidenteng hindi lang predisposed sa mga Kano, alam din niyang nanatiling napakong pangako ang P24 bilyong economic promises. Sabi nga ni Ong, “tainted” daw ang mga pangakong foreign direct investments (FDI) na ito at bahagi ng economic coercion ng Tsina.

Andiyan ang Estados Unidos, Japan, South Korea, at Australia na mas umalab ang pagkondena sa pambu-bully ng Tsina at mas tumindi ang pagsuporta sa Pilipinas.

Sa bandang huli, ano ang mga halimbawa ng creative solutions sa isyu ng West Philippine Sea? 

Labas sa larangang militar, andiyan ang pagsasampa ng kaso laban sa illegal, unregulated, at unreported (IUU) fishing ng Tsina. Sabi ni Mercado, matapos halos nitong ubusin ang isda sa karagatan sa paligid nito, ito naman ang ginagawa ng Tsina sa Pilipinas – sinasagad nito ang pangingisda sa karagatang dapat ay shared resource, habang hina-harass ang ating mga mangingisda. Sabi pa ni Mercado, threat ito sa national security natin.

Malaking isyu rin ang environmental destruction na nagaganap dahil sa higanteng trawl fishing boats ng mga Tsino. Napupulbos ang mga coral, maliban pa sa talamak na poaching, at nadidiskaril ang kakayanan ng karagatang mag-regenerate.

Mahalaga rin ang edukasyon ng mamamayang Pilipino – kailangang maipaliwanag na ang banta ng overfishing at environmental destruction ng Chinese ships ay makaaapekto sa ating food security – in other words, bituka ang bigwas nito. Alalahanin nating ang Tsina ang “least trusted country” sa 1,200 na bansa ng mga Pilipino, ayon na rin sa isang survey.

Mukha ring nasa tamang direksiyon ang pamahalaan sa “whole of government strategy” – na hindi lang responsibilidad ng militar na pangalagaan ang WPS. Makikita ‘yan sa transparency sa komunikasyon at mabilis na pag-udate ng Coast Guard sa mga nagaganap sa WPS. Kamakailan lang, nagbanta ang isang heneral na humaharap ang Tsina sa “global isolation” kung itutuloy nito ang “irresponsible actions.”

O ‘di ba? Mangyayari ba ‘yan sa ilalim ni Duterte? Meron ding mga panukalang paigtingin ang turismo sa West Philippine Sea! Aba’y puwede!

Pero ang malaking tanong, may kakayanan ba tayong ipatupad ang isang strategic blueprint sa WPS? Makakaigpaw ba tayo sa politicking, infighting, at korupsiyon upang ipokus ang ating resources at atensiyon sa WPS? (Magandang simula na na-arm-twist ng public opinion ang mga congressman na gugulin na lang sa proteksiyon ng WPS ang mga confidential funds.)

Sa bandang huli, mahirap ‘yan kung “we are our own worst enemy.”

Kaya’t mahimasmasan na tayo at tunay na magtulong-tulong upang pigilan ang “manlulupig” na isinumpa nating “di tayo pasisiil.” – Rappler.com 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!