beauty pageants

[EDITORIAL] The politics of beauty and hope

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] The politics of beauty and hope
Madalas, exercise in vanity lang talaga ang mga beauty pageant – pero may mga pagkakataon na puwede itong mitsa ng pag-asa, pagbalikwas, at social reform

Bansa tayo na obsessed sa pisikal na kagandahan. At madalas, ang colonial past sa ilalim ng mga mananakop na Kastila at Amerikano ang nagtatakda ng konsepto natin ng ganda.

Sinasamba natin ang mga mestizo at mestiza lalo na bilang celebrity at beauty queen: kailangan kutis porselana, matangos ang ilong, deep-set ang mata, mataas ang cheekbones, at matangkad. Hindi bale na kung banidosa, mababaw, at hindi masyadong matalas, basta “maganda.”

Sumikat ang kantang “Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko” noong ’80s na repleksiyon ng beauty queen bilang pamantayan ng ganda at desirability. Mukhang hindi pa ‘yan nagbabago hanggang ngayon.

Isinulat noong 2018 ng ngayo’y presidente ng Rappler na si Natashya Gutierrez ang isang serye tungkol sa mga beauty pageant ang at dalawang mukha nito. Habang nire-reinforce ng beauty pageant culture ang pagtingin na tanging pisikal na kagandahan ang sukatan ng halaga ng mga babae, sa positibong banda, tinitingnan din itong selebrasyon ng femininity.

Maraming ehemplo ng empowering na aspeto ng mga pageant (kahit madalas hindi natin maaninag): makikita ‘yan sa buhay ng mga activist at feminist na sinimulan ang kanilang paglalakbay bilang mga reyna ng pageants – halimbawa sina Maita Gomez at Nelia Sancho. 

Sa kasalukuyan, makikita iyan sa katauhan ng reigning Miss Universe 2023 na si Sheynnis Palacios ng Nicaragua. 

Kung time-warp inducing ang Pilipinas dahil isang Marcos ang nakaupo ngayon matapos ang 37 na taon, ganoon din ang bansa ni Ms. Palacios – nasa poder pa rin si Nicaraguan President Daniel Ortega, na unang nailuklok sa kapangyarihan matapos mapabagsak ang rehimeng Somoza noong 1979. Mula dating gerilya, muli siyang nanalo noong 2007 at naging notoryus sa pagkukulong ng taga-oposisyon, negosyante, at mamamahayag.  Sa madaling salita, ang freedom-fighter noon, siyang freedom-killer ngayon.

Kasama ang Nicaragua sa lumalalang istatistika ng mga bansang nalulukuban ng authoritarian rule – ayon sa V-Dem, mula 46% noong 2012, umakyat sa 72% noong 2022 ang populasyon ng mundo na nasa ilalim ng mga autocrat.

Tiningnan ng administrasyon ni Ortega, lalo na ng kanyang asawa na si Vice President Rosario Murillo, na sampal sa Ortega regime ang pagkapanalo ng aktibistang si Palacios. (Na-feel ‘nyo rin ba ang Imelda vibes?)

Binabantayan ng buong mundo ang magiging kiskisan sa pagitan ni Palacios at tagasuporta niya at mga otokratikong liderato sa kanyang bansa na may mahabang kasaysayan ng paggamit ng karahasan laban sa mga tumutuligsa dito.

Sabi ni Jairo Bolledo sa kanyang analysis piece na Real-life mockingjays? When beauty queens become icons of hope, resistance, hawig ang kuwento ni Palacios sa kuwento ng rebeldeng si Katniss Everdeen ng fictional na seryeng Hunger Games. Naging simbolo si Katniss ng silent majority, ang nagdurusa, nagtitiis na sambayanang pinagkaitan ng boses. 

Ibinigay ding ehemplo ni Bolledo si Miss Myanmar Thuzar Wint Lwin na nagladlad ng banner na “Pray for Myanmar” nang siya’y lumaban sa Miss Universe pageant noon 2020.

Lilinawin natin, maraming kabulukan pa rin sa sistema ng mga pageant ang dapat mabago tulad ng commercialization, kawalan ng transparency, at hindi pagiging inclusive. Ngunit nag-e-evolve na rin ang mundo ng beauty pageants at nakagugulat ang ilan sa mga radikal na pagbabago.

Pinapayagan na ang mga married women at transgender sa Miss Universe pageant. Marami nang pageant na nagrebisa ng age limit, at meron pang nagtanggal na ng swimsuit segment. 

Ano ang nasa likod ng appeal nina Palacios, Wint Lwin, Gomez, at Sancho? Sabi ng isang exiled na mamamahayag tungkol kay Palacios: “She has become a national and emotional symbol who has restored hope.”

Hope. Dissent. Maraming mga maiden-heroine na nag-resonate sa kasaysayan at isa ‘yan sa hulmahan ng mga Hollywood superhero archetype. Naging behikulo rin ang pop-culture sa pagtingala ng masa sa matatapang na kabataan (hindi lang sa larangan ng beauty pageant) na may kapangyarihang maging mitsa ng social change.

At makapangyarihan ang mga simbolo. Halimbawa na lang ang gown ni Palacios sa Miss Universe pageant na binigyang-kahulugan ng mga kababayan niya na kulay ng kanilang national flag na ipinagbawal noong 2018.

Dito rin sa Pilipinas, mahalaga ang naging papel ng mga simbolo ng pagbabalikwas sa ilalim ni Ferdinand E. Marcos at ni Rodrigo Duterte. Sumikat ang hand sign na L pati na rin ang mga kulay na yellow at pink sa ating consciousness.

Kasabay ng pangingibabaw ng Autocracy Inc. tumitindi rin ang papel na dapat gampanan ng civil society at freedom loving citizens sa mga bansang ito. Sabi ng V-Dem, “freedom of expression deteriorated in 35 countries in 2022” – kung ikukumpara 10 years ago, kung kailan pitong bansa lamang ang itinuring na nag-deteriorate ang freedom of expression.

Madalas, exercise in vanity lang talaga ang mga beauty pageant – pero may mga pagkakataong puwede itong mitsa ng pag-asa, pagbalikwas, at social reform. Tulad nang puwedeng maging mitsa ng pagbagago ang bawa’t isa sa atin. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI
Download the Rappler App!