Rodrigo Duterte

[EDITORIAL] Anyare, Pilipinas? Anyare, COP?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Anyare, Pilipinas? Anyare, COP?

Nico Villarete

Nakapagtataka ang state of denial na umiiral sa sangkatauhan sa harap ng nalalapit na bantang extinction

Para sa inyo ito, mga Gen Z at Millennials. Kayo raw ang age group na mas ramdam ang climate change, dahil kinabukasan ninyo ang nakataya.

Lahat tayo kumukonsumo ng mga produktong nag-release ng ‘sangkatutak na greenhouse gas sa atmosphere nang ito’y prinoduce sa mga factory. Sumasakay o nagmamaneho tayo ng mga behikulo na sumusunog ng fossil fuel na pangunahing dahilan ng climate change. Sumasakay tayo sa mga eroplanong tinatantiyang sanhi ng 2.5% ng lahat ng C02 emissions. At araw-araw tayong komportable sa mga air-conditioned na mga lungga natin. Tulad ng refrigeration industry, ang mga aircon ay gumagamit ng HFCs, isang mabagsik na greenhouse gas. At ilan lang iyan sa mga ehemplo ng pang-araw-araw na konsumo natin na para sa atin ay hindi luho.

Hindi man natin kayang patayin ang aircon sa harap ng matinding init ng tag-araw, may magagawa pa rin tayo in our own little way. Mag-recycle. Huwag gumamit ng one-time-use plastic. Save and reuse water. Magtanim. (BASAHIN ito at ito.)

Hindi kayang mag-dial back ng sangkatauhan pagdating sa kaginhawahan o comfort nito, pero may mga bagay na puwedeng gawin, lalo na’t mulat ang gobyerno mo.

Ilang halimbawa ng mga bagay na tanging gobyerno lang ang makagagawa: ang pagbabawas ng dependence sa fossil fuel tulad ng shift sa electric vehicles (na gagamit pa rin ng kuryente na sa ngayo’y gine-generate ng dirty fuel); pagpe-phase out ng mga coal-fired power plant; at ang pagpapabilis ng shift sa renewable energy.

Pero ito ang masamang balita. Noong 2005, nangunguna ang Pilipinas sa renewable energy sa Southeast Asia kung saan ang energy mix natin ay 32.5% renewable at 25.2% coal. Pero ngayon, ayon kay Alvin Camba ng Fletcher School’s Climate Policy Lab sa Tufts University, 15 taon ang nakalipas, 29.2% na lamang ang renewable, habang 43.8% ang coal sa energy mix ng Pilipinas. Anyare, Pilipinas?

Ngayong Nobyembre 30, magaganap ang COP28 [Conference of the Parties] o climate change summit sa Dubai, United Arab Emirates. Kung babalikan natin ang kasaysayan ng COP, halos masusuma ito sa dalawang salita: Napakong pangako. 

Masamang balita rin ang sumasalubong sa mga delegado bago ang climate talks. Ayon sa isang report, on track daw ang mundo na tawirin ang 1.5C warming threshold sa dekadang ito.

Ngayong taon, muling isusulong ng climate advocates ang agenda ng compensation para sa “loss and damage” ng mga bulnerableng mga bansa. 

Ngayon din isusulong ang unang-unang “global stocktake,” isang mekanismo upang sukatin ang pagkakamit ng mga adhikain ng Paris Agreement. 

Nitong nakaraang dalawang COP, walang consensus na nakamit liban sa “phasedown of unabated coal power and phaseout of inefficient fossil fuel subsidies.” Ayon sa mga eksperto, kasabay ng “phase out,” dapat ding magkaroon ng “phase down” dahil tila patuloy na nagbubukas ng ibang pinto ang mga bansang magpapanatili ng paggamit ng fossil fuels.

Halimbawa diyan ang Pilipinas. Habang masigasig ang Pangulo nito na ikampeon sa mga talumpati ang climate change mitigation at renewable energy, sumasabak din ang Pilipinas sa gas exploration na non-renewable at may greenhouse emission pa rin. 

Kaya’t matindi ang panawagan sa Pilipinas na muling maging namumunong tinig sa COP28 (na natigil noong panahon ni Rodrigo Duterte.)

Pinakamatalino man tayong species sa balat ng lupa, tayo rin ang pinakamapanira. Ang mismong talino natin na nagtulak sa nakalululang pag-unlad sa teknolohiya na siyang sumisira sa ating kapaligiran.

Bilang isang Pilipinong bahagi ng Global South at hindi kabilang sa mga bansang “big polluters” – hindi man tayo pangunahing sanhi ng problema – bahagi pa rin tayo ng solusyon.

Sa antas ng mga climate talks sa pagitan ng mga gobyerno, may mahalagang papel ang Pilipinas. Pero mahalaga rin, gaano man kaliit, ang kontribusyon natin bilang indibidwal sa pagbabago ng lifestyle at mindset. 

Usapin na ito ng survival. Sa henerasyong ito, natunghayan natin ang mga existential threat sa ating mga lipunan: nariyan ang disinformation na banta sa demokrasya at nariyan ang rise ng AI na maaaring bumaligtad sa ekonomiya at information ecosystem ng buong mundo. 

Pero ang hindi matatawarang banta ay ang climate change. Kanser ito na nagbigay na ng taning sa buhay ni Patient Earth. Ang nakapagtataka ay ang state of denial na umiiral sa sangkatauhan sa harap ng nalalapit na bantang extinction. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI
Download the Rappler App!